Patawad na lang sa Angeles kung mababasa niya ito.
Pero sa tuwing nakikita kong nangungutang si Mama ng libu-libong pera, may maihanda lang, makasusunog ng lechon ang kumukulo kong dugo.
Hayan, sa kani-kanilang mamahaling mga kotse, isang araw bago ang mismong okasyon, nagsisidatingan ang mga kamag-anak mong nakaangat lang sa buhay ay ‘kala mo kung sino na.
Hindi pa man naipiprito ang lumpia, binabalot na nila ng mapanuring mga tingin ang lumang bahay na hindi na ninyo naayos pa.
Dahil kayo ang pinakamahirap — ang hindi pinakaumasenso sa buhay — kayo ang mangangalaga nito, kabuklod ng lola na marahil ay kagaya niyong may dementia na rin dahil pareho kayong hindi makatakas sa tanikala ng kahapon.
Hinding-hindi mawawala ang mga pinsan mong mamahalin ang mga kasuotan at gadget. Mga burgis na nag-aaral sa kanya-kanyang pribadong pamantasan na tanging pagpapa-connect sa Wi‑Fi at pagkukulong sa kwarto lang ang alam, hindi na lumalabas pa sa kwarto upang tumulong tuwing Disperas.
Habang sinasangkutsa ng nanay ang mga gulay at binabalatan ng tatay mo ang manok, nakaupo sa kusina ang mga tita’t tito mo na kinukumusta ang pag-aaral mo sa kolehiyo, kung bakit Education ang major mo gayong mababa ang mga pasahod sa guro.
Paano mo tutulungan ang mama mo sa ganyang trabaho? Wika nila.
Kasabay noon, niluluto rin nila sa bibig nila ang iba mo pang mga pinsan, iyong may gawa-gawang depresyon na naglalaslas, iyong bakla, na dapat sana ay magpapakalat ng apelyido ninyo, at iyong lesbiyanang ‘di nakatapos ng pag-aaral at naglayas na lang ng bahay matapos makasagutan ang inang relihiyoso.
Kapalpakan sila sa mata ng mga kagaya nilang santo, at alam mong matapos lang ang okasyong ito, kayo naman ang magiging pulutan nila.
‘Di bale, lilipas rin ang anumang pangungutya nila kapag inilabas na nila ang mga regalong damit at sapatos sa inyo na hindi nila kalilimutang ipaalala na branded at galing abroad.
Susuotin mo ang isa sa mga ‘yon kinabukasan, kung saan darating ang iba niyo pang kamag-anak na naaalala lang kayo tuwing may handa kayo sa fiesta o kapag may patay at malapit sa inyo ang burol upang makapagsugal sila.
Hindi man nakatapos sa pag-aaral ang mga magulang mo, mistulang Hospitality Management ang undergraduate degree nila kung sila ang utos-utusan kinabukasan: Antayu ing SanMig, Pare? Kumare, pamalut mu naku man ketang gewa mung salad. Matabang ining barbecue, atin kayung asin?
At ikaw, kasama ang iba mo pang kapwa pinsan na mistulang mga tupang iba’t ibang kolorete ang nasa mukha at buhok, ay napalilibutan ng samu’t saring mga lobo at aso na pinipiraso kayo sa kanilang mga tingin.
Ot ala ka pang girlfriend? Alam mo, itong si Chesca, gagraduate bilang Summa Cum Laude sa La Salle. Ikaw ba? Dimdam ku, irreg na ka kano?
‘Yang pa-english-english mong pinsan, akala mo kung sinong matalino at magaling! Bakit ‘tin yang piercing ing arung mu? Rugo, takpan mo reng tattoo mung aren! Naglalaslas ka raw? Panguha mo nga ng pansit itong pinsan mo.
Tigilan mo na ‘yang pagsama sa mga rally-rally na ‘yan. ‘Di ka ba naaawa sa mama mo? Ang iksi naman masyado ng skirt mo. Pokpok ka ba?
Ewan ko nga rin kung bakit nila pilit na ipinapatalsik si Sara Duterte.
At sa gitna ng lahat ng iyon, habang hawak mo ang panibagong plato ng manok dahil sinigawan ka ng tatay mong bitbitin iyon sa mesa nilang magkukumpare, napagtanto mong ikaw, waring si Superman na may X-ray vision, ay nakikita na ang tunay na kalamnan ng bawat isa.
Ganito na talaga marahil ang fiesta: isang salu-salong hindi nakasentro sa pagkain, kundi sa paghihimay ng bawat isa — ito ang umasenso, ito ang naghihirap pa rin, ito ang wala nang pag-asa pang makaahon sa buhay.
Putahe ang bawat tao, at walang mapupuntahan ang mga hindi nakikitaan ng halaga kung hindi bilang pagkaing itatapon sa lupa.
Ngunit ikaw, at ang iba mo pang pinsan, mga manonood na nakaiintindi sa lason ng kulturang ito, ang simula’t hangganan ng lahat.
Nasa kamay ninyo, bilang mga bagong tito’t tita, lolo’t lola ng susunod na henerasyon — kung sakaling may mundo pa silang dadatnan sa hinaharap — ang pagpapatuloy ng ganitong tradisyon.
Pagkatapos ng okasyon, habang kumakanta ang mga tito mong lasing sa karaoke, at nakauwi na lahat ng kamag-anak at kapitbahay niyong umubos ng handa, magkakasamang magligpit, maglinis, at maghugas ng pinggan ang lahat ng babaeng bigo sa buhay.
Maligayang fiesta.




