Mahirap simulan ang kuwentong ‘di mo pa batid kung paano magwawakas.
Magsimula tayo sa dulo.
Marso. Haplos ni Fe, bagong tapos lang, ang anghel na rebulto sa may fountain. Basa na ang toga niya sa binubugang tubig ng tupa sa baba nito, pero wala na siyang pakialam.
Ilang beses na kaya siyang humingi ng milagro mula rito?
Nanginginig siguro ang bibig niya tuwing dinadasal niyang humarurot na ang sinasakyang dyip dahil late na siya sa klase. Nag-overtime kasi sa call center niyang trabaho. Imbes na mga naging nobya ni Rizal ang maalala niya, mga mura ng customer ang tumatak sa kaniyang puso.
“Lord, kung totoo ka man, papasa ako sa quiz,” bulong niya.
Eh paanong maririnig ng Diyos ang dasal niya kung humihiling din ng extra pang-kita si Rony, part-timer sa coffee shop, pambayad ng tuition? Sino ang pakikinggan sa kanilang dalawa?
Nag-toss coin nalang siguro si Lord.
Disyembre. Amoy alak, sigarilyo, at puto bumbong ang leeg ni Beth. Naghahanap siya ng mahaharvat sa masikip na eskinita ng Sto. Rosario. Kailangan na niya ng pambayad sa prelim.
“Happy birthday, Jesus, sana ito nalang ang pamasko mo sa’kin,” aniya, sabay buga ng usok mula sa vape.
Makikinig kaya ang nasa taas sa bawat salitang lumabas sa madumi niyang bibig na natikman na lahat ng kasalanan sa mundo?
Kailangan niya rin ng milagro.
Sa kabilang dako ng highway, hindi naiiba ang sitwasyon nina Marie at Ben — parehong bagsak sa major. Sakristan ang isa at ang isa’y student assistant sa kapilya.
Edad lang ang dise-otso sa kanila, pero ang pagod sa mata, pang-trentahin na. Patapos na ang Setyembre at malapit na ang finals. Awa at pambayad sa matrikula ang kailangang-kailangan nila.
Mas maririnig kaya ng Diyos ang dasal nila kung katuwang niya na sila sa loob ng tahanan niya? Mas diringgin ba ang panalangin mo kung mas malapit ka sa kaniya?
Hunyo. Kaharap ni Tan, 21, ang gate. Hindi niya alam kung kayang tustusan ng pagiging caller sa hapon at bartender ng club sa gabi ang gastos sa pag-aaral.
Langit ang turing niya sa pamantasang ito (kung tutuusin, kaliwa’t kanan nga naman ang mga anghel).
Para sa kanya, ang Maykapal na lang ang bahala kung mananatili siya sa loob.
Ang hindi niya alam, isang taon makalipas at magmamahal na naman dito. Kakailanganin niya ng isa pang trabaho kung gusto niyang makapagtapos sa Marso.
Magagawa kayang magpakita sa kaniya ng anghel dito sa tinuturing niyang paraiso at iahon siya mula sa bingit ng peligro?
Himala. Hilama. Mihala. Mahila. Mailap. Mahirap. Magparaya. Sabihin nang paulit-ulit. Mumugin mo muna bago mo idura. Ganito ang lasa ng pananampalataya. Ng pagpaparaya. Na walang pinapalaya.
Kung langit na pala ang lupang ito, ano pa kayang naghihintay sa kanila sa impiyerno?
Himala na lang marahil ang magsasalba sa kanila.





