Noong nilagdaan ng Pilipinas at Estados Unidos ang kasunduan patungkol sa Pax Silica noong ika-17 ng Abril, magarbo at positibo ang mga salitang nakabalandra sa mga ulo ng ballta: libo-libong trabaho, pag-unlad ng ekonomiya, at magandang kinabukasan.
Ngunit ni isa, walang nagtanong kung sino ang magbabayad ng kapalit nito.
Ito ang unang mitsa ng pagkiling.
Hindi na bago sa mga estudyanteng mamamahayag ang “angling,” o ang pamimilli ng isyung tututukan sa isang pangyayari. Madalas, ito pa ang itinuturing na sikreto upang manalo sa mga press conferences. Ani nga ng mga coach, kapag nangibabaw ang anggulo mo, matitiyak na rin ang iyong trono.
Ngunit ang pagpili ng anggulo ay hindi lamang isang estilo sa mga patimpalak. Nangyayari ito sa totoong buhay — pinagdidiskusyunan sa mga newsrooms, inilalabas sa masa, at hinuhubog ang reyalidad.
Isang malaking ilusyon ang katagang “walang kinikilingan” dahil ang buong proseso ng peryodismo ay binubuo ng mga desisyon: kung aling pangyayari ang gagawing banner news, kaninong interview ang gagamitin bilang headline, kaninong boses ang mas bibigyan ng espasyo, at kaninong panig ang unang ilalahad sa madla.
Kaya ang mga balitang nakasentro sa “mabubuting” dulot ng Pax Silica na nagsimula bago pa man ang paglagda ng inisyatibo ay isang desisyon — at isang porma ng pagpanig sa gobyerno at mga dayuhan.
Noong Marso, usap-usapan na ang plano ng bansang pumanig sa proyekto ng US. Ayon sa headline ng Manila Bulletin, para ito sa “mining investment.” Para naman sa Philstar.com, ito ay para sa “AI at supply chain.” Neutral naman ang tono ng BusinessWorld, pero kung babasahin ang lead, ibinida rin nito ang pagpapatindi ng partisipasyon ng Pilipinas sa supply ng “critical minerals and artificial intelligence infrastructure.”
Sa Abril, ang buwan ng paglagda, nanguna ang Philippine News Agency sa paghubog ng mensahe: “PH joins US-led Pax Silica; plan for industrial hub in Luzon unveiled.” Kung babasahin nang walang ideya sa epekto nito, tila isa itong malaking biyayang ibinigay ng isang mayamang bansa sa isang naghihingalong lugar. Hindi na sorpresa, lalo na’t bilang isang government controlled media, layunin nitong pabanguhin ang mga pagkukulang at pagkakamali ng pamahalaan — kasama na ang Pax Silica.
Ang mas nakadidismaya? Kung paano ito sinundan ng major mainstream media outlets sa parehong mukha.
Nariyan ang GMA News na ibinida ang 4,000-acre na lupang gagamitin para rito, na walang pagbanggit kung sino ang madedehado, habang binansagan naman itong “anchor for artificial intelligence (AI) and advanced manufacturing” ng Inquirer.
Repleksyon din ng pagpanig ang desisyon kung ibabalita ang mga pagtutol. Sa lahat ng media outlets na may pambansang saklaw, tanging ang independent media companies na Bulatlat, Rappler, at Altermidya ang nagbalita sa mga maagang pagtutol sa Pax Silica noong Mayo at Abril. Kasama na rito ang mga pahayag at protesta ng Makabayan Bloc, Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), Kalikasan People’s Network for the Environment, at Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), na kinondena ang epekto ng proyekto sa likas na yaman ng bansa at ang pagpapakatuta ng gobyerno sa Amerika.
Ibinalita rin naman ito ng Inquirer, pero kung ikukumpara sa bilang ng ulat nito na naglalaman ng positibong mensahe, tila pinagbigyan lamang ang hinaing upang masabing wala itong kinikilingan.
Sa kabilang dulo, pinili ng GMA at ABS-CBN News na tutukan ang sagot ng gobyerno sa kritisismo, gaya na lamang ng pahayag ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na “industrialization, not war-driven” ang Pax Silica.
Mula sa mga positibong anggulo hanggang sa sadyang pagbaon sa mga tinig na kumokontra rito — lalo na sa pagbibigay-diin sa tugon ng gobyerno — unti-unting hinuhulma ang isang reyalidad na susundan ng publiko.
Trabaho, pag-unlad, ekonomiya — ni isa sa mga tagabalitang pinagkukuhanan ng impormasyon ng halos buong sambayanan, walang umusisa sa magiging epekto nito sa kapaligiran, sa suplay ng kuryente at tubig, at sa mga katutubong lupang sasakupin nito.
Ito na marahil ang dahilan kung bakit kahit na napirmahan ang inisyatibong Pax Silica noong pang Abril, hindi umingay ang usapan dito.
Salamat na lang at may mga boses na kailanman ay hindi tumigil: mga grupong patuloy na tumututol at mga progresibong midyang hindi pumayag na tuluyang mabaon sa katahimikan ang kanilang mga pinaglalaban.
Mula sa kalsada ay dinala ng iba’t ibang grupo, kabilang na ang mga pampaaralang publikasyon, papunta sa social media ang laban kontra sa Pax Silica.
Isa ang League of Filipino Students sa nanguna sa pagpapakalap nito noong ikalawang bahagi ng Hulyo gamit ang mga analohiya na malapit sa masang Pilipino, tulad ng pagkumpara ng kinokonsumong litro ng tubig ng mga palayan at ng kakailanganin ng Pax Silica. Sa kasalukuyan, ito ay umani ng higit sa 200k reactions at 70k shares, hindi pa kasama ang iba pang mga posts na umaabot din ng higit sa 100k reactions.
Hindi nagsayang ng oras ang mga pang-estudyanteng publikasyon matapos malaman ang isyu, lalo na ang mga estudyante mula sa Rehiyon Tres, kung saan ipinaplanong itayo ang proyekto sa Capas, Tarlac.
Nariyan ang ang pagbabalita ng The Work ng Tarlac State University (TSU) sa dinaranas ng mga apektadong residente sa Capas, pag-uulat ng Pacesetter ng Bulacan State University (BulSU) at CLSU Collegian ng Central Luzon State University (CLSU) sa protesta ng kani-kanilang kapwa estudyante kontra Pax Silica, ang na kartun ng The Blaze ng Nueva Ecija University of Science and Technology (NEUST), komprehensibong infographic ng The Angelite ng Holy Angel University, at marami pang iba.
Bago pa man din pumutok ang isyu ay lumabas na sa kani-kanilang kampus at nakiisa sa laban sa lansangan ang mga estudyanteng mamamahayag ng Philippine Collegian at The Manila Collegian.
Ni isa sa mga nabanggit ay walang nagbigay ng dagdag na espasyo sa mensahe ng mga tagapagtanggol ng Pax Silica na nagtatangkang kumbinsihin ang publiko na tanggapin ang kanilang naratibo.
Lahat ay iisa ang sentro ng anggulo: Ang masang Pilipino.
Dito higit na nagiging malinaw ang papel na marapat gampanan ng mga estudyanteng mamamahayag. Sa pagitan ng naratibong hinuhubog ng mga higanteng institusyon ng mainstream media, nararapat manatiling matatag ang mga publikasyong pang-estudyante bilang alternatibong midya — isang espasyong hindi kumikiling sa kapangyarihan, kundi kumakampi sa mga tinig na higit na nangangailangan ng espasyo.
Dito dapat inilalapit ang lente: sa pasanin ng mga Pilipino, sa mga usaping direktang humuhubog sa kanilang buhay, at sa mga katotohanang maaaring malunod kapag ang iilang makapangyarihan lamang ang may kakayahang magsalita.
Dahil may kinikilingan ang pamamahayag.
Sa bawat pasyang bumubuo sa isang artikulo — kung anong kuwento ang susundan, kung aling tinig ang pakikinggan, at kung alin ang bibigyang-liwanag — marapat lamang na sa panig ng mamamayang Pilipino ito magtapos. Sapagkat sa huli, ang pamamahayag ay hindi lamang sinusukat sa mga katotohanang inilalantad nito, kundi sa panig na pinipili nitong panindigan.
Denice is the Editor-In-Chief of The Angelite for the Publication Year 2026-2027, and writes opinions under the column “Only Den”
The views and opinion of the editor does not necessarily reflect those of the publication.




