The ANGELITE
  • News
  • Sports
  • Opinion
  • Specials
  • Features
  • Literary
  • Entertainment
  • Archives
  • ABOUT
    • HISTORY
    • FINANCES
    • STAFF
    • JOIN THE A-TEAM
    • MAILBAG
Literary

Byaheng Berdugo

by:


  • Arabella Aralar

Published

May 2, 2026
(Art by Arabella Aralar)

*BEEP BEEP*
May sumpa yata ang mga jeep dito.
Napakamapili sa mga pasahero:
May mga pinaparangalan, mga pinapalakpakan.
Ngunit mayroon ding pinandidirihan, ginagawang katatawanan.
At iilang binura na nga ang katawan,
Isinama pa ang pangalan

Tulad na lamang ng labing-siyam.

Dahil ang dyip na ito ay biyahe ng sistemang humahakot ng buhay tungo sa kawalan,
isang rutang matagal nang ipinapasa bilang normal.

*BEEP BEEP*
“Bzrt… Maligayang ika-124 na taon sa mga manggagawang Pilipino!” sigaw ng radyo sa dyip.
Napabuntong-hininga ako.
Isang daan at dalawampu’t apat.
Mayo Uno, heto na naman tayo.

*BEEP BEEP*
“Bzrt… Mga progresibong grupo, nagmartsa sa kalsada ng España…”
Ngunit dito sa loob, hindi marinig ang protesta. O sadyang hindi pinakikinggan.
Dahil hanggang ngayon, kulang pa rin ang sahod ng mga manggagawa.
Na matagal nang pinaglalaban ng masa.
At sa bawat kuwento nila, iisa lang ang ruta —
nakakapagod, paulit-ulit, ngunit hindi humihinto.

*BEEP BEEP*
“Doon lang po ako sa bundok bandang Toboso,” sabi ko sa tsuper.
Ang balik-sagot sa akin, “Bakit sa bundok?”

May mali ba sa bundok?

“Mananaliksik po ako, e, sa mga komunidad po roon,” mariin kong banggit.

“EnPiEy ka ba?” bulong nito.

Katahimikan.
Nakamamatay na katahimikan.

*KORN BEEP!*
Hanggang sa may tumawa.
Isa. Dalawa.
Sumunod ang iba pa na para bang sirang plaka.
Lima. Dalawampu.
Kasabay nito ang pagkapako ng paningin ko sa likod ng upuan ng tsuper, may karatulang:

“Aktibista = Terorista.”

At sa kalauna’y putok ng baril ang narinig sa nayon at napaulanan na nga ng bala.

Hindi na ako magtataka.

*BEEP BEEP*
“Para po,”
mahina kong sabi.

*BEEP BEEP*
“PARA PO!” sigaw ko, sawa na sa pagmamakaawa,
nagbabakasakaling pakinggan at mapahinto ang dyip.
Pero dahil papunta ako sa bundok,
kailanma’y hindi ako pakikinggan, hindi kikilingan.

*BEEP BEEP*
Ang biyahe ko ay para magsuri,
para magsulat ng katotohanan,
para mag-aral,
para unawain ang sistemang ito.
Ngunit ngayon,
ako rin ay bahagi ng biyaheng sinusuri ko.

*BEEP BEEP*
Ang trabahong ginagawa ko sana
para… sa mga manggagawa
para… sa katotohanan
nagmistulang
para
sa wala.

Para saan pa?

Lumayo nang lumayo ang byahe,
at ako’y nangangamba,
Kailan hihinto? Kailan papara?
Hindi na lamang pawis ang tumatagaktak,
kundi dugo at buhay ng manggagawa
ang sinisingil ng sistemang matagal na tayong pinapalpak.

Tama na.
Sobra na.

Pero sakay rin kayo ng sakay kong jeep.
Patuloy sa pag-arangkada, tungo sa lansangan ng kahirapan at kawalan.

Hindi ito pepreno. Hindi ito hihinto.

Dahil hindi pa rin handang apakan ng sambayanang Pilipino ang preno nito.

Share this:

  • Share on X (Opens in new window) X
  • Share on Facebook (Opens in new window) Facebook

Like this:

Like Loading…

OTHER STORIES

  • CSC-SBA to HAUSG High Court: No due process on suspension ruling
    News

    CSC-SBA to HAUSG High Court: No due process on suspension ruling

    November 10, 2026
  • Hindi pa patay si Ate Gay
    Literary

    Hindi pa patay si Ate Gay

    November 7, 2026
  • Purifying Genocide: The Diplomatic Shield Behind Israel’s Atrocities
    Features

    Purifying Genocide: The Diplomatic Shield Behind Israel’s Atrocities

    November 6, 2026
  • HAU-USC bares first sem finances, renews anti-TOFI initiatives on second press con
    News

    HAU-USC bares first sem finances, renews anti-TOFI initiatives on second press con

    November 4, 2026
The ANGELITE

The ANGELITE is the 88-year-old student publication of
Holy Angel University • serving the people since 1937.

  • News
  • Sports
  • Opinion
  • Specials
  • Features
  • Literary
  • Entertainment
  • Archives
  • ABOUT
    • HISTORY
    • FINANCES
    • STAFF
    • JOIN THE A-TEAM
    • MAILBAG
  • Facebook
  • Instagram
  • TikTok
  • YouTube
  • Mail

© 2024. The ANGELITE. All Rights Reserved

BF Peter G. Nepomuceno Building, Holy Angel University
Sto. Rosario, Angeles City, Philippines, 2009

%d