Tuwing ika-4 ng Hulyo, ginugunita ng bansa ang Philippine-American Friendship day—isang araw na layong sariwain ang taon-taong ugnayan ng dalawang nasabing bansa. Ang nasabing selebrasyon, na unang naisagawa noong 1946, ay kaalinsabay rin ng paglaya ng Pilipinas mula sa pormal na pananakop ng Estados Unidos.
Ngayon, 78 na taon na ang nakalilipas, bagama’t malaya na ay patuloy pa ring nararamdaman sa ating bansa ang presensya ng Estados Unidos, mula sa mga militar na presensya hanggang sa mga polisiyang pang-ekonomiya, na itinatago nito sa konsepto ng “pagkakaibigan”.
Sa patuloy na panghihimasok ng Estados Unidos sa bansa, patuloy ring natatapakan ang ating kasarinlang ipinaglaban at ipinaglalaban—patunay na pansariling interes ng Amerika ang kaniyang itinataguyod, at hindi para sa tapat na ugnayan at pakikipagkaibigan sa ating bayan.
Isang halimbawa ng panghihimasok ng Amerika ay ang pananatili nito ng mga base militar sa bansa. Sa dulot ng Enhanced Defense Treaty Agreement (EDCA), nagkakaroon ng dahilan ang Amerika na manatili sa bansa upang magsanay ang magkasamang pwersa nila at ng Pilipinas sa mga militar na aktibidad.
Sa kasalukuyan, mayroong siyam (9) na EDCA sites sa bansa, apat dito ay kapapasinaya lamang sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr. noong Abril 2023. Kalat ang mga EDCA sites sa Pilipinas, mula Cagayan, Isabela, Pampanga, Cagayan de Oro, Cebu, at Palawan; ang pagpapaigting ng kanilang puwersang militar sa pamamagitan ng mga nasabing base ay nagpapakita ng malawak na presensya ng Estados Unidos sa bansa.
Gayon din, ang pagkakaroon ng Mutual Defense Treaty sa pagitan ng dalawang bansa, na nalagdaan noong ika-30 ng Agosto, 1951, ay isang halimbawa ng paggamit ng Estados Unidos sa Pilipinas para isulong ang sariling kapakanan ng nasabing imperyalistang estado.
Taliwas sa layunin nitong maging “mutual”, hindi lubusang natutugunan ng Amerika ang responsibilidad nito sa Pilipinas na protektahan ang bansa. Nagiging isang dagok pa ito sa ating bansa upang tumugon sa mga posibleng armadong hidwaan na kahaharapin ng Estados Unidos sa maaaring kapinsalaan ng ating sariling hukbong militar.
Lubos na tanaw ang problemang ito sa usapan ng West Philippine Sea, kung saan sa kabila ng mga palabra ng suporta ng Estados Unidos sa pagdiin natin ng karapatan sa ating teritoryo ay hindi natutugunan ng Amerika ang ipinangako nito sa bansa.
Halimbawa, nitong mga nagdaang buwan ay naranasan ng Philippine Coast Guard (PCG) at mga mangingisdang Pilipino ang panggigipit ng mga barko ng Tsina. Kabi-kabilang pagsabal at pag-atake gamit ang water cannon ang ginawa ng Tsina, ngunit walang konkretong suporta o tulong ang nakamit mula sa kaalyadong Estados Unidos.
Sa halip na makatulong din sa ating laban ay nagpapalala lamang ang presensya ng Amerika sa bansa habang lumulutang ang nasabing problema, na, ayon sa Tsina, ay labas sa hurisdiksyon ng Estados Unidos.
“Walang bahagi at karapatan ang Estados Unidos na makialam sa problema sa pagitan ng Tsina at Pilipinas (The U.S. is not party to the South China Sea issue, it has no right to get involved in a problem between China and the Philippines),” ika ni Mao Ning, tagapagsalita ng Ministry of Foreign Affairs ng Tsina sa isang kapanayaman noong ika-26 ng Oktubre, 2023.
Sa nasabing mga halimbawa at panghihimasok nito bilang isang sumusuportang “kaibigan,” ay tila nagiging isang pain na nasa pamingwit ng Estados Unidos ang Pilipinas upang makakuha ng kapakanibangan para sa sarili nitong interes.
Kaya naman sa patuloy na panghihimasok ng Amerika sa ating bansa, isang panawagan ang dapat ipinaglalababan ng bayang nagkakaisa—walang lugar ang imperyalistang bansa sa Pilipinas.
Bilang isang bayang malaya at may soberanya, kaakibat ng ating responsibilidad bilang mga mamamayan ang ipaglaban ang mga nabanggit. Tumayo, magmobilisa, at itakwil ang anumang uri ng makabagong pananakop na itinatago sa patsada ng diplomasya at pakikipagkaibigan.
Sa aspeto rin ng gobyerno, marapat na siyasatin at repasuhin nito ang mga polisiyang nakalatag sa ugnayan nito, hindi lamang sa Estados Unidos, kundi sa iba pang mga bansa na sisigurong hindi naaagrabyado ang Pilipinas, at bilateral na kapakinabangan ang makakamtan.
Habang patuloy na nananatili ang pwersa at presensya ng ibang bansa, patuloy na malalagay sa panganib ang kalayaang ating tinatamasa. Tayo ay malaya, may soberanya, at may sariling pagkakakilanlan—ito ang ating dapat panghawakan at patuloy na igiit sa ngalan ng ating minamahal na bayan.
Ipaglaban ang kalayaan ng Pilipinas! Amerika, lumayas!





