Dapat may bakla — sa pelikula, teleserye, at kung ano-ano pa — para masaya, ‘di ba?
Dapat marami silang punchline, ‘yong tipong mapapatawa ang buong sinehan hanggang sa kumita nang kumita at maging blockbuster hit ang pelikula.
Dapat mabaliw at magkandarapa sila para lamang sa isang poging heteroseksuwal na aktor dahil hinding-hindi makukumpleto ang isang palabas kung wala ang kanilang labis na pagkauhaw.
Pero dapat maging “normal” sila sa huli, tamaan ng “factory reset,” at hubarin ang kanilang pagkakakilanlan bilang bakla dahil kung hindi, magdudusa sila sa isang dominanteng Katolikong bansa o dagat-dagatang apoy sa ibaba.
Sa dinami-rami ng mga “dapat” na ipinapataw sa komunidad ng LGBTQIA+, tila ba’y inaagawan sila ng espasyo upang magpakatotoo.
Kaunti lamang ang nakapapansin sa mga kuwentong nagpapatunay na mayroon silang buhay sa labas ng mga ekspektasyon ng mapanglimitang lipunan.
Simula sa pagpatak ng 1970s, nagsilabasan na ang mga pelikulang mayroong homosekswual na tema dahil sa pag-usbong ng komunidad ng mga LGBTQIA+ sa Maynila, lalo na sa Malate na tinanghal noon bilang “Gay Capital of the City.”
Isa sa mga ito ay ang Tubog sa Ginto (1971) na siyang nagsimula sa pagbaklas sa mga tradisyonal na pananaw ng lipunan at nagbigay-daan sa pagdami ng mga pelikulang may LGBTQIA+ na tema sa pamamagitan ng pagsentro sa “third sex.”
Para kay Austine Apolan, isang incoming third-year BA Communication student, lalong nagkaroon ng representasyon ang komunidad noong kasagsagan ng pandemya, kung saan nauso naman ang mga Boys’ Love (BL) at Girls’ Love (GL) content na na-produce hindi lamang sa iba’t ibang bansa kundi pati na rin sa Pilipinas.
Iilan sa mga kinaaliwan ng mga Pinoy ay ang 2gether (2020), Gameboys (2020), at Gap: The Series (2022).
Para kay Dr. Ver Reyes, ang dating chairperson ng Psychological Association of the Philippines’ (PAP) Teaching Psychology Special Interest Group, maganda ang mga implikasyon ng biglaang pagsikat ng mga series tungkol sa LGBTQIA+ community dahil paunti-unting nano-normalize ang kanilang mga kuwento ng pag-ibig.
Subalit, para kay Austine, hindi pa sapat ang representasyong natatanggap ng komunidad dahil sa mga stereotype na umiiral sa midya.
“Napansin ko na madalas silang nagiging comic relief, side characters, o best friends lang ng bida. Parang na-box o naikahon lang ang role ng pagiging bakla sa media, hindi pa talaga fully represented ang uniqueness at diversity ng bawat sexual orientation,” pahayag niya.
Gayundin ang perspektiba ni BA Communication alumna Sophia Nicolan Dimabuyu na nakapansin na hindi pa nakamtan ng midya ang normalization sa representasyon nito ng komunidad sapagkat “marami pa ring pagkakataon na bumabalik sa stereotypes o kaya naman ay limited ang narratives na naibibigay sa kanila.”
Mula sa karaniwang imahe ng mga lesbiyana bilang macho at mga bakla bilang maarte sa itsura — magmula sa mga pelikulang nagawa noong dekada setenta hanggang sa mga stereotype na nangingibabaw sa mga kasalukuyang midya — hindi na nakawala ang komunidad mula sa pananakal ng industriya.
“Parang may invisible rule na queer characters can exist, but only in ways people find comfortable or conventional. And that’s what frustrates me the most. Kasi queer people in real life are not one-dimensional. They can be difficult, soft-spoken, selfish, nurturing, angry, insecure, ambitious — just deeply human,” ani Precious Agatha Guevarra, isang incoming 3rd year BA Communication student.
Oras na upang mamulat ang industriya sa katotohanang mayroong mga naratibong hindi umiikot sa persepsyon ng lipunan sa mga LGBTQIA+.
Sapagkat sila rin ay mga indibidwal na nagtataglay ng mga kuwentong hango sa pagkakaibigan at pagmamahal na tunay, sa pag-asang makaahon sa kabiguan, at sa pagkamit ng kanilang mga pangarap sa buhay.
Ngunit, dahil sa patuloy na pagkakahon ng midya sa mga LGBTQIA+ sa ‘di matapos-tapos na mga “dapat” na kailangang matupad, tunay na gumuguho ang pangarap ng komunidad na magpakatotoo at makalaya sa pamamagitan ng pagbahagi ng kanilang mga kuwento.
Dapat nakatatawa
Paano kung ang hari ay siya palang sinaunang imahe ng komedyang kabaklaan?
Nakamamanghang si Rodolfo Vera Quizon Sr., o mas kilala bilang “Comedy King” na si Dolphy, ang nagbinyag sa imahe ng isang baklang comic relief sa pamamagitan ng karakter niyang si Goryo sa Jack & Jill (1954).
Ang “pusong babae” na si Goryo — at ang kasikatan ni Dolphy — ang nagsimula sa pagiging suki ng mga bakla sa mga komedyang pelikula, na naging bahagi na rin ng pop culture sa Pilipinas.
Pero noong panahong ‘yon, ang mga imahe ng bakla sa telebisyong Pinoy ay puro lamang mga mahihirap at parloristang naka-cross-dress, kilos-babae, o sidekick ng mga bida na nabubugbog.
Pagdadahilan ni Nick Deocampo, sa pag-aaral ni Ronald Baytan noong 2008, madalas mag-atubili ang mga pelikula noon na mas seryosohin ang mga bakla dahil mas mabenta sa masa ang mga bading na karakter na nakatatawa lamang.
Ngunit, ika ni Nick, nang lumipas ang panahon at napabuti na ang mga teknolohiya sa paggawa ng pelikula na siya nang nagpamura sa filmmaking, mas naging bukas na ang mga filmmaker na gumawa ng mga istoryang hindi sumusunod sa “mainstream.”
Buhat nito, nagsulputan ang mga gaya ng Duda (2003), Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros (2005), Masahista (2005), at Ang Lihim ni Antonio (2008) — mga pelikulang inilagay ang mga bakla sa sentro ng kuwento kung saan hindi na lamang silang basta nagpapatawa.
Ipinapakita na rin ang istorya ng kanilang paghihirap at ambisyon.
Subalit, hindi man nga sila bastang nagpapatawa lang, nakakahon pa rin sila sa mga indie movies at nananatiling sikat lamang sa mismong komunidad ng LGBTQIA+ .
Ilang taon makalipas, nagkaroon na naman ng ebolusyon ang mga paglalarawan sa mga bading pagsapit ng 2010s dahil sa mga blockbuster na comedy movies ni Vice Ganda na muling nagdala sa kanila sa mainstream.
Dito, lumawak ang papel ng mga bakla — kahit minsa’y nakaugat pa rin ang kanilang mga karakter sa komedya.
Ipinakilala ni Vice ang mga bakla sa iba’t ibang genre kagaya ng romance sa This Guy’s in Love with U Mare! (2012), family drama sa apat niyang karakter sa Girl, Boy, Bakla, Tomboy (2013), action spoof sa Praybeyt Benjamin (2011) at The Amazing Praybeyt Benjamin (2014), at maging sa magical realism at superhero comedy sa Gandarrapido: The Revenger Squad (2017) at Fantastica (2018).
Ipinakita ng Showtime host na ang bakla ay nabubuhay at namamayagpag sa iba’t ibang sulok ng bansa. Kasama ang direktor na si Wenn Deramas, binitbit ni Vice ang elemento ng pagpapatawa ni Dolphy at ang pagsesentro sa kuwento ng mga bakla sa mga pelikula noon.
“Tinapos niya (mga pelikula ni Vice Ganda at Direk Wenn) yung era na yung bakla nasa comedy movie, pero siya yung sasabuyan ng punchline, pupukpukin ng dyaryo… yung bakla pwedeng bida… pwedeng mahalin,” wika ni Vice nang mag-guest siya sa isang episode ng Ang Walang Kwentang Podcast.
Tunay ngang naging maganda ang impluwensiya ni Vice sa pagpapakilala ng bakla sa masa, ngunit hindi maitatangging sa kabila nito, patuloy pa rin silang nakakahon sa mga trope na nagpapatawa lamang sila.
Ika nga ni Sophia, “In a way, I also think it’s kind of inevitable dahil maraming queer people in real life na genuinely funny, expressive, and naturally comedic, so hindi rin surprising na naisasalin ‘yon sa screen.”
Subalit kung patuloy na ganito na lamang ang imahe ng bading sa masa — na reyna sila ng komedya — paano sila seseryosohin at ang mga suliranin nila?
Ang patuloy na pagkahon sa kanila, ayon kay J. Neil Garcia noong 2004, sa pananaliksik ni David Corpuz noong 2010, ay nagdudulot ng paglimita sa bakla sa mga “safe spaces” kung saan hindi naman sila tunay na tanggap ng lipunan, kung hindi kinukunsinti lang.
Mahirap mang aminin, tila kabayaran ang pagpapatawa matumbasan lang ang pagiging bakla nila.
Dahil dito, madalas nakakaligtaan ang iba pang bahagi ng kanilang pagkatao.
“Personally, wala namang masama kung funny o entertaining yung character. Ang issue for me is kapag doon lang sila simply nirereduce. Parang nagiging tagapagpatawa lang sila without giving them more depth as a person,” pagsang-ayon ni Yzza Belle Padua, isang incoming third-year BA Communication student.
Ani Yzza, “multifaceted” ang mga tao — mayroon silang emosyon, paghihirap, ambisyon, at iba’t iba pang “layers” ng kanilang personalidad na nasasayang tuwing tanging nakakatawa lang ang nakikitang pagkatao ng mga bading.
Ang ganitong pagkaumay sa mga nakasanayang baklang karakter ang nagtulak sa industriya — kasabay ng lipunan — na maging mas progresibo at tingnan ang imahe ng bakla higit pa sa apat na sulok ng komedya.
Sa kasalukuyang panahon, ang bakla ay nabubuhay na sa iba’t ibang tauhan sa labas ng nakagisnan nitong pagkakahon.
Nariyan na bilang isang drag queen sa Die Beautiful (2016), matandang politiko sa Rainbow’s Sunset (2018), nanay sa Mamu: And a Mother Too (2018) at Call Me Mother (2025), at romantic lead sa The Boy Foretold by the Stars (2020).
Sa mga nagdaang taon, bida na rin sila bilang mga street hustler sa panahon ng drug war ni dating pangulong Rodrigo Duterte sa Some Nights I Feel Like Walking (2024) at bilang isang OFW breadwinner na gagawin ang lahat para sa pamilya sa And the Breadwinner is… (2024).
Mula sa one-dimensional na comic relief noon, mas naipapakita na ngayon ang mga bakla bilang mga taong may sariling pangarap, kabiguan, at pakikibaka.
Dapat uhaw sa lalaki
Paboritong-paborito ng mga pelikula kapag ang bakla ay nakatatawa, pagkatapos ay samahan pa na uhaw sila sa mga straight na lalaki — ‘yan ang perpektong formula para makuha ang kiliti ng masa.
Dahil ano pa nga bang ibang nagpapanginig sa tuhod ng mga bakla sa pelikula maliban sa isang straight na lalaking nakatopless na dapat, hindi siya — sa anumang paraan — mamahalin pabalik?
Nariyan silang nakapambabaeng damit, naka-makeup, maharot — naghahabol, naghahangad, at umaasang mapapansin ng lalaking gusto nila.
Halimbawa na lamang si Vice sa This Guy’s in Love u Mare! kung saan siya ay may ‘di matigil na obsesyon sa karakter ni Luis Manzano sa puntong puno ang kwarto niya ng mga litrato ng lalaki.
Kasama na rin ang baklang sundalo niyang karakter na sobra ang pagkahumaling kina Derek Ramsay at Richard Yap sa Praybeyt Benjamin at The Amazing Praybeyt Benjamin.
Ang mas nakalulungkot pa rito, kung hindi naman sila kayang mahalin pabalik, ginagamit ang mga bakla bilang instrumento ng mga lalaki para sa sariling kapakinabangan.
Paglalarawan ni Sophia, “May mga pagkakataon na ginagamit ng ibang lalaki ang stereotype na ito para i-manipulate, i-take advantage, o maliitin ang mga bakla.”
Dagdag niya, dahil dito, nagkakaroon ng “false sense of power” ang mga lalaki na madaling makontrol ang mga bading — bagay na makikita halimbawa sa seksuwal na motibo ni Jonbert kay Antonio sa Ang Lihim ni Antonio (2008) o kaya naman ang panggagahasa na naranasan ni Trisha sa kamay ng mga lalaki sa Die Beautiful.
Kung hindi minamaliit, patuloy na isinisikmura ng pelikula na ang pag-ibig na dala ng mga bading ay hindi dapat seryosohin at dapat pandirian o iwasan.
Kung tutuusin, madalas lamang namang ipinapakitang hypersexual ang mga bakla dahil iyon ang paningin ng lipunan sa pagiging unapologetic nila sa kanilang mga identidad.
Totoo ang mga bading sa kanilang mga sarili. At dahil hindi sila parte ng “binary genders,” nagagawa nilang kumawala sa mga patriyarkal na pamantayan ng lipunan para sa mga lalaki at babae.
Sa isang bansang nananatiling konserbatibo at may malalim na impluwensiya ng Kristiyanismo, madalas na nagiging uri ng rebelyon ang malayang pag-iral ng mga bakla.
Ang resulta ng ganitong imahe sa mga bakla ay ang mas lalong pagkakalayo sa koneksyon sana nila sa masa lalo na’t mas nagiging tanyag na ang pagbibida nila sa mga mainstream na pelikula.
“When audiences only see queer identities through the extremes, they start associating queerness with excess drama or even as far as immorality. Nawawala yung reality na queer people experience love, tenderness, heartbreak, and longing the same way everyone else does,” pagbibigay-diin ni Precious.
Sa halip na makatulong ang representasyon, ang masyadong pagkapit ng mga pelikula sa pagiging uhaw sa mga lalaki ng mga bakla ang mas lalong naglilinang sa mga misconceptions ng masa — na siyang nagpapalala sa matinding homophobia sa bansa.
Dahil sa mga ito, mas lalo silang kinamumuhian, iniiwasan, at inaakalang makasalanan at puro libog lang.
“Lalo nitong pinalalalim ang stigma at homophobia sa lipunan dahil nagiging defensive o takot ang ilang straight na lalaki na makipagkaibigan sa kanila, kaya imbes na tunay na pagtanggap ang mangyari, lalo lang silang nailalayo sa respeto na nararapat para sa kanila,” dagdag ni Austine.
At marahil ang pinakapinsala ay ang pagka-normalize ng kawalan ng consent o sexual harassment dahil sa pagtatrato rito bilang komedya sa pelikula. Nagiging manhid ang mga manonood sa kalubhaan ng ganitong diskriminasyon dahil nakikita nila ito bilang parte ng isang punchline na dapat ay nakatatawa lamang.
Sa huli, tunay namang may pagkaseksuwal ang ilang mga bakla at wala namang mali ro’n. Nagkakaproblema lamang tuwing, kagaya ng pagpapatawa, ay doon na lamang sila kinikilala.
Nagkakaroon sila ng mga relasyong hindi nakabatay sa habulan, pantasya, o pagiging “kawawang umiibig” — malayo sa mga pag-aakalang nakatadhana silang maging mapag-isa.
At dapat nang maitama iyon.
Dapat maging normal
Kadalasan pa, makikita sa representasyon ng komunidad sa midya na ang mga bakla sa pelikula ay madalas na nagiging “normal” o straight sa huli, na mas nasaksihan sa mga naunang midya.
Isa ang T-bird at Ako (1982) sa mga pelikulang nagpapakita nito, kung saan ang karakter ni Nora Aunor na si Atty. Sylvia Salazar na tumutuklas sa kanyang sekswalidad ay naging straight o heterosexual sa dulo ng pelikula.
Isa ito sa mga unang pelikula na nagtatampok ng bidang miyembro ng LGBTQIA+ community. Kaya naman nakakuha ito ng iba’t ibang reaksyon mula sa mga manonood ngayon.
“Problematic and made as if being a lesbian is a phase,” komento ni user michelleramoss sa isang Letterboxd entry ng pelikula.
“u have to be critical when watching this movie. dont get distracted by the fact that it is a gl since the ending provided some harmful representations,” wika naman ni user @yannnn sa isang TikTok bidyo ukol sa T-bird at Ako.
Karamihan rin sa mga karakter ni Dolphy sa mga pelikula ay nagpapakita ng ganitong paglalarawan, gaya na lamang ng Maria Rhodora Ancheta (2006) at Facifica Falayfay (1969).
Tampok sa Facifica Falayfay ang karakter ni Dolphy na bakla kung saan sinusubukan siyang “ayusin” ng kanyang mga kapatid sa pelikula. Hindi man matagumpay sa kanilang ginawa, naging “straight” pa rin siya sa huli dahil nakatagpo siya ng babae.
“Movies have also signaled that being straight is normal and better,” sabi naman ni Michael Roy Brosas sa kanyang artikulo sa Philippine Star Life.
“In films like Zombadings 1: Patayin sa Shokot si Remington and Echorsis: Sabunutan between Good and Evil, homosexuality is depicted respectively as a curse and a punishment, something male protagonists needed to get rid of,” dagdag pa niya.
Ngunit makalipas ang ilang dekada, may mga pelikula na rin na nagpapalawak sa mga bakla at hindi na nila kailangang maging “normal” upang matanggap ng lipunan. Isa ang The Panti Sisters (2019) sa mga nagbigay-buhay rito.
Ipinakita sa pelikula na mas importante ang pagtanggap sa sarili kaysa sa pagkakabagay sa kung ano ang pamantayan ng komunidad.
Sa kabilang banda, mayroong trend ang nauuso sa social media kung saan ang mga bakla ay nagiging “normal,” at ang tawag dito ay “factory reset.”
“Pinapalakas niya ‘yung ideya na ang pagiging queer ay phase lamang, pagkakamali, o bagay na kailangang itama at ibalik sa dati. It’s like it implies na may mas ‘tamang’ paraan ng pagiging tao, at iyon ay ang pagiging heterosexual,” sabi ni Sophia.
Normal ang pagiging bakla, lesbiyana, bisexual, o anumang identidad. Hindi ito sakit na kailangang gamutin o i-reset. Dahil dito, sa halip na makatulong sa pagtanggap, lalo lamang pinatitibay ng ganitong mga naratibo ang stigma laban sa LGBTQIA+ community.
Dapat magdusa
Kung hindi normal at nagpapatawa, karahasan ang kadalasang paglalarawan sa kanila. At pagdating sa perspektibo ng mga manonood, tila ba normal na lang na makita ang mga ganitong eksena sa mga palabas at pelikula.
Sa Pilipinas, ramdam ang impluwensiya ng konserbatibong mga pamantayan nito na naka-ugat sa Katolikong paniniwala.
“Dagdag pa rito yung censorship at regulations sa pelikula, kung saan minsan mas limitado ang paraan ng pagpapakita ng queer stories. Kaya instead na mabigyan ng nuanced at empowering representation, nauuwi minsan sa paulit-ulit na narrative ng paghihirap at discrimination lang,” ika nga ni Yzza.
Matatandaang ilang beses nang nabatikos ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) dahil sa mga “outdated” nitong klasipikasyon at mapaniil na censorship kagaya na lamang ng pagbibigay nito ng X-rating sa Dreamboi (2025) na itinuturing bilang panganib sa creative freedom ng mga pelikula.
Giit nga ni Austine, ang kadalasang takbo ng kuwento ay nagdudusa ang karakter sa tuwing lumilihis ito sa “konserbatibong landas,” ipinapakitang “hindi ka pwedeng magkaroon ng happy ending.”
Nanggagaling ang ganitong normalisasyon sa persepsyon ng ilang mga Pilipino na ang mga bakla ay abominasyon sa kung ano ang natural para sa kanila.
Para pa kay Yzza, “Hanggang ngayon kasi, marami pa ring Pilipino ang hindi tinitingnan bilang normal o natural ang pagiging LGBTQIA+. Dahil dito, madalas naipapakita sa media na ang queer characters ay laging may kapalit na suffering/tragedy dahil lang sa kanilang identity.”
Sa mga naunang palabas, isa sa nagpakita nito ay ang Markova (2000) na hango sa totoong buhay ni Walterina Markova o Walter Dempster Jr. Dito ipinakita kung gaano kalupit sa bakla ang lipunan.
Tanggap man siya ng ilan sa mga miyembro ng kanyang pamilya, hindi naman maikakaila ang pang-aabuso na naranasan ni Markova sa kamay ng kanyang kuya at ng mga Hapones bilang isang comfort gay.
Sa pelikula, naging simbolo si Loren Legarda ng mga taong patuloy na nagdududa sa totoong nangyari kay Walterina — kung kaya’t gano’n na lamang niya itago ang kanyang nakaraan.
Naipakita ng pelikula kung paano nagiging biktima ng diskriminasyon at karahasan ang mga sekswal na minorya sa isang konserbatibong lipunan.
Ngunit ipinasilay din ng pelikula na isa man ang pagdurusa sa “dapat” ng mga bakla, hirap pa ring maniwala ang karamihan sa karahasan na kanilang nararanasan.
Ang Ashite Imasu 1941 Mahal Kita rin ni Joel Lamangan ay isa sa mga unang pelikula na matapang na nagbigay-buhay at kuwento sa karakter ni Dennis Trillo. Ipinakita rin sa pelikula ang hirap na dinanas ng mga taong iba ang sekswalidad noong World War II.
“Aishite Imasu 1941: Mahal Kita brings to light the cultural and social hindrances that the gay characters had to face in the conservative setting during World War II. The film highlights the dread, secretiveness, and prejudice LGBTQIA+ people faced during the 1940s and the difficulties of expressing one’s true self and love in a society that is resentful of same-sex relationships,” ayon kay Kem Escriba sa kanyang rebyu.
Iilan lamang ang mga ito sa mga nagpakita ng pagdurusa ng mga bakla at ito rin ang kadalasang reyalidad ng karamihan sa kanila.
Mga hindi karapat-dapat
Para sa mga manonood, nakatutuwa tuwing gumaganap ang mga miyembro ng LGBTQIA+ community bilang mga karakter na sumisimbolo sa bawat “dapat” na kailangan nilang magampanan.
Ngunit sa mismong segundo ng pagtaliwas ng mga aktor at aktres sa karakter na ibinigay sa kanila at pagpili naman sa kanilang mga sariling kuwento, gayundin kabilis ang pagtalikod ng industriyang hinubog ng isang konserbatibong pamayanan.
Sa Billie and Emma (2018), tinalakay ang pag-iibigan ng dalawang babae sa gitna ng konserbatibong kapaligiran at mga panlipunang inaasahan.
Sa pelikula, pinadala si Billie sa isang Katolikong paaralan para sa mga kababaihan upang “magamot” ang pagiging lesbiyana niya. Dito niya nakilala si Emma, ang star student at pinaka-popular sa kanilang eskwelahan. Siya ay magiging matalik niyang kaibigan — at paunti-unti, ka-ibigan — sa kabila ng tinatagong maagang pagbubuntis ni Emma.
“Beyond its queer themes, Billie and Emma resonates. It’s not a film the LGBTQ community exclusively will enjoy because at its core, it is, quite simply, a love story,” pahayag ng Preen.ph.
Subalit, sa likod ng mga palakpak, nakatanggap din ang pelikula ng mga negatibong komento galing sa mga konserbatibong netizen simula pa lamang nang ipalabas ang trailer nito.
Tumaliwas ang Billie and Emma sa kung ano ang “dapat” nang binatikos nito ang mga turo ng Katolisismo, na kung saan makasalanan ang pagiging homosekswal.
Gayundin ang naging pagtanggap ng ilan sa Open Endings (2025), isang pelikulang nakasentro sa buhay at relasyon ng apat na queer na babae.
“It’s something that we could only hope for — not just for our film but for sapphic cinema in general. Big step na nga ‘to, na nakarating tayo dito, na meron kaming pwesto sa mainstream cinema,” wika ni Janella Salvador, na siyang gumanap kay Charlie, noong pinalabas ang pelikula sa buong bansa.
Dinagsa naman ng mga homophobic na komentong inuulit ang naratibo na “sayang” at “makasalanan” ang mga aktres nang nilinaw ni Klea Pineda, na nagbigay-buhay sa karakter ni Kit, ang kanyang relasyon kay Salvador.
“Matakot kayo sa Panginoon… Sinunog ang Sodom at gomora noon dahil sa Galit ng Panginoon sa mga homosexual…. Magbago na po Kyo,” ani netizen Annable Sumagop.
“Sayang naman! Ang tagal kita naging crush janella hays!” inalmahan naman ni JJ Malicdem.
Sa ilalim naman ng post ng GMA ukol sa pagsali ni Jasmine Curtis-Smith sa pelikula bilang si Hannah, patuloy na bumuhos ang mga negatibong reaksyong nakaangkla sa diskriminasyon.
“Homosexuals will not inherit the Kingdom of Heaven,” giit ni netizen Marc Rovic Mendoza.
Sa kabila ng pagkilala kay Vice Ganda bilang Best Actor para sa kanyang pagganap sa Call Me Mother (2025), hindi rin nakaligtas ang pelikula sa mga homophobic na puna.
Hindi ito tinanggap ng lahat dahil hindi katanggap-tanggap ang pagsalungat ng pelikula sa mga “dapat” na itinakda ng industriya.
“Condemned and denounced by God..1Cor. 6:9, Rom. 1:26-27,” komento ni Vince Siarot sa post ng Philippine Daily Inquirer ukol sa parangal ni Vice.
Gayunpaman, hindi pa rin tumitigil sa pagtindig ang mga mahuhusay na direktor, skrip-rayter, aktor, aktres, at ang bawat miyembro sa likod ng mga pelikula — kagaya na lamang ng Billie and Emma, Open Endings, at Call Me Mother.
“And I could say that in recent times, mas hinahayaan na silang ‘mag-exist’ bilang ordinaryong tao, hindi lamang bilang stereotype. Kumpara noon, mas may espasyo na ngayon para sa mga kuwentong mas nuanced at mas totoo sa reyalidad,” ani Sophia.
Sila ang nagsisilbi bilang mga patunay na dapat lamang mabigyan ng boses at plataporma ang bawat queer upang magkuwento at makalaya — kahit na hindi ito karapat-dapat sa mata ng lipunang mapanglimita.
Ano ba ang dapat?
Dapat lamang na makita sila — ang bawat bakla, lesbiyana, trans, at miyembro ng komunidad — bilang sila, may kwento, at may pagbabago, dahil hindi lamang sa mga stereotypes na ito umiikot ang pagkakakilanlan ng mga LGBTQIA+.
Ani Dr. Ver Reyes, “This has to be tackled as well: What are the stereotypes? They would say, ‘OK lang na bakla ka, basta matalino ka,’ or ‘OK lang na bakla ka, basta maayos ang itsura mo.’ This also creates division within the LGBT community. If we want BL to be an ongoing discussion and push this in terms of advocacy, then these are the things we can consider.”
Dahil dito, hindi sapat na masabing may representasyon kung ang mga imaheng naipapakita ay nananatiling nakapipinsala at mapanglimita.
“Bad publicity is still publicity. Totoo namang nabibigyan sila ng screen time dahil sa mga stereotypes na ito. Pero kung ang ‘publicity’ na nakukuha nila ay paulit-ulit lang silang kinakahon sa stereotypes, doon siya nagiging harmful at hindi na nakakatulong sa komunidad,” giit ni Austine.
Para naman ay Sophia, habang nagiging “normalized” ang mga ito, lalong lumiliit ang espasyo para sa tunay na pag-intindi at pagtanggap.
Pagkakakilanlan — ito lamang ang ilan sa mga nais sanang makita pang representasyon ng mga bakla sa midya.
Sapagkat kung mahihinang representasyon na lamang ang masisilayan natin sa midya, hindi na mawawala ang mga lumang stereotype sa mga bakla.
Higit pa rito, mahalaga ito para sa mga batang manonood at sa mga susunod pang henerasyon ng mga bakla. Dito, sila’y makahahanap ng sariling koneksyon at ituturing na relatable ang mga pelikula sa kanilang mga karanasan.
Kung patuloy ang pagkakahon, diskriminasyon, at mga stereotype sa mga bakla sa lipunang ito, sino pa nga bang magdadamayan, hindi ba, kundi ang mga kapwa bakla rin lamang?
Hindi na sapat na may bakla lang sa pelikula — sapagkat ang tanging “dapat” na may karapatang manatili ay ang pagtatapos ng napakahabang listahan ng mga “dapat” na ipinapataw sa kanila.
Dapat, wala ng mga “dapat.”




