Taglay ang karaniwang “marketing” na istilo, inilabas ng Holy Angel University (HAU) ang maikling pelikulang “Angels” — tampok ang kuwento ng dalawang Angelites na nakahanap ng pagmamahal sa loob ng pamantasan mula sa mga inisyatibang nakaugat sa diwa ng pagbibigayan at malalim na pag-unawa sa kalagayan ng iba.
Sakto, kung titingnan sa buwan ng mga puso.
Ngunit alinsabay ng mga pelikula’t pakulo ng pamantasan ay ang muling napipintong pagtaas ng matrikula sa pagsasara ng buwan ng pag-ibig — pagsasalarawan na mababaw ang ano mang pagpapakinang ng unibersidad sa mga programa nito sa mukha ng mga polisiyang kapos sa pag-unawa sa kalagayan at sentimyento ng sangkaestudyantehan.
Unang naisapubliko noong ika-7 ng Pebrero, ang nasabing short film ay una sa tatlong mga palabas na inihanda ng direktor na si Sigrid Andrea Bernardo.
Kabilang sa balangkas ng maikling pelikula ang kuwento ng dalawang Angelites na kabilang sa programang “Share-A-Meal” ng pamantasan, at ipinakita kung paanong ang pagmamahal sa kapwa tungo sa kabutihang-loob at kawanggawa ay may kakayahang mag-iwan ng makabuluhang marka sa buhay ng ibang mag-aaral.
Nakaaantig-damdamin man kung iisipin, isang kabalintunaan na ang pamantasang lumikha ng maikling pelikulang ito—na nagsusulong ng malasakit at pagmamahalan—ay siya ring nagbabadya na magtaas ng matrikula sa nalalapit na konsultasyon para sa tuition and other school fees (TOSF) sa darating na Pebrero 27.
Kung matutuloy, ito ang magiging ikatlong pagkakataon sa magkakasunod na mga taon mula 2022 na magtataas ang pamantasan ng mga bayaring pang-eskuwelahan.
Maaaring bigyang katuwiran ng pamantasan ang pagtaas ng matrikula sa kadahilanang ito’y para sa ikabubuti ng eskwelahan at pakikinabangan din ng lahat. Hindi maitatatwa ito, lalo na’t malaking bahagi ng dagdag-singil ay napupunta sa dagdag-pasahod sa mga guro—70% ng TOSF—at ang nalalabing bahagi ay para sa pagpapabuti ng mga pasilidad.
Sa kabila nito, hindi pa rin maitatanggi ang kakulangan ng pag-unawa sa kalagayan ng mga dapat nitong inuuna, at hindi rin ganap ang mga serbisyong nakakamtan ng mga mag-aaral upang bigyang rason ang magiging desisyon nito.
Matatandaan na sa unang bahagi ng taon ay nagkaroon ng pagkakaantala ang naunang ipinangakong mga turnstiles sa main gate ng HAU ay naantala nang ilang beses—isang buwan, sa katunayan, lampas sa naunang nakatakdang pagtatapos nito noong Hunyo.
Habang sunod-sunod din ang pagtataas ng matrikula ay nananatili pa ring depektibo ang maraming mga pasilidad sa pamantasan. Limang buwan matapos maglathala ang The Angelite ng isang imbestigasyon sa kalagayan ng mga silid-aralan at palikuran sa HAU, at sa kabila ng mga apela ng University Student Council (USC), nananatili pa ring mababa ang kalidad ng mga silid, na pinatutunayan ng mga sirang pintuan, projector, tiles, umaapaw na tubig sa mga comfort rooms, at iba pa.
Bukod dito ay nananatiling tengang-kawali ang administrasyon ng pamantasan, gaya na lamang sa pag-iwas sa pagtugon sa mga lehitimong daing ng sangkaestudyantehan.
Makailang-ulit nang umilag ang iilang mga opisina sa HAU, partikular na ang Campus Services and Development Office (CSDO), sa mga tanong ng pahayagan ukol sa kalagayan ng mga pasilidad sa unibersidad, sa kabila ng karapatan ng mga kumakatawan sa mga mag-aaral na humingi ng pananagutan mula sa pamantasan para sa mga serbisyong dapat maayos na nakakamtan.
Habang nananatili ang mga problemang nabanggit ay masasabing ang ano mang pagtataas sa matrikula ay hindi nakaangkla sa pagmamahal sa mag-aaral o para sa serbisyo at kapakanang panlahat—bagkus, para sa makasariling interes na hindi natutugunan ang tunay na pangangailangan ng mga bumubuo sa akademikong komunidad nito.
Mapang-unawa at handang magpakumbaba ang pagmamahal. May malasakit, nakikinig, at inuuna ang minamahal bago ang pansariling kapakanan at kagustuhan.
Mula roon, ang pagpaparamdam ng pagmamahal sa mga mag-aaral ay maaaring maisagawa ng HAU kung sisimulan nitong makinig at tumugon sa mga hinaing ng sangkaestudyantehan. Bago pa ang pagsasagawa ng mga inisyatiba upang itaas na naman ang matrikula, ay dapat munang iparanas sa kongkretong paraan ang pangangalaga nito sa mga bumubuo sa unibersidad, tungo sa pagsasaayos ng matagal na nitong mga serbisyong may kapintasan.
Sa huli, ang pangunahing tungkulin ng HAU ay pagsilbihan ang mga mag-aaral, sapagkat isa sila sa tunay na bumubuhay at nagpapalakas sa isang pang-akademikong institusyon.
Kung tunay itong makikita at mararamdaman ng mga Angelite, doon lamang magiging makatotohanan ang mensaheng ipinahayag ng unibersidad sa mga maikling pelikula nito.
Ngunit hangga’t hindi, pampabango at pampaganda ng imahe lamang sa mata ng mga nasa labas ng HAU makikita ang nasabing pelikula. Mananatili ring talo ang mga mag-aaral, at mananatiling walang tunay na pag-unawa at pag-ibig sa pamantasan—dahil sa pagmamahal, kahit kanino pa, wala dapat natatalo o naaagrabyado.





