Sa isang pelikulang naglalayong imulat ang kamalayan ng bawat isa sa mapaniil na sistemang patuloy na nagpapahirap sa atin, tiyak na mag-iiwan ng bakas ng lungkot at awa sa puso ng mga manonood ang 2 Valid IDs ni Direk Ma-an L. Asuncion-Dagñalan at ng manunulat nitong si Abet Pagdagdagan Raz.
Umiikot ang pelikula sa mag-asawang Sylvia, na ginampanan ni Marietta Subong, at Ramon, na binigyang-buhay naman ni Joey Marquez. Sila ay mga magsasakang nagmula sa probinsya na napilitang lumuwas patungong Maynila upang humanap ng lunas sa karamdaman ni Ramon.
Sa inilathalang kuwento, inilalarawan ang realidad na kinahaharap ng mga mamamayang Pilipino, partikular ang nakapanlulumong karanasan ng mga marhinalisadong sektor sa pagharap sa sistematikong proseso ng pagkakakilanlan na itinatakda ng pamahalaan.
Paglantad sa dibisyon ng kapangyarihan
Makikita mula sa perspektibo ng mga naghihirap kung gaano kalinaw ang dibisyong nililikha ng kapangyarihang kaakibat ng kayamanan — kung paano nito natutukoy kung gaano kadali o kahirap makamit ang isang bagay.
Sa naratibong naisaad sa pelikula, ipinakita ang pagpasok ng isang babaeng may kolorete sa mukha, mamahaling bag, at hikaw na perlas. Kadalasang indikasyon at palatandaan ng yaman at katayuan ng tao sa lipunan.
Mainit siyang sinalubong at ginabayan ng guwardiya at mga staff patungo sa isang pribadong silid. Paglabas, nakapinta sa mukha ang ngiti, hawak ang kaniyang ID, nang hindi man lang pinagdaanan ang sistematikong proseso ng pagkuha nito.
Sapagkat hindi pare-pareho ang karanasan sa proseso ng pagkuha ng mga dokumento, maaari nating tingnan ito mula sa mata ng karaniwang mamamayan, na tanging sariling pagsisikap ang maaasahan sa pagharap sa isang prosesong unti-unting umuubos sa pasensya ng bawat isa.
Sa parehong tanggapan kung saan naganap ang nakaraang eksena, ipinakita ang karakter ni Subong na tila naguguluhan sa simpleng pagpuno ng mga form upang makapagsumite ng aplikasyon.
Para kay Sylvia, ito ay patunay ng isang mahirap at hindi pamilyar na proseso. Ipinahihiwatig nito ang kakulangan ng kaalaman at pagiging pamilyar sa mga prosesong karaniwan sa lungsod, isang bagay na binibigyang-diin din sa pelikula.
“Mas madali sa probinsya — kung nasa probinsya tayo, madali na lang para sa atin ito.”
Ngunit makatarungan bang sisihin si Sylvia sa hindi pagsunod sa mga patakarang hindi naman naipaliwanag nang malinaw sa kaniya? Kung walang sapat na gabay, paano maaasahang mauunawaan ang isang prosesong makabago at hindi niya kinagisnan?
Realidad na kinabibilangan ng ordinaryong mamamayan
Nakasaad sa gitna ng masalimuot na prosesong kinahaharap ni Sylvia, paulit-ulit siyang bumabalik sa isang remittance center upang kunin ang perang kailangan nilang maipon para mailipat ang kaniyang asawa sa isang semi-private na ospital.
Sa bawat pagbabalik niya, higit na naipapakita ang bigat ng responsibilidad na pasan niya — ang patuloy na paghahanap ng paraan upang matugunan ang pangangailangan ng kaniyang asawa sa kabila ng limitadong kakayahan nilang pinansyal.
Habang patuloy ang pag-usad ng kuwento, binigyang-pansin nito kung paano napilitang kumapit si Sylvia sa konsepto ng “padulas,” kung saan nagbibigay ng karagdagang bayad ang isang tao upang mapabilis ang pagkuha ng mga legal na dokumentong dapat sanang maiproseso alinsunod sa itinakdang pamamaraan.
Ang ganitong sitwasyon ay isa pang patunay kung paano nagtutulak ang kahirapan sa mga tao na humanap ng paraan labas sa wastong proseso.
Pinapaalab ng kahirapan ang kasalimuotang moral: dahil sa desperasyon, maaaring humantong ang isang tao sa katiwalian kahit alam niyang makakasama ito, upang makamit lamang ang panandaliang ginhawa.
Masisisi ba natin ang isang asawang lumalaban mula sa pangambang baka maubusan na sila ng oras?
Sa posibilidad na mawala ang taong mahal niya, waring isinantabi niya na lamang ang mga patakaran. Bagama’t hindi nito binibigyang-katwiran ang kaniyang mga kilos, ipinauunawa nito ang desperasyong nagtutulak sa kaniya na kumapit sa anumang paraang maaari pang magbigay ng pag-asa.
Lalong tumitimo ang ganitong paghihirap sa mga salitang binitiwan ni Ramon.
“Umuwi na tayo sa probinsya. Ayaw ko na rito. Hindi naman ako gumagaling, mas lalo lang akong nanghihina.”
Sa mga salitang ito, mababakas ang pagod ni Ramon sa isang paglalakbay na lalo lamang nagpapabigat sa kaniyang karamdaman. Ang pagnanais niyang umuwi ay sumasalamin sa unti-unting pagkapawi ng pag-asang gumaling, habang nananabik siyang makabalik sa lugar na higit niyang kinagisnan at kinapanatagan.
Pag-asang unti-unting nilalamon ng sistema
Simple ang pagsasalaysay ng kuwento. Hindi ito gumamit ng hindi inaasahang tagpo, eksenang sadyang idinisenyo upang magdulot ng gulat, o kung ano mang dayalogo na naglalayong magbigay ng lito sa mga manonood.
Dito naging epektibo ang pagkuwento ng pelikula sa mensaheng nais nitong iparating. Binigyan nito ng pagkakataong tunay na damhin ang bawat sandali ng kalungkutan at pagdadalamhati, hanggang sa lubos nating maunawaan ang tunay na kahulugan sa likod ng kuwento.
Nasalaysay dito ang sunod-sunod na padron kung saan unti-unting nababawasan ang mga pasyenteng “nalalapatan ng lunas” sa silid ng pampublikong ospital, na kinabibilangan ng halos anim na pasyente.
Sinisimbolo nito ang takbo ng panahon na nagsisilbing tadhana ng mga ginagamot — ang mabagal at nakapanlulumong pagkawala na dulot ng paghihintay sa lunas na dapat sanang maibigay ng marupok na sistema ng pangangalagang pangkalusugan sa bansa.
Nagtapos ang pelikula sa eksenang sa wakas ay nakuha na ni Sylvia ang perang matagal na niyang inaasam — perang magbibigay sana ng ginhawa sa kaniyang asawa.
Ngunit sa halip na mapanatag, dali-dali siyang nagtungo sa ospital dahil tila may masamang kutob siyang may mangyayari sa kaniyang asawa. Lalo pa siyang nabalisa nang hindi niya makontak ang mga taong nagbabantay dito.
Trapik. Mahahabang pila. Ingay ng kalsada. Matinding init. Pawis at pagod. At sa gitna ng lahat ng ito, ang patuloy na pag-aalala sa kalagayan ng isang mahal sa buhay.
Sa huling eksena, tuluyan nang nakarating sa ospital ang karakter ni Subong. Ngunit sa halip na ang asawang inaasahan niyang makikita, isang bakanteng bed frame ang bumungad sa kaniya — walang kama, walang tao, at isang tangke ng oxygen na wala nang gumagamit.
Higit sa lahat, wala na rin ang kanyang asawa.
Para sa tagapanood, ang pagpanaw ng kaniyang asawa ay posibleng ituring bilang wakas ng walang-katapusang proseso na kinailangan niyang pagdaanan. Ngunit hindi pa rin. Sa huling pagkakataon, bago pa man tuluyang maiuwi ang labi ng namatay — muling hiningan ng balidong dokumento si Sylvia.
Mali ang nakalagay na pangalan sa ID; hindi tugma sa isang dokumentong ipiniprisinta. “Maria” sa isa, “Ma.” naman sa isa pa. Sa sandaling iyon, tila tuluyang huminto ang mundo ni Sylvia. Matapos ang lahat ng kaniyang pinagdaanan at pagsisikap, isang pagkakamali sa pagkakakilanlan ang muli na namang naging hadlang sa kaniyang paglaya sa tanikalang bumabalot sa kaniya.
At sa pagkakataong ito, hindi lamang kasayangan sa pagod, pagpupursiging umusad at oras ang nawala sa buhay niya — kundi ang nag-iisang taong pilit niyang ipinaglalaban.
Mabigat ang mensaheng iniwan ng pelikula. Iminulat tayo nito sa naratibong kailangan na natin ng isang sistemang marunong umunawa, makamasa, at higit sa lahat ay tunay na tumutugon sa pangangailangan ng mga Pilipino, lalo na ang mga taong napapabilang sa mga sektor na patuloy na isinasantabi.
Malaki rin ang naiambag ng pagganap nina Marietta Subong at Joey Marquez sa epektibong paglalahad ng kuwento. Sa pamamagitan ng tahimik ngunit taimtim na pag-arte ni Subong, nagiging personal at makatao si Sylvia sa halip na maging simbolo lamang ng kahirapan.
Samantala, ang payapa at hindi sapilitang ritmo ng pelikula ay nagbibigay-espasyo sa manonood upang damhin ang unti-unting pagkasira ng pag-asa. Sa ganitong paraan, hindi lamang mensahe ang naiiwang hatid ng pelikula kundi isang karanasang nagpapaalab ng malasakit.
Kumukundena ito sa mapang-aping burokrasya at sa pagkakataong kailanma’y hindi dapat ipagpalit ang buhay ng tao upang makakuha lamang ng balidong dokumento mula sa gobyerno.
Sa huli, tila mas mahalaga sa sistema ang dalawang piraso ng malambot na plastik na nagpapatunay ng pagkakakilanlan ng tao kaysa sa buhay na pilit nitong itinaguyod.
Ngunit sa makatotohanang kalagayan ng ating bansa, marahil ay kailangan pang mawalan ng maraming buhay bago tuluyang makamit ang tunay na kalayaan mula sa sistemang dapat sana’y naglilingkod sa tao.




