Noong unang panahon, ang mundo ay binubuo lamang ng iisang kontinente—isang malawak na lupain na tinitirhan ng mga higanteng nilalang. Isa na rito si Haring Pinas.
Mayaman at mayabong ang teritoryo ng hari. Ito ay nasa tabing dagat, kung kaya naman ay mataba rin ang lupang nagbibigay sustansya sa mga ani. Kilala si Haring Pinas sa kaniyang kabaitan, pagiging mapagbigay, at pagpapatawad. Siya ay biniyayaan ng tatlong kambal: si Marko, Juan, at si Digong.
Ngunit hindi lamang mabubuting bata ang nahuhulma sa isang tahanang mainit sa pagmamahal—maaari rin nitong hubugin ang mga pusong nasa loob ang kulo.
Si Juan ay tila pinagbiyak na bunga ng hari, tumutulong sa mga nangangailan nang walang hinihinging kapalit at naghahangad ng maayos na bukas para sa lahat. Samantala, ngisi at ngiwi ang nananaig na ekspresyon kay Marko—ngiwi sa tuwing siya ay nabibisto, at ngisi sa tuwing ang kaniyang tatay ay kaniyang naloloko. Sa kabilang banda, walang preno sa bibig si Digong. Umuulan ng mura at pagbabanta mula sa kaniyang bibig, na kaniyang idinadahilan bilang paraan ng kaniyang pagmamahal.
Sa kabila ng lahat ng ito, bakit nga ba patuloy na huling pinipili si Juan?
“Akin po ‘yan,” naluluhang sambit ni Juan sa kaniyang ama. Nakayuko ang bata habang si Marko ay nakangiwi at si Digong ay nakangisi.
Malalim ang tinig ng Haring Pinas sa gintong kaniyang hawak. Ibinibida ito sa kaniya ng dalawang anak nang pumasok si Juan sa silid. Akma na sanang magtatanong ang ama nang humiyak muli si Juan.
“Magnanakaw!” Sumbat niya sa mga kapatid. Nagbago ang timpla ng dalawa—nagkatinginan at biglang sabay na lumuha.
Pili, Pinas.
“Wala po akong alam,” takot na sagot ni Juan na kagagaling lamang sa pagsasaka.
Sa kabilang dulo ng silid ay hawak ni Marko ang susi sa isang ipinagbabawal na kwarto, habang si Digong ay papalapit kay Juan. Nakaluklok sa trono si Haring Pinas, iniisip kung sino sa mga anak ang nagsasabi ng totoo. Sa pagbuka ng kaniyang bibig ay isang hiyaw ang narinig.
“Nanlaban ‘Pa, eh,” sambit ni Digong habang hinihila ang walang malay na katawan ni Juan palabas ng silid.
Pili, Pinas.
“Papa! Papa!” Takot ang sumalubong sa Hari nang makita niyang nalulunod ang tatlong anak sa karagatan. Iniwan niya ang mga ito sa kweba pansamantala at sinabihang manatili sa pwesto dahil mapanganib ang mga alon.
“Marko?! Digong?! Juan?!” Hindi mapakali ang hari. Siya lamang ang nasa dalampasigan habang nakikita niyang unti-unting nawawalan ng hangin ang kaniyang mga anak.
Napansin niyang magkayakap sina Marko at Digong, habang nasa kalayuan si Juan.
Sino ang kaniyang sasagipin?
Pili, Pinas.
Muli, pinili ni Pinas si Marko at Digong.
Nang marating ang kinaroroonan ay doon lamang napagtanto ng hari na abot pa ng dalawa ang sahig ng karagatan, habang si Juan ay unti-unting lumubog sa kaniyang harapan.
Ang paghampas ng alon ay pagsampal din ng pantanto at pagsisisi kay Haring Pinas. Simula noon ay napuno ng lumbay ang kaharian—wala na ang nag-iisang tumutulong sa mga mamamayan at ang alitan na lamang ni Marko at Digong ang namamayani sa silid.
Araw-araw na bumibisita si Haring Pinas sa dalampasigan sa pag-asang magmimilagro ito ay iluluwa ang kaniyang anak. Pagkalipas ng ilang buwan, sa parehong pwesto kung saan naglaho si Juan, tumambad sa kaniya ang isang arkipelagong nahahati sa tatlong dibisyon.
“Anak ko…” Wari ni Haring Pinas ay labi iyon ng kaniyang anak—si Juan na patuloy na mapagpatawad at mapagbigay, kaya’t hinati pa rin ang pulo sa tatlo upang mapaghatian nilang magkakapatid.
Buhat noon ay tinawag na Pilipinas ang buong arkipelago, isang panata ng hari na patuloy niyang pipiliin si Juan ano man ang mangyari, sa gitna ng kung sino mang nagmamataas na uri.





