The ANGELITE
  • News
  • Sports
  • Opinion
  • Specials
  • Features
  • Literary
  • Entertainment
  • Archives
  • ABOUT
    • HISTORY
    • FINANCES
    • STAFF
    • JOIN THE A-TEAM
    • MAILBAG
Literary

Ang Agila at ang Tigre

by:


  • Ray Allen Paguinto

Published

April 5, 2025
(Dibuho ni Yuan Simbulan)

Sa malayong katubigan ng silangan ay may isla na tinatawag na Perlas. Ang Perlas ay pinaghahatian ng dalawang pinuno: ang kalupaan na pinamumunuan ng Tigre, at ang himpapawid namang sakop ng Agila.

Ang Tigre, mabangis dahil sa kanyang impluwensya sa mga hayop sa kagubatan. Ang Agila, matayog at maliksi sa himpapawid, pero delikado kung ito ay iyong kaaway sa langit o lupa.

Ang dalawa ay kilala sa kanilang kapangyarihan at impluwensiya dahil sa pamilyang kanilang pinanggalingan.

Ang pamilya ng Tigre nagmula sa hilaga, kilala sa bagsik, kalupitan, at panloloko. Sila rin ang may hawak sa mga higanteng Buwayang kumikitil ng buhay ng mga hayop na mahuling kontra sa pamilyang Tigre.

Ang pamilya ng Agila naman ay kilala sa pagiging pranka’t marahas. Lahat ng mahuli ng mata ng mga Agilang hindi sunod sa kanilang gusto ay kanilang pinapaslang: walang rason ang tinatanggap at walang pakpak ang muling makakapagaspas kapag sila ay nahuli ng mga kawal nilang Bwitre.

Ngunit isang araw, nabigla ang mga hukbong panghimpapawid at pangkalupaan nang magkasundo ang kanilang mga lider na isantabi ang hidwaan at magkaisa.

“Agila! Humapon ka na’t magkaisa tayo upang pamunuan ang buong kapuloan. Panahon na ngayon para sa bagong lipunan, para sa Bagong Perlas!” sambit ng Tigre sa Agilang matayog ang lipad.

“Mabuti naman at naisipan mo iyan, Tigre! Handa na rin ako para sa ating matatag na pamamalakad!” saad ng Agila.

Sa kaniyang pagsang-ayon, papalapag na sana ang Agila nang bigla itong hinataw ng Tigre.

“Mga ibon! Ang pinuno ninyo ang nagnanakaw at nag-iimbak ng inyong pagkain!” sigaw ng Tigre habang tapak-tapak ang nagpupumiglas na Agila.

“Iyan ang napapala ng gahaman at mapagmataas na gaya mo, Agila!” dagdag pa nito.

“Parehas lang tayong maninila sa islang ito, kaya huwag kang magmalinis, Tigre! Ipapapatay kita sa mga kawal kong bwitre!” ika pa ng Agila habang pinipilit kumawala.

Matapos ang hidwaang ito, hindi na muling nagkasundo ang Agila at ang Tigre, gayundin ang mga hayop na kanilang nasasakupan. Ngayon, ang mga agila’t ibon ay biktima sa kagat at kalmot ng mga hayop ng lupa. Gayundin, ang mga hayop ng lupa ay isa-isang nilalaglag ng mga kawan ng ibon mula sa tuktok ng puno.

Ngayon, hindi kamalay-malay na dati, mayroong kapayapaan sa pagitan ng dalawang kaharian.

Share this:

  • Share on X (Opens in new window) X
  • Share on Facebook (Opens in new window) Facebook

Like this:

Like Loading…

OTHER STORIES

  • Hanggang sa malanghap nating muli ang sariwang simoy ng hangin
    Entertainment

    Hanggang sa malanghap nating muli ang sariwang simoy ng hangin

    October 27, 2026
  • Of Candy Bags and Crumbling Homes
    Literary

    Of Candy Bags and Crumbling Homes

    October 24, 2026
  • SANS earns AYLA recognition for HIV education, dental health initiatives
    News

    SANS earns AYLA recognition for HIV education, dental health initiatives

    October 23, 2026
  • Among the Stars: How a 0.10% “Almost” Redefined Success for SEA Valedictorian Adonis Cayanan
    Features

    Among the Stars: How a 0.10% “Almost” Redefined Success for SEA Valedictorian Adonis Cayanan

    October 20, 2026
The ANGELITE

The ANGELITE is the 88-year-old student publication of
Holy Angel University • serving the people since 1937.

  • News
  • Sports
  • Opinion
  • Specials
  • Features
  • Literary
  • Entertainment
  • Archives
  • ABOUT
    • HISTORY
    • FINANCES
    • STAFF
    • JOIN THE A-TEAM
    • MAILBAG
  • Facebook
  • Instagram
  • TikTok
  • YouTube
  • Mail

© 2024. The ANGELITE. All Rights Reserved

BF Peter G. Nepomuceno Building, Holy Angel University
Sto. Rosario, Angeles City, Philippines, 2009

%d