Ang sabi nila, may nilalang raw na sumusubaybay sa mga pangarap natin —
mula sa mga magulang na nangangarap nang matayog
hanggang sa mga anak nilang nagsusumikap upang makamtan ‘yon.
Kalong ng nilalang ang mga samu’t saring mithiin:
mga pangarap nating maging guro, sundalo, at doktor
At madalas siyang nananahan sa paaralan kung saan hinuhubog
ng apat na sulok ng kwarto ang kanilang pagkatao
Pinapanood niya ang mga batang nagtataas ng kamay,
sumusunod sa bawat utos at gabay, at nakikipagkaibigan
Saksi siya sa kasipagan nila sa
paggawa ng takdang-aralin sa hapunan
Kaya nang nangyari ang hindi inaasahan
gumunaw ang lahat ng pangarap na hawak niya
Nang kumasa ang baril, kutsilyo, at dumanak ang dugo
kasabay na gumuho ang pagkatao niya
Hindi niya nagawang saluhin
ang mga pangarap na nahulog, natapon
at nasayang
Na sa ilang araw ng karahasan, daan-daang pangarap ang nawala,
iba’t ibang pamilya ang nagdusa
Nalagas ang buhok at nagsugat-sugat ang katawan ng
nilalang kasabay ng paglaho ng mga matatayog na pangarap na bumubuo
sa kaniya
May pangarap na maging guro,
na hindi na makahahawak pa ng lapis
May pangarap na maging doktor,
na ang puting ameranang inaasam
ay hindi na maisusuot kailanman.
May batang nais lamang makauwi
upang ikuwento sa kanyang ina
ang mataas niyang marka sa pagsusulit.
At habang ang buong mundo’y nagbibilang ng mga nasawi,
siya nama’y nagbibilang ng mga kinabukasang hindi na maisusulat,
sa paaralang dapat ay tahanan ng pag-asa,
hindi libingan ng mga pangarap.
Umiyak ang nilalang sa takot at pangamba
Paano ang mga guro na nagtuturo sa kanila?
Paano ang mga kaibigan at kalaro na ‘di na sila makakasama?
At higit sa lahat, paano ang pamilyang
hindi na sila makikita?
Nanlumo ang nilalang dahil maski siya,
na mismong tagapagbantay ng mga pangarap,
walang kapangyarihang ibalik ang kinabukasang
ninakaw nang basta-basta lang.
Ang tanging magagawa niya ay yakapin
ang mga pangarap na hindi na natupad,
hagkan ito para sa mga naiwanang pamilya
at panatilihing buhay ang mga ambisyon
kahit wala na ang mga nagmamay-ari nito




