Sa panahon ngayon, kinaiinisan ang multo: iyon mang mga nasa dilim, ghoster na biglang nawawala sa chat — at mas lalo na siguro iyong ghost project na hanggang pangako lamang.
Pati na nga rin sa Instagram, tila naging uso ang mga multo: mga pangalang wala na ngang mukha, wala pang malinaw na pagkakakilanlan.
Sa walang-sawang pag-i-scroll ko rito, napadpad ako sa isang kakaibang sulok.
Simulan natin kay Mary Grace Piattos.
Hindi ko alam kung dapat ko ba siyang i-add o hanapan ng sukli. May mga pangalan kasing tila kusang nagiging biro kahit hindi mo naman sila pinilit na maging ganoon.
Ang “piattos,” halimbawa, ay hindi lamang apelyido sa pandinig ng isang Pilipino; isa rin itong meryendang kilala ng halos bawat batang may baon at bawat estudyanteng naabutan ng gutom sa silid-aralan.
Ang malala pa, hindi pala siya nag-iisa. Nakita ko rin sina Pia Piattos-Lim at Renan Piattos — pangalan pa ba ‘tong mga ‘to o isa nang family-sized pack?
Tatlong Piattos sa iisang kuwento. Kung may promo, baka buy one, take two. Sa panahon ng inflation, hindi na rin nga naman masama ang may dagdag.
Ngunit hindi pa roon natatapos ang grocery aisle. Sumunod si Mico P. Harina, na sa tingin ko’y lalo lang nagpapalapot sa kuwento.
Kasunod niya si Ralph Josh Bacon, na tila almusal sa isang listahang dapat sana’y mas seryoso.
Ang tanong ko lang: kung may harina at bacon, bakit wala pang itlog?
Marahil ay hindi na kailangan. Sapagkat sa isang bansa kung saan kung minsan ay tila lahat ng bagay ay maaaring gawing sangkap ng isang kuwentong pampulitika, hindi na nakapagtataka kung pati ang mga pangalan ay nagmumukhang recipe.
Kaunting scroll pa at makararating ka na sa gitna ng hapag ay makikita: si Sala Casim, ang kasim na hindi mo na kailangang timplahan upang maging kahina-hinala.
Kung ang Piattos ay meryenda, ang Harina ay sangkap, at ang Bacon ay almusal, tila si Kasim na lamang ang kulang upang tuluyang mabusog ang sinumang makababasa.
Idagdag mo pa si Beverly Claire Pampano.
Pampano. Katunog ng isda, kaya unang sumagi sa isip ko ay dagat, alat, at amoy na hindi mo agad matukoy kung galing sa palengke o sa kung saanmang mas malalim na pinanggagalingan.
Isang pangalan na tila ba isdang naanod ng perwisyo sa flood control, sumabay sa agos ng kung anong baha ng mga pangalan hanggang sa tuluyang mapadpad sa isang talaang hindi mo malaman kung saan nagsimula.
At kung tutuusin, bagay naman ang pagiging malansa sa ganitong kuwento. Sapagkat may mga pangalang kahit anong banlaw at linis mo, may naiiwang amoy.
May mga pangalan talagang kahit ilang beses mong silipin, may bahid na hindi mo mawari kung saan nanggaling.
Isa, dalawa, tatlo. Habang dumarami ang mga account na aking nakikita, lalo silang nagmumukhang hindi magkakahiwalay. Pare-pareho silang may pangalan, ngunit tila iisang kamay ang nagsulat.
Lalo na sa mga apelyidong tila pamilyar sa pandinig ng publiko: Beth Revilla at Janice Marie Revilla; Diane Maple Lapid at John A. Lapid Jr.; Clarisse Hontiveros; Kristine Applegate Estrada; at Denise Tanya Escudero.
Bawat account ay may sariling pagkakakilanlan, ngunit wari’y iisa lamang ang nagmamanipula sa mga ito. Isa lang talaga ang tunay na nagmamay-ari.
Tila ba Gen Z siya na may main, private, dump, at burner account sa Instagram.
Alam ko namang normal lamang ang magkaroon ng higit sa isang account. Wala namang pumipigil sa kahit sino.
Ngunit kung ginagamit na sila sa panloloko, nakababahala na, ‘di ba? Kung ang mga pangalan ay maaaring likhain, palitan, at burahin na parang username, sino ang mananagot kapag ang mga ito ay ginamit sa pagkimkim ng kaban ng bayan?
Kaya isinara ko ang Instagram at iniwan ko ang mga username sa kanilang mga account. Hindi ko na pinindot ang follow.
Hindi dahil wala akong gustong sundan, kundi dahil sa dami ng pangalang lumitaw at nawala sa aking screen, natutunan kong hindi sapat ang isang username upang patunayang may taong dapat kilalanin.
Sapagkat maaaring palitan ang pangalan, maaaring burahin ang account, maaaring mawala ang mukha, at maaaring magpakita ang screen ng “User not found” ‘pag nabuking na ang may kasalanan.
Ngunit hindi katulad ng mga Instagram account na gawa-gawa, hindi dapat maglaho ang taong nasa likod ng pananagutan.





