- May sikreto ako:
- hindi ako tao, isa akong
- manananggal, na sa bawat
- pagbukas ko sa Campus++,
- nahahating muli ang katawan at puso
- ko sa tatlo — marahil ganito na
- kaming mga anak na pinaglihi sa uno
Sa ulo:
- Kung gaano kabilis itipa ng mga daliri ko
- ang password sa ___@student.hau.edu.ph kong account,
- Ganoon din katulin kung dumaloy ang dugo
- papunta sa ulo ko tuwing nakakikita ako ng 1.00
- Sige, isama na rin ang 1.25 kahit alam kong
- dinaya ako ng propesor ko sa mga paraang hindi ko alam
- Hindi magkamayaw ang hypothalamus at amygdala ko;
- nagtatalunan sila, nagsasampalan
- Bahala na kung wala akong natutunan ngayon at
- Basta na lamang natapos ang prelim!
- Uutusan nilang dalawa ang lahat ng
- neurons sa katawan:
- Ipakalat ninyo ang magandang balita!
- May academic scholarship pa rin tayo
Sa torso:
- Kapag nakakikita naman ng 1.5 hanggang
- 2.00 ang mga manananggal na kagaya naming uhaw sa dugo pero
- kulang sa pera, nanginginig ang torso namin — mula balikat hanggang
- baywang — nangangamba, natatakot,
- Nagtatanong: hindi na ba ako
- Magaling?
- Magaling pa ba ako?
- Waring inasinan ang mga sugat namin sa braso,
- Waring may mga bibig sila at sinesermonan nila kami dahil naging
- Tamad kami, naging pabaya
- Nasasayangan sila na hindi na namin pilit pang binugbog ang lumpasay na katawang
- Suki na ng pagod at puyat:
- Walang lugar ang reklamo sa mga kaluluwang ipinagkanulo na sa
- Top 1% ng bawat departamento
Sa binti:
- Ang ipinagtataka ko lang ngayong prelim:
- Sa tuwing nakikita kong mababa sa 2.00 ang mga grado ko
- Bakit tila naninigas ang mga paa ko?
- Iniisip ba ng binti ko kung saan pa kami tutungo
- ngayong hindi ko na sigurado kung mahihila
- ko pa ang mga grado ko sa susunod na midterm at finals?
- Tumatangis din kaya ang mga tuhod ko, gabi-gabing napatutulala
- sa kawalan, nagbibilang hindi ng mga tupa
- kung hindi bituing may bilang na 2.25, 2.50,
- at 2.75? Naaawa ba ang diyos ng mga numero sa’ming
- tinatakbuhan ang mga tres at singko?
- Alam kong pribilehiyo ang mag-aral: kaya sana’y
- tubusin ako sa mga kasalanan ko ng katawan kong
- sa masamang paraan, ay ipinaglihi at nabubuhay sa uno.




