Para sa nakararami, hindi lang si Kristo ang handog ng Pasko, hatid din nito ang pahinga, pagninilay-nilay, at pagsasalo-salo.
Ngunit sa kabila ng tila masasayang proseso at makukulay na palamuting nakasabit sa bawat pinto ay okupadong isipan naman ng mga taong nagtatrabaho habang Pasko.
Mga taong hindi man pansin ng nakararami, ay patuloy na pinapaikot at pinapagana ang mundo.
Habang ang bansa ay masayang nagdiriwang, nariyan ang mga manggagawa na ang Pasko ay hinuhubog ng oras sa trabaho.
Sa Pilipinas, Setyembre pa lang, marami na ang naglalagay ng palamuti at dekorasyon sa kanilang mga tahanan, nag-iipon ng ibibigay para sa kanilang mga inaanak, o kaya naman ay inaasam na ang bakasyon na kabuklod nito.
Ngunit para sa kanilang gapos pa rin ng kinakailangang sahod, masarap pa rin kaya ang Noche Buena nila sa Pasko kung kailangan naman nilang namang unahin ang trabaho?
Paskong Anong Saya (Kung Nagtatrabaho Ka?)
Nakagawian na ng nakararami na tawagan ang mga kamag-anak nilang nakatira sa malayo, kagaya ng mga overseas Filipino worker (OFW) nilang mga magulang, tuwing Pasko. Pagkakataon ito upang makipagkumustahan at makipagkwentuhan kahit sa kabilang linya lamang.
Hindi nalalayo ang sitwasyon ni Love, 24, isang call center agent. ‘Yun nga lang, hindi niya kaano-ano ang mga kausap niya. Hindi rin kwentuhan at halakhakan ang dumadaan sa linya ng kanyang telepono, ngunit mga reklamo, pagkalito, o karagdagang tanong ng mga customer.
Kung tuwing madaling araw ng Pasko, mahahanap mo ang mga tao na dumadalo sa mga samu’t saring misa, busog sa unang tikim ng Noche Buena at gutom sa inaasam-asam na pagdiriwang pagkatapos, kakaibang altar ang kaharap ni Love.
Magmula ala una ng madaling araw hanggang sikatan na siya ng araw pagsapit ng alas nuebe ng umaga, nananatili siyang nakasandal, kaharap ang computer, keyboard, at mouse.
“Depende sa schedule na ibibigay. Last year pang gabi, pero need mo pa din ipasok yung Pasko,” kwento niya.
Sa labas ng bintana ng opisina, tanaw niya ang selebrasyon ng mga tao — ng ilaw ng parol sa kalye, ng tawanan sa kanto, at amoy ng handang niluluto. Sa mga pagkakataong iyon, dama niya ang abot-kamay na Pasko kahit tila nasa kabilang panig siya ng mundo.
“Ramdam?” Bulalas niya nang tanungin kung ramdam ang Pasko sa opisina. “Magka-countdown lang siguro tapos magbabatian lang [‘tsaka] na babalik sa pag[sasagot ng] call,” dagdag niya.
Ang sentimentong ito, repleksyon ng mga karanasan ng mga katulad niyang manggagawang gapos pa rin ng tanikala ng buhay na nakasalalay sa sahod. Hindi maikakaila ang saya na dulot ng Pasko, pero para sa mga katulad niyang hindi lang basta-basta pwedeng huminga at huminto, nananatiling mas mabigat ang trabaho.
“Hindi masaya, syempre. ‘Yung mga kaibigan ko minsan [nag-aaya], gusto [ko] man sumama pero [merong] trabaho. Okay naman, kaya naman. Nakakadisappoint lang na ‘di ka makasabay minsan,” pagpapatunay niya.
Bukod pa rito, isa pang mabigat isipin ay ang oras sana na naibigay niya upang makasama ang pamilya sa espesyal na araw, oras na nauubos niya sa mga taong hindi naman niya kakilala.
Kung may mga bagay mang nawawalan siya ng pagkakataon, aniya, “‘Yung kwentuhan, lalo na matagal kaming ‘di nagkakasama ng family or [mga] kaibigan [ko].”
Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, sinusubukan niya paring kumayod at magsipag sa trabaho. Iniisip nalang niya na sa oras na matapos ang duty niya, makababawi na rin siya sa pamilya at makasasama sa selebrasyon nila.
Dagdag pa ni Love, may mga mababait din namang customer siyang nakakausap na ikinalulugod ang pagseserbisyo niya kahit Pasko.
“‘Yung mga customer namin may mga maganda namang kausap. Nagpapasalamat minsan,” aniya.
Ang tanging hiling lang niya, sana’y magkaroon ng malawak na pagtingin sa kanila. Pahalagahan din sana ang pagsasakripisyo nila sa importanteng araw katulad ng Pasko at magkaroon naman raw sana ng pagtaas ng sahod.
“Kailangang magsakripisyo para sa mga bagay na gusto mong makuha. Pwede [namang] sa susunod na ‘yung iba,” pagbabahagi niya ng aral.
Ang Pasko, para sa mga katulad ni Love, ay hindi ganap na selebrasyon. Hindi rin ganap na pahinga. Isa itong panibagong araw ng responsibilidad, tiyaga, at kaunting saya na nakukuha sa bawat naaayos na tawag at maliit na tagumpay sa trabaho.
Habang ang iba ay nagbabalik-tanaw at nagdiriwang, nananatili siyang gising, kumakausap, sumasagot ng tawag, sa sistemang bingi sa munti niyang tinig.
Da Best ang Pasko ng Pilipino (Lalo na’t Double Pay)
Habang humaharana ang malamig na simoy ng hangin sa mga taong naghahanda ng kanilang susuotin, ibang damit naman ang inihahanda ni Trisha, 22 taong gulang, tuwing Pasko.
Si Trisha kasi, hindi magarbong damit ang suot, kung hindi ang kaniyang uniporme. Bilang store manager ng isang convenience store, kailangan niyang maagang pumasok sa trabaho — kahit na araw pa ‘yan ng Pasko.
Mula alas otso ng umaga hanggang alas kwatro ng hapon, patuloy lang ang pagbabantay niya sa trabaho, sinisiguradong kalidad ang maibibigay nilang serbisyo.
Sa dalawang taon niyang pagtatrabaho, ngayong taon lang niya napagdesisyunang pumasok sa araw ng Pasko. Aniya, sayang ang double pay tuwing holiday.
Para sa kaniya, ordinaryong araw lang din naman ang Pasko. Panibagong pagkakataon upang makaipon ng panustos sa mga gastusin.
“Sa taon ngayon, parang hindi. Hindi siya ganun din na ramdam na ramdam,” dagdag niya nang tanungin kung ramdam niya ang diwa ng Pasko.
Dagdag pa niya na hindi nagtatapos ang araw pagkatapos ng kaniyang shift. May plano pa rin siyang ipagdiwang ito sa ibang paraan.
“Siguro, mag-early out, tapos spend the rest of the day kasama yung partner, ganun, or other relatives,” kwento niya.
Wala rin namang problema sa kaniyang pamilya kung sakali mang wala siya tuwing Pasko. Nakakasalo naman nila siya sa bagong taon. Ito ang reyalidad na kinailangan nilang makasanayan — isang karanasang hinaharap ng mga pamilyang katulad ng kay Trisha.
Para kay Trisha, hindi gano’n kabigat ang pagtatrabaho tuwing Pasko. Nagkakaroon din naman sila ng Christmas party kasama ang mga kasamahan niyang crew at store managers din bago ang mismong araw ng Pasko, kaya kahit papano’y hindi naman sila nahuhuli sa selebrasyon.
“Marami namang [mga] generous na customer dito. ‘Yung iba, katulad niyan, yung mga crew, marami namang mga nagbibigay sa kanila,” saad niya.
Ang Pasko, para sa kaniya, ay hindi lamang isang araw ng pagdiriwang. Maaari itong idaos sa iba pang araw at iba pang paraan — praktikal na pag–iisip, kagaya ng marami pang Pilipinong mas pinipili ang dagdag na pera kaysa sa pahinga.
“Okay lang ‘yun na yung time mo is binibigay mo sa trabaho mo — work-life balance dapat,” dagdag niya.
Kung mayroon lang siyang ibang nais, iyon ay ang pagpapanatili sana ng gobyerno sa mga holidays — huwag na sanang bawasan.
“‘Di ba binabawasan nila yung mga holiday? Sana, hindi nalang ganun yung gawin nila…Maswerte pa nga kami dito sa trabaho namin kasi indoor. Paano yung mga nagtatrabaho outdoor na umaasa din sa double pay? Sana hindi nila bawasan yung mga holiday,” saad ni Trisha.
Aniya, para sa kanilang mga manggagawa, ang mga holiday nalang ang pagkakataon nila para pumili kung nais nilang magpahinga o kumayod para sa dagdag na kita. Sa 23 na holiday ngayong taon, huwag na sanang bawasan ang mga pagkakataong ito.
Ang Pasko, iba-iba man ang interpretasyon ng iba — maaaring bilang pahinga o pagkakataon upang lalong kumita — handog pa rin ang regalo ng pagkakataon na pumili at maging masaya.
Sa Paskong Darating (May Tsuper Pa Rin)
Pagsapit ng gabi ng Pasko, maligalig nang ilalabas ng mga bata ang sandamakmak nilang mga ampao na may lamang aguinaldo — oras na para magbilang ng regalo.
Si Tatay Antonio, 56, jeepney driver, nagbibilang din naman pagsapit ng noche buena. Hindi nga lang ng perang napamasko, kung hindi ng mga sumasakay na pasahero at ng kita niya sa buong araw. Aniya, sa labing walong taon niyang pagiging tsuper, hindi na bago ang pamamasada sa araw ng Pasko. Taon-taon, nagmamarka ang gulong ng kanyang sasakyan sa mga kalsada mula Angeles hanggang San Fernando.
Randam na randam naman daw niya ang Pasko kahit na nagmamaneho siya mula alas singko ng umaga hanggang alas otso ng gabi.
“S’yempre, obligasyon namin ‘yun [na pumasada] kasi kung hindi kami lalabas, magbabayad kami ng boundary, wala kaming pang abono. Okay lang, masaya naman kami.”
Sa kabila nito, nananatiling masaya si Tatay Antonio at sinasabing kasama na raw ang pagtatrabaho tuwing Pasko sa kaniyang buhay, bagamat namimiss niyang kasama ang pamilya.
“Okay lang, syempre namimiss ko yung Pasko na kasama yung pamilya, pero so far naman okay. Kasama na sa trabaho ‘yun,” aniya.
Malungkot man daw ang kanyang pamilya sa tuwing hindi nila siya nakakasama, hindi raw siya pwedeng magpabaya sa kanyang hanap buhay, lalo na at nakikita naman daw niya na pinahahalagahan ng mga tao ang kanyang trabaho.
“Inaalala ko nalang ‘yung pamilya ko,” pagbabahagi niya kung paano niya ipinagdiriwang ang Pasko habang nagmamaneho.
Para kay Tatay Antonio, ang tunay na diwa ng Pasko ay ang kaniyang pamilya. Sa pag-ikot niya sa lansangan buong araw, dala niya sa bawat pasahero ang pag-asa na makakauwi siya sa kaniyang mga mahal sa buhay.
Sa bawat hinto at pagbabayad ng pamasahe, dala-dala niya ang imahe ng ngiti ng kaniyang mga anak at asawa, at ang init ng hapag sa bahay na naghihintay sa kanya.
Kung mayroon lamang siyang hiling ngayong kapaskuhan, ang panawagan niya ay, “Ibaba ang diesel…presyo ng diesel. ‘Yun lang.”
Dahil para sa mga tsuper na kagaya niya, importante ang pagbaba ng presyo ng langis dahil dito rin nahahati ang kanilang kita araw araw. Ang bawat sentimong inuuwi niya, importante para may mailaan sa kaniyang pamilya.
Sa huli, pagdidiin ni Tatay Antonio, “‘Pag pamilyadong tao ka na kasi, dapat isakripisyo mo ‘yung sarili mo para sa pamilya mo.”
Hiling sa Pasko (Makita Niyo Naman Ako)
Ano na bang susunod na gawin pagkatapos ng Pasko? Marahil, para sa nakararami, ilalagay na sa refrigerator ang tirang handa sa noche buena, mag-iisip na ng bibilhing kagamitan gamit ang aguinaldo, o kaya naman ay maghahanda na para sa bagong taon.
Kung iisipin, maswerte na kung ganito ang plano. Dahil si Jem Sun, 22 taong gulang, pagpatak ng alas syete ng gabi, magsisimula palang sa trabaho.
Dalawang taon na siyang security guard ng isang pribadong kumpanya. Tuwing Pasko, sarado ito tuwing araw kaya kinakailangan niyang magbantay lalo na sa gabi.
Magmamasid lamang siya sa labas ng establisyimento magmula alas syete ng gabi hanggang abutan na siya ng sinag ng araw pagsapit ng alas syete ng umaga.
“Boring. Tapos minsan, iniisip mo, yung iba mong [katrabaho] tapos na, tapos ikaw, nasa labas [pa],” pag-amin niya. Sa ilang oras niyang pagtatrabaho, nauubos ang lahat ng iyon na nagbabantay lamang siya sa labas, iniinda ang lamig ng gabi.
Dahil dito, aniya, hindi na niya ramdam ang Pasko sa trabaho.
“Dahil panggabi ka, madalim ‘yung [paligid], nakakatakot,” dagdag niya.
Upang hindi mainip at manatiling gising, gumagala siya at tumatayo paminsan-minsan upang tingnan kung may nagmamasid ba sa paligid o wala. Napakahalaga ng kaniyang cellphone sa kaniya dahil kung wala ito, ilang oras siyang nakatunganga sa madilim at gutom na kalsada.
Habang ang iba ay masayang nagsasalo-salo kasama ang pamilya, si Jem ay mag isa lamang sa lungsod.
“Kanya-kanya kami, so tuwing Pasko, parang wala lang din. Sanay na kami,” pagkukwento niya. Aniya, ang kaniyang ina ay nasa abroad habang ang pamilya ay naninirahan sa kanilang probinsya.
Si Jem, mag-isa lang na nagtatrabaho sa gitna ng abala at matatayog na gusali ng bayan ng Angeles. Mag-isa siya araw-araw. Mag-isa siya tuwing Pasko.
“Ako lang dito mag isa eh. Next year pa’ko makakauwi. ‘Pag holiday, nagduduty parin ako,” dagdag niya. Mabuti na lamang daw at double pay tuwing Pasko kaya’t nagbubunga naman kahit papaano ang mga sakripisyo niya.
Sa himbing ng tulog ng mga tao habang siya’y nagtatrabaho, para kay Jem, hindi nila batid ang dinaranas niya.
“Hindi kasi hindi naman nila alam. Halimbawa ikaw, tapos ako nagwowork rito, mapapansin mo ba na nagwowork ako rito? Malay nila nagtatambay lang ako rito,” daing niya.
Habang tanaw ng iba ang ilaw ng Pasko, nagbibiruan at nagbabalik-tanaw sa taon, nakatayo siya sa tahimik na kanto — nagbabantay, nagsasakripisyo. Wala ang mga palamuti, wala ang tawanan, wala ang hapag na puno ng pagkain — ang Pasko para sa kanya ay nakabalot sa kakarampot na pansin at nag-uumapaw na pagod.
Hindi lang nag-iisa si Jem. Sa buong bansa, marami rin ang katulad niya. Nagsasakripisyo, nagpapagod kahit walang nakakakita. Lingid sa kaalaman ng lahat, ang ligtas na pagtulog sa gabi, responsibilidad ng libu-libong Jem sa bansa.
Ginintuan kung ituring ng mga Pilipino ang Pasko, ngunit para sa mga katulad niya, tila nangangalawang na ang selebrasyong ito.
Walang Mag-iisa Ngayong Pasko
Kaginhawaan.
‘Yan ang pangako nang isilang ng Birheng Maria si Kristo sa mundo. Ngunit kung titingnan ang mga kwento ng mga taong kumakayod, mukhang malayo pa upang makamit ito.
Alipin ng salapi kung biruin, pero patunay ang kulturang ito sa patuloy na pagsusumikap ng mga ordinaryong Pilipinong gapos ng “No Work, No Pay” na polisiya. Alipin, oo, pero hindi lang ng salapi, kung hindi ng sistemang patuloy silang nilalambat at nilulubog na parang isdang hinuli.
Iilan lamang sila Love, Trisha, Tatay Antonio, at Jem sa mga manggagawang kumakayod pa rin kahit Pasko. Ang kanilang mga kwento ang patunay na ang Pasko ng bawat isa ay hindi pare pareho.
Kaya ngayong ipagdiriwang na naman ang panibagong araw ng Pasko at mabibighani na naman tayo sa ganda nito, alalahanin natin ang mga taong nagsusumikap sa likod nito. Hagilapin natin sila sa sulok ng ating mga mata at magpasalamat sa mga sakripisyo na kanilang ginagawa.
Sa kanilang mga kwento, malinaw ang hamon sa lahat: ang Pasko ay hindi lang para sa sarili. Ito ay paalala na ipagdiwang din ang mga indibidwal na pinapagana ang mundo habang nagdiriwang tayo.
Sa huli, hindi man sila makasali, bahagi at pundasyon pa rin sila ng nito.





