Ang tugon ng salmong ito: Diyos ng Katotohanan, alalahanin mo ako sa dila mo. Kalimutan mo nang kalimutan ako.
Hindi ito elehiya para sa mga patay
Dahil ang bangkay nila’y inaalala
At hinuhukay muli ang memorya tuwing Nobyembre
Higit pa kami sa mga katawan nilang ‘di na gigising
Kayo’y aming kamag-anak na luluwas na pagkatapos ng libing
Na sa araw ng mga bayani kami’y hindi niyo kapiling
Tugon: Diyos ng Katotohanan, alalahanin mo ako sa dila mo. Kalimutan mo nang kalimutan ako.
O diyos, paano naging banyaga ang nag-alay nang buo?
Paanong si Rizal at Bonifacio lang ang nakikita
sa kanilang dyaryo at libro?
Saan kami naroon sa kanilang mga alaala?
Ano’t ang dugong dumanak sa lupa
Natuyo na bago pa sumibol ang alaala?
Tugon: Diyos ng Katotohanan, alalahanin mo ako sa dila mo. Kalimutan mo nang kalimutan ako.
Ikaw, panginoon, na taga-ukit ng alaala ng lahat
Tagatingkop ng pluma ni Pascual Hicaro
na patuloy pa ring nagsusulat
Tagakalong kay Guillermo na kay Jacinto’y sangga’t balikat
Kay Macario Sakay na binitay at
Kay Poblete na sandata’y panulat
Patuloy nawang maging museo ang iyong mga palad
Na siyang magiging tahanan namin
Tugon: Diyos ng Katotohanan, alalahanin mo ako sa dila mo. Kalimutan mo nang kalimutan ako.
Ikaw, na tagapag-ingat ng lahat ng pangalan
Saming mga anak ng kasarinlan
At ama ng Pilipinong pagkakakilanlan
Alalahanin mo kami sa kanyon ni Panday Pira
Sa nag-ingat ng lihim na bibig ni Gregoria
Sa tindig ni Ladislao Diwa
At kamay ni Magbanua na humawak ng baril
Nang minsang ang bayan ay nanghina
Ikalong mo kami sa iyong mga bisig
Tugon: Diyos ng Katotohanan, alalahanin mo ako sa dila mo. Kalimutan mo nang kalimutan ako
Ikaw, na ina, ng mga bago pang bayaning ibabaon sa limot
Ng mga magsasakang patuloy pang maghihirap
mga mangingisdang mangangarap sa laot
mga manggagawang kolateral ng sistemang korap
at kabataang ang hinaharap ay dinurukot
nawa’y gisingin mo ang lipunan
hindi lang sa tanikala ng pagkalimot
kundi sa katotohanang ang bayan ay nalulugmok
at sa walang kasiguraduhang kinabukasan
muli na namang nasasakop
Tugon: Diyos ng Katotohanan, alalahanin mo ako sa dila mo. Kalimutan mo nang kalimutan ako





