Sa ngalan ng ina at ng anak
na parehong nakaluhod sa iisang panalangin
Ama namin,
nasa loob ko ang kaniyang buhay,
at sa bawat tibok niya, may mundong humuhusga na agad sa amin.
Sambahin ang ngalan Mo
at lahat ng santo na hindi ko alam kung nakikinig ba sa ganitong uri ng panalangin,
habang ang loob ko ay hindi pa rin matahimik sa pagitan ng “kaya ko” at “hindi ko pa kaya.”
Mapasaamin ang kaharian Mo,
pero dito sa lupa, ang kaharian ay may mata, may bibig, may hatol —
at sa bawat tingin nila, may bigat ng panghuhusgang hindi ko na kayang dalhin.
Sundin ang loob Mo,
pero paano kung ang loob ko’y hindi pagtanggi sa tinatawag nilang grasiya,
kundi pag-amin na mahal ko siya,
pero hindi pa sapat ang laman ko para sa kanya,
at may mga pangarap pa akong kailangan abutin.
Dito sa lupa para nang sa langit,
pero ang lupa ay hindi tahimik —
puno ng “buhay ‘yan,”
“sayang naman,”
“kasalanan ‘yan,”
na inuulit hanggang ang panalangin
ay maging akusasyon.
Bigyan Mo po kami ngayon ng aming kakanin sa araw-araw,
pero ang amin ay hindi lang tinapay o hangin —
kundi lakas na hindi kami kailangang ikahiya sa sarili naming pag-aalinlangan.
At patawarin Mo kami sa aming mga sala,
kahit ang sinasabi nilang “sala” ay ang sarili kong buhay at pangarap,
ang pangarap kong mamuhay nang walang bitbit na obligasyong hindi ko pa kayang buuin.
patawarin Mo ako,
kung ang kasalanan sa mata nila
ay ang pagtatangkang iligtas din ang sarili
habang may buhay na hindi ko pa alam kung paano parehong bubuhayin.
Para nang pagpapatawad namin sa nagkakasala sa amin,
kahit kami mismo ang hindi na sigurado kung sino ang nagkasala —
kami ba
o sila na mabilis maghusga sa buhay na hindi naman kanila.
At huwag Mo kaming ipahintulot sa tukso,
ng mga salitang “responsibilidad,” “makasarili,” at “kasalanan ‘yan,”
na parang hindi kami karapat-dapat pumili sa sarili naming pagkapunit.
At iadya Mo kami sa lahat ng masama,
sa mundong gustong gawing krimen ang pag-aalinlangan,
sa mundong gustong gawing kasalanan ang isang inang
pipiliin muna ang kanyang sarili.
Amen.




