Gabi-gabing naglalako ng balut si Dodong,
Pangunahing kabuhayan para makakota pampalipas gutom.
Kung sa isang gabi’y tumakbo nang marahan ang segundo,
at natiyempo sa paglalako ang mga guwardiyang sumusunod sa utos ni Lolo
Na bawal sumalubong ang bayan sa pagsapit ng bagong araw,
Upang mapanatili raw ang kapayapaan,
Ngunit sumusupil lamang sa mga rebolusyonaryo ng bayan
Na lumalaban para sa kalayaan mula sa naghahari-harian;
Kung kaniyang makasalubong, silang mga nagkakampo,
nagmamaltrato
sa mga bumabaybay sa kalye
Pasado alas dose
Maibebenta pa kaya ang mga balut ni Dodong?
O magiging sisiw na’t tutuka sa itaas ng kaniyang kabaong?





