Tagu-taguan; Laro ng Kalye
Tagu-taguan maliwanag ang buwan!
Pagbilang kong tatlo, nakatago na kayo.
Isa!
Dalawa!
Tatlo!
Boom! Berto!
Boom! Ali!
Boom! Tino!
Boom! Okoy!
O ‘kay bilis niyo namang mahuli!
Kahit nakatago na sa likod ng puno,
Kahit nakapuslit na lamang sa pader,
Kahit humihinga na lamang sa makipot na eskinita,
Nahahanap agad ng taya.
Pero bakit nga ba?
Sapagkat sa laro dito,
hindi mahalaga kung sino ka.
Ang komander na may buwan sa ulo,
Ang siyang pasiya.
Kapag ikaw ay hampas-lupa,
Madali kang makita.
Mabilis ang bilang,
Mabilis ang paghahanap.
Mabilis ang hatol.
Ni walang katiting na pandinig.
Walang paliwanag.
Walang pagkakataong magtago.
Inuuna ng taya —
Mga mahihirap,
Mahihina,
At walang laban.
Kapag nabisto ka,
Boom!
Huli ka.
Patay ka na.
Wala nang tanong.
Wala nang paglilitis.
Wala nang bukas.
Ganiyan ang taguan dito sa kalye:
Talunan ang mga ‘di marunong magtago
Para sa taya, madaling hanapin
ang mga madaling ituro.
Tagu-taguan; Laro ng Makapangyarihan
Tagu-taguan maliwanag ang buwan!
Pagbilang kong sampu, nakatago na kayo.
Isa.
Dalawa.
Tatlo.
Apat.
Lima.
Anim.
Pito.
Walo.
Siyam.
Sampu.
Boom —
….
Boom —
…
Boom —
…
Wala?
Nasaan na sila?
Tila nabulag ang taya.
Hindi niya makita
Ang mga kamay na marurumi,
Ang mga bulsang kumakalansing sa pera,
Ang mga pangalang maiingay.
Bulag-bulagan ba?
O sadyang mahusay lamang magtago ang mga ito?
Dito, mabagal ang bilang.
Mabagal ang paghahanap.
Mabagal ang hatol.
Habang tumatagal, lalo lamang humahaba.
Hanggang sa mapagod ang taya.
Titigil sa paghahanap.
O kaya nama’y
magpapanggap na lamang
na may hinahanap.
Hindi namalayang,
Ang iba pala ay nakauwi na,
May naka sasakyang naghatid palayo.
May mga bantay na sa palda ng ina nagtatago.
Ang komander na buwan na dati’y kasamahan,
Hanap na rin pati ng tayang kinatawan.
Ganito ang larong taguan sa itaas:
Hanap man nang hanap ang taya,
Nakauwi na pala sila’t nakatakas.




