Sa palad ng bata, ang isang munting barya noon ay nakapaghahatid ng tuwa sa katumbas nitong kendi sa tindahan.
Ngunit sa ngayon, bakit parang ang halaga nito ay unti-unting nawawala,na parang hangin mula sa mahigpit na hawak?
Sabi nila, kahit iisang kusing ay mahalaga sa pang-araw-araw, ngunit bakit ito’y parang wala nang timbang?
Bata, itanong mo nga kay Aling Sara kung kasya pa ang piso mong barya para sa kendi sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo.
May tunay na halaga pa ba ang piso, o tuluyang naglalaho na ito sa harap natin?
Inay, sa kusinang puno ng pagod, sapat pa ba ang barya sa pampalasa’t sangkap?
Gutom na hindi lamang sa sikmura kundi sa buong tahanan, luha na hindi na natutuyo sa mga mata natin.
Bakit bawat umaga ay dala ng mas mataas na halaga ng mga bilihin na nagpapabigat sa bawat pamilya?
Ang barya na dating sapat, ngayon ay nagliliparan na parang usok, iniiwan tayong kapos-palad.
Manong sa terminal, na puno ng mga pasahero na gustong makauwi sa kanilang mga mahal sa buhay,
magkano na po ang dagdag na kusing ang kailangan para sa biyahe?
Kayong mga opisyal sa puwesto ng kapangyarihan, na hawak ang kaban ng bayan, nakaramdam na ba kayo ng bigat ng barya ng ordinaryong tao?
Naiintindihan ba ninyo ang papel nito sa patuloy na pakikibaka ng mga mamamayan na inyong sinumpaan na pagsisilbihan?
Ang buwis na tumataas, gamot at serbisyong medikal na hindi abot-kamay, nagpadagdag ng hirap sa mga mahihirap.
Bakit mas inuuna ninyo ang pagpapayabong ng inyong mga ari-arian kaysa sa pagtulong sa mga mamamayan?
Ano’t nawawalan na ng halaga ang mga barya natin na pawis, dugo, at dalamhati
ng milyun-milyong Pilipino na naghihintay ng katarungan?
Bakit kahit mulat na tayo sa lahat ng ito, patuloy pa rin ang paghihirap ng mga Pilipino nang walang katapusan?
Bakit sapat na ang “matatag ang mga Pinoy, kakayanin ang lahat,” imbes na suriin kung karapat-dapat pa ang mga nakaupo?
Ang katatagan natin ay ginawang dahilan para manahimik, habang ang mga hindi karapat-dapat ay nananatili sa kapangyarihan.
Kailan tayo magigising sa katotohanang ito bago pa tuluyang mawala ang lahat?
Saan na napunta ang dating ginhawa ng madaling araw, na ngayon ay puro pag-aalala at pagkapagod lamang?
Bawat pagtaas ng presyo ay parang sugat na hindi gumagaling, habang ang halaga ng bawat kusing ay naglalaho nang walang bakas.
Walang masustansyang pagkain sa lamesa, walang malinaw na kinabukasan para sa susunod na henerasyon.
Bawat araw ay laban na walang panalo, puno ng pagod at unti-unting nakakawala ng pag-asa.
Mga pamilya ay tahimik na nagdurusa, ngunit sa loob ng bawat isa ay may sigaw na handang sumabog.
Sa bawat araw na sumisibol nang walang pagbabago, ang halaga ng pagkain, serbisyong pangkalusugan, petrolyo, krudo, diesel, at buwis ay patuloy na sumisirit.
Saan makakarating ang barya mo, habang ang halaga nito ay naglalaho na parang hamog sa gitna ng krisis?
Ang mga Pilipino ay pinipilit na isalin ang kakarampot na sahod sa mga gastusing hindi na kontrolado.
Saan magkakaroon ng puwesto ang mga Pilipino sa kinabukasan na hindi na nila sigurado?
Ang pagtitiis lamang ay hindi sagot; kailangan natin ng tunay na pagkakapantay-pantay at pagbabago.
Mga nakaupo, gaya nina Tito Ferdie at Lola Sentya, buksan niyo naman ang matataas na bakod ng inyong mga mansyon sa matinding katotohanan, hindi sa inyong ambisyon.
Tayo ay dapat tumindig, hawak ang bawat barya na pinaghirapan sa loob ng maraming taon ng pagtitiis.
Huwag na nating hintayin ang walang hanggang pagdurusa — simulan na ang pagbabago sa mismong sandaling ito.
Ibagsak ang mga mapagpanggap na nananatili sa puwesto para sa sariling kapakinabangan.
Igalang natin ang tunay na diwa ng ating pinaghirapan, ipaglaban ang bukas ng bawat pamilya at ng buong lipunan.





