Gaano kahirap ang umalala sa minamahal kung pagkain sa hapag ang kailangang unahin?
Para sa marami, tuwing unang araw ng Nobyembre, abala ang lahat sa paghahanda para parangalan ang buhay at alaala ng kanilang mga minamahal na yumao.
Ngunit sa likod ng damong masiglang tumutubo, may ibang salaysay ang Undas — ang kuwento ng mga taong naghahanapbuhay kasama ang mga patay.
Nariyan sila upang kumita at mapanatiling maayos at malinis ang sementeryo. Sa bawat paggunita natin sa ating mga minamahal, sila naman ang tahimik na naroroon sa likod ng katahimikan, pasan ang kani-kanilang mga kuwento na karapat-dapat ding alalahanin.
Sa maraming paraan, sila ang tunay na nagpapabuhay sa sementeryo — ang mga tagapag-alaga ng mga yumao, ang mga buhay na binubuhay ng patay.
Ang mga taong karga ang puntod ng iba
Kadalasan, takot ang nangingibabaw kapag naiisip ang pagtatrabaho sa sementeryo — dala ng mga kuwento ng kababalaghan at iba pang mga haka-haka na bumabalot sa lugar na ito.
Ngunit kung makakakita ka man ng aninong nakaupo sa tabi ng puntod, hugis-taong nakatayo sa ilalim ng puno, o estrangherong nagwawalis sa gilid, hindi sila mga multo — sila ang mga taong naghahanapbuhay sa sementeryo.
Nagkukuskos ng lapida, nagwawalis ng mga dahon, maingat na namumulot ng basura upang hindi maistorbo ang mga bisita — ito ang araw-araw na buhay nina Nanay Myrna, Rose Ann, at Ariel, mga trabahador sa La Pieta Memorial Park sa Angeles City.
Para kay Nanay Myrna, karaniwan na ang pagmo-mower ng damo, pag-aayos, at paglilinis ng mga puntod. Para kina Ariel at Rose Ann, araw-araw ang pagpupulot ng basura at pagwawalis — ito ang kanilang puhunan para mabuhay.
Simple man kung sila ay ituring, ang kanilang trabaho ay may bitbit na bigat na hindi nakikita ng karamihan.
Sa likod ng bawat ukit ng lapida
Hindi multo o kababalaghan ang kalaban nila sa kanilang trabaho sa sementeryo, kung hindi ang pagod at panganib ng trabaho. Dagdagan pa ng laki ng sementeryo, maraming oras at lakas ang kanilang kailangang gugulin para magkaroon ng kita.
Halimbawa, si Nanay Myrna, 51 anyos, ay nagmo-mower ng damo—trabahong karaniwang itinuturing na para sa lalaki dahil sa bigat at hirap nito. Kasama rito ang paghuhukay ng lupa, pag-aayos ng mga lumulubog na puntod, at pagbubuhat ng mabibigat na galon ng tubig para diligan ang mga halaman.
Isinaad niya na ang trabahong sementeryo ay hindi biro dahil sa pagod nitong dala sa araw-araw, kung saan tiyaga ang puhunan para magpatuloy sa trabaho.
“Hindi naman natin maiiwasan ang paghihirap sa trabaho. Kung nahihirapan ka, edi pahinga, at pagkatapos ng pahinga, mag-start na naman, trabaho ulit, kasi ito ang nagpapasahod lang sa amin, ‘yung mga nagpapaalaga, kaming mga caretaker,” ibinahagi ni Nanay Myrna.
Isiniwalat din niya ang mga maaaring panganib na dala ng ganitong linya ng trabaho, lalo na sa mga nakatagong kalat o bato sa ilalim ng mga mahahabang damo.
“Kapag tumalsik ‘yung bato sa mata mo, maaari kang mabulag, pero dahil sa kahirapan, sinasapalaran ko ‘yung sarili ko kasi mayroong mga may bubog na tutusok sa parte ng katawan na kailangan titignan mo muna,” kaniyang ibinahagi.
Dito makikita na may panganib pa rin sa loob ng kapayapaan ng sementeryo. Ngunit kulang ang kagamitan. Minsan, kahit sa karampot na kita, sariling pera pa ang puhunan para makabili ng walis, dustpan, bote, o galon.
Para naman kay Rose Ann, ang kaniyang pagtatrabaho sa sementeryo ay masaya at hindi nakakapagod, ngunit matagal matapos. Pero kahit ganoon, pinili niya pa rin ang trabahong ito para magkaroon ng hanapbuhay para sa kaniyang pamilya, kasama ang kaniyang asawa na trabahador din sa sementeryo.
Sa kaniyang paglilinis ng mga lapida, gamit niya ang mga iniresiklong plastik na bote upang paglagyan ng tubig at sabon upang linisin ang mga lapidang nawalan na ng kintab. Kaniya namang ibinahagi na sapat na ang ganoong kagamitan dahil nagagawa niya naman nang maayos ang kaniyang trabaho.
Ang paglilinis ng daan at pagpulot ng basura ang araw-araw na gawain ni Ariel. Isa rin siya sa mga tagapag-alaga ng mga puntod sa sementeryo. Inamin niya na hindi naman mahirap ang trabaho, ngunit matrabaho at matagal tapusin.
Sa sementeryo, kailanman hindi naging madali ang hanapbuhay nila. Lampas sa walis, bunot, at mga kagamitang bitbit araw-araw, dala rin nila ang paniniwalang “tiyaga ang puhunan” upang manatiling nakatayo sa trabahong matagal nang umaasa sa kanilang lakas.
Babangon para mabuhay
“Para kanino ka bumabangon?” — isa sa mga pinakakilalang katagang tumatak na sa isip ng marami. Para kina Nanay Myrna, Rose Ann, at Ariel, ang simpleng tanong na ito ay paalala ng dahilan at direksiyong humahawak sa kanila araw-araw sa loob ng sementeryo.
Para sa kanila, ang kanilang pangunahing dahilan upang piliin ang kanilang hanapbuhay ay para sa pamilya; ang tulay upang matugunan ang pangangailangan sa bawat araw.
Sa pagkakataon na makahanap ng trabaho, pinili ni Nanay Myrna ang sementeryo — hindi dahil ito ang pinakamadali, kundi dahil ito ang kaya niya, at ito ang siguradong magbibigay-buhay sa pamilyang umaasa sa kaniya.
“Ngayon, dahil sa kagustuhan kong makatulong sa mga katuwang ko, may anak akong magkacollege tsaka yung apo kong wala nang magulang, kami ng lolo niya ang nagpapaaral. Ito lang ang paraan namin para makatulong sa mga bata kasi wala akong kakayahan sa mga matataas na trabaho, ito lang alam ko,” sambit ni Nanay Myrna.
Kahit maliit ang kita, sapat na para kay Nanay Myrna ang makapaghain ng pagkain sa lamesa, tatlong beses sa isang araw. Sa kaniya, ang simpleng pagkabusog ay tagumpay; ang kakarampot ay nagiging kayamanan kapag naibahagi sa mahal sa buhay.
Pamilya rin ang dahilan ni Ate Rose Ann upang ipagpatuloy ang kaniyang trabaho bilang tagatulong at tagalinis sa sementeryo. Siya ay may tatlong anak na binubuhay, at siya at ang kaniyang asawa ay kumakayod upang may punan ang araw-araw na gastusin.
Para naman kay Ariel, bilang dating tambay, ang pagpasok sa sementeryo ay naging pagkakataong yakapin ang layunin — isang taong dati’y naghahanap ng direksiyon, ngayo’y may trabaho, may tungkulin, may dahilan para bumangon.
“[…] dito na kami nabuhay. Dito lang din kami nakatira malapit sa mga riles, at dahil malapit lang ang sementeryo, dito na rin naming piniling maghanapbuhay,” ang sambit ni Ariel.
Inilarawan naman ito ni Nanay Myrna bilang paghahanapbuhay na mistulang libangan — isang gawain na ginagawa mo hangga’t kaya mo, hindi dahil madali, kundi dahil kailangan.
Mula dito, kaniyang paalala, “‘Yung trabaho namin, parang libangan na rin tsaka nakakatulong din sa pang-araw-araw na gastusin kaysa naman ‘yung nasa bahay ka naman nag-iisip ka pero hindi ka kumikilos. Mas mahirap yon, ‘di ba?”
Sa bawat taong naghahanapbuhay, laging may pinanggagalingan. Para sa kanila, ang pagtatrabaho sa sementeryo ay hindi lamang dahil sa kita; ito ay para sa kinabukasan ng mga mahal nila.
Sa tanong na “para kanino ka bumabangon,” malinaw ang sagot: para sa sarili, para sa pamilya, at para sa mga buhay na umaasa sa kanila — kahit ag mundong ginagalawan nila ay tahanan ng mga patay.n
Kawalan at pagtanggap
Gaano kabigat ang hinagpis ng mamatayan ng mahal sa buhay?
Paano kung ang sementeryong nagbibigay ng iyong kabuhayan ay siya ring yayakap sa puntod ng iyong buhay? Ito ang katotohanang matagal nang hinarap nina Nanay Myrna at Ariel. Sa sementeryo, kung saan pinili nilang mamuhay at maghanapbuhay, may mga mabibigat na alaala silang dinadala.
Hindi maipagkakaila na ang pamilya ay bumubuhay sa isang tao — kadugo man o pamilyang kumupkop at tumanggap sa iyo. Kaya sa bawat Undas, hindi lang trabaho ang inaalala nina Nanay Myrna at Ariel, kundi pati na rin ang pag-alala sa mga yumao nilang mahal na kapamilyang yakap na rin ng lupang kanilang inaalagaan.
Isa sa pinakamabigat na pasanin ng isang magulang ang mawalan ng anak — at ito ang matagal na hinarap ni Nanay Myrna. Kasama niya dati ang kaniyang anak sa paghahanapbuhay sa sementeryo; siya ang gumagawa ng mga trabahong mabibigat, ang kaniyang sandalan, at katuwang.
Nang mawala ito dahil sa aksidente, buong bigat na bumalik sa balikat ni Nanay Myrna ang lahat. Inalala niya kung paanong iniwan ng anak ang pag-aaral upang makatulong sa pamilya, lalo na’t may kapatid silang dumaraan sa dialysis.
“Kaya pagkanoong time na yon, may naiililibing, naaalala ko siya at umiiyak ako sa sulok,” kuwento ni Nanay Myrna.
Sa parehong sementeryo rin nakahimlay ang kaniyang anak. At bilang ina, hindi natatapos ang kaniyang tungkulin: siya mismo ang naglilinis at nag-aalaga sa puntod, para bang patuloy niyang inaalayan ng pag-ibig ang anak na matagal nang nagpahinga.
Lumipas ang ilang taon bago niya natutunang tanggapin ang sakit. “Ngayon, tanggap ko na… kasi kapag hindi mo binitawan, parang malungkot din siya,” wika niya, mahina ngunit matatag.
At tuwing Undas, ang mga alaala na lang rin ng kaniyang anak ang niyayakap ni Nanay Myrna kapag siya ay bumibisita — palaging ginugunita at patuloy na nagmamahal sa kaniyang anak.
Para naman kay Ariel, ang kirot ay mula sa pagkawala ng kasamahan sa trabaho — isang taong itinuring niyang kapatid. Mabigat sa dibdib ang alaala, ngunit ang pagkawala ay nagdala rin ng mas matatag na samahan sa mga naiwan.
“Namatayan din kami ng aming katrabaho. Masakit. Pero masaya rin kasi gusto niya kapag nakakatulong kami sa mga tao,” sambit ni Ariel nang maalala ang kasamahan niya na tuwing Undas, at kanila ring binibisita upang ipagbunyi ang samahang kanilang binuo.
Tuwing Undas, binabalikan nila ang puntod ng kanilang mga minamahal — hindi lang bilang ritwal, kundi bilang pagpapatuloy ng samahang nabuo sa gitna ng paghahanapbuhay at pagdadalamhati.
Sa kabila ng bigat ng trabaho, mas mabigat ang puso nilang paulit-ulit na natututo ng pagtanggap. At sa sementeryong kanilang pinagtatrabahuhan, naroroon ang buhay na hindi sumusuko.
Patas ang mamatay, hindi ang mabuhay
Hindi maiiwasan ang kamatayan; natural itong bahagi ng bawat siklo ng tao. Ngunit ang buhay, may kinikilingan.
Habang ang iba ay nabubuhay nang komportable, ang mga simpleng trabahador naman na tulad nina Nanay Myrna, Rose Ann, at Ariel ay nagsusumikap para lang sa katiting na salapi.
Madaling hindi pansinin ang ganitong hanapbuhay. Madaling ipagkibit-balikat, iwasan, takasan. Para sa marami, simple lang daw, hindi komplikado, hindi mabigat. Ngunit para sa kanila, ang trabaho ay pasan — hindi lang sa katawan, kundi pati sa damdamin.
At katulad ng tingin sa kanila bilang mababa, madalas pang mas malupit ang mga mata ng iba. Kahit nilinis na nila, kinuskos, inayos ang puntod, may mga kaanak pa ring kumakapit sa mumunting kamalian upang pintasan sila.
“Araw-araw kailangan mong puntahan ang mga alaga para i-check kung malinis sila. Baka biglang may dumating na kaanak makitang may mga dumi, siyempre vivideohan yun, pipicturan, ipapakita sa nagbabayad,” babala ni Nanay Myrna.
Dahil dito, tiniis na lamang nila ang bawat puna — mas pinipiling ingatan ang puntod para wala nang masabi, para hindi sila muli masabihang “kulang.”
“Siyempre, hindi mo maiiwasan na may masasabi sa iyo ‘yung nagbabayad kaya kailangan araw-araw talaga chinecheck ko ‘yan, dahil siyempre kailangan mong irespeto ang pamilya ng yumao,” dagdag ni Nanay Myrna.
Hindi patas ang mabuhay sa mundong mabilis pumuna ngunit mabagal magpasalamat. Kahit na kakarampot ang kita, ginagawa nila ang trabaho nang buong sigasig. Dahil kung tutuusin, nabibigyan ng dangal ang mga puntod dahil sa kanila — nalilinis, nawawalis, nagiging marangal ang paggunita.
Ngunit sa likod ng lahat ng ito, may mga kuwento rin ng panlilinlang.
Limang taon inalagaan ni Nanay Myrna ang puntod ng lolo ng isang kustomer — mula huling buwan ng 2017 hanggang 2023. Maingat, masinop, walang palya. Ngunit kahit limang piso, wala siyang natanggap.
Kaya’t para sa kaniya, ang trabaho ay parang sugal: ibinibigay ang lahat — oras, pagod, gasolina, pati motorsiklo — ngunit walang kasiguruhan kung may kapalit.
“Inalagaan ko nang five years, pero kahit singkong duling, wala akong natanggap pero sugal yan eh […] namumuhunan kami ng pagod, gas, tapos ‘pag nasira ang motor siyempre inaasahan lang naming magbabayad ‘yung mga nagpapaaalaga,” sabi ni Nanay Myrna.
Ngayon, siya ay nananawagan sa kustomer na nagpaalaga sa kaniya, na sana ay puntahan siya at bigyan ng kahit anumang halaga ang kaniyang pinaghirapan, pinagtiyagaan, at inalagaan.
“Kung dumalaw siya diyan sana kahit paano bigyan niya yung pagod ko kahit konti lang, kahit ‘di na niya buuin ang five years na yon kahit bigyan niya lang ako ng kahit magkano para papaano naman yung pagod ko may makuha,” hinaing ni Nanay Myrna.
Dito maitatanong, ganoon lang ba kadali para sa iilan na lamangan ang kapwa na naghahanap-buhay nang marangal?
Ang katotohanan: hindi patas ang buhay. At ang trabaho nilang nagpapanatiling marangal ang mga puntod ay sila ring trabahong madalas apakan ng iba.
Kaya kanilang pinapaalala sa atin, kailangang itatak sa puso at isip na pantay-pantay ang kamatayan, at walang magagawa ang pagkakaiba-iba ng estado ng buhay o kataasan ng trabaho, dahil babalik ang lahat sa lupa balang araw. At sa puso ng bawat namatayan, iisa ang sakit.
“Pantay-pantay lang tayo, ang kinaiiba lang natin sa mayaman ay maganda ‘yung kasuotan nila, maganda ‘yung nakikita natin sa kanila dahil makinis ‘yung balat nila pero ang nararamdaman natin iisa lang — ‘pag namatayan tayo iisa lang ang nararamdaman natin,” malugod na pinapaalala ni Rose Ann.
At kung minsan, ano pa bang mas nakakabalisa kundi ang ituring kang patay sa sarili mong hanapbuhay habang ikaw ay naglilingkod nang marangal?
Boses na hindi malilibing
Para kina Nanay Myrna, Rose Ann, at Ariel, iisa lang naman ang panawagan para sa lahat ng bumibisita sa sementeryo: ‘wag magkalat, magdala ng sariling basurahan.
Ayon sa mga ulat ng iilang estasyon ng balita na tulad na lamang ng ABS-CBN at GMA, ang mga basurang nakokolekta ng mga trabahador sa sementeryo ay umaabot ng 20 hanggang 40 na tonelada sa isang sementeryo noong Undas 2023.
Para kay Nanay Myrna, hindi maiiwasan ang kalat dahil marami pa rin ang hindi tumutupad sa mga patakaran; minsan isang pirasong plastik lang ang kailangan para magmukhang napabayaan ang kanilang buong trabaho.
“Kaming mga caretaker, dampot lang kami nang dampot, walis lang nang walis tapos kinabukasan meron na ulit, hindi lang kinabusan, katalikod mo palang meron nanaman,” daing ni Rose Ann, kung saan habang siya ay kapanayam, may nagtapon na agad ng basura sa kaniyang likuran.
Mula dito, hinimok nila ang lahat ng bibisita na magdala ng sariling plastik na pagtatapunan ng lahat ng basura sa Undas, hindi lang upang makatulong sa kanilang paglilinis, kundi pati na rin upang mapanatili ang kalinisan at respeto sa sementeryo.
“Sana matulungan kami. Dahil kami din ‘yung naglilinis. Dapat ‘yung basura nila, lagay nila sa tamang basura at sa tamang lalagyanan,” paalala ni Kuya Ariel.
Idinagdag pa ni Nanay Myrna na hindi mahirap ilagay sa tamang basurahan ang mga pinagkainan o anumang gamit — isang maliit na aksyon na nagpapakita ng paggalang, hindi lang sa kanila, kundi pati na rin sa mga yumaong nakahimlay.
Ang kanilang simpleng paalala ay may malaking patutunguhan sa loob ng sementeryo, lalo na kung bawat isa sa mga bumibisita ay diringgin ang kanilang mga panawagan upang mapanatili ang kaayusan, kalinisan, at kapayapaan ng sementeryo.
“Kasi kung dadaanan mo lang din at hindi mo pupulutin, masisira yung lugar ng mga patay kapag hindi ka tumulong,” sambit ni Nanay Myrna.
Sa huli, gaya ng paalala ni Nanay Myrna, masisira ang lugar ng mga patay kung wala tayong pakialam. At kung hindi tayo matutong mag-ambag ng kahit kaunting disiplina, hindi lamang ang sementeryo ang madudumihan, pati na rin ang alaala ng ating mga minamahal.
Kwentong-sementeryong dapat isapuso
Panahon na ng Undas, panahon ng pag-uwi, pag-alala, at pagharap sa mga alaala na minsang bumuo sa atin.
Sa gitna ng iyakan, halakhakan, at kuwentuhan, may mga tinig na hindi agad naririnig: mga kwentong-sementeryong hindi kathang-isip, kundi araw-araw na isinasabuhay ng mga taong naglalagay ng kaayusan sa lupang tinutubuan ng ating mga alaala.
Ang makintab na lapida at puntod? Si Rose Ann ang naglinis diyan.
Ang malinis na mga kalsada at daan? Si Ariel ang nagwalis diyan.
Ang mayabong, at kumikinang na damo? Si Nanay Myrna ang nag-ayos diyan.
Sa katahimikan ng isang sementeryo, sila ang mga kamay na madalas hindi nakikita, ngunit ramdam sa bawat malinis na landas at bawat puntod na hindi napapabayaan.
Ang kanilang mga kuwento ay malinaw na patunay ng paninindigang hindi natitinag — isang paninindigang humaharap sa pagod, init, ulan, at mabigat na araw, ngunit patuloy pa ring kumikilos dahil ang trabaho nila ay higit sa hanapbuhay.
Hindi lang ito usapin ng kalat. Hindi lang ito paalala na magdala ng plastik. Ito ay paalala na ang maruming sistemang hindi nagtataas ng pasahod, hindi nagbibigay ng benepisyo, at hindi kumikilala sa kanilang puyat ang siyang dapat nating pulutin at itapon.
Kaya ngayong Undas, panawagan itong makialam, makilahok, at makibaka para sa mga manggagawang iniwan sa dilim.
Kung kaya nating makiramay sa mga patay, kaya rin nating manindigan para sa mga buhay.





