Hindi mahulugang karayom kung ihambing sa dami ang mga deboto ng taunang “traslacion” ng Poong Hesus Nazareno.
Hindi alintana ang init at siksikan, maging ang peligro ng pisikal na mga kapanganiban, mahaplusan lamang ang pinaniniwalaang mapagmilagrong imahen upang humingi ng himala na tutugon sa mga problemang kanilang dinaranas.
Ganiyan kung mailalarawan ang traslacion ng Poong Hesus Nazareno ngayong 2025, na dinaluhan ng milyon-milyong mga deboto.
Marubdob man kung maituturing ang damdamin upang humingi ng pagpapala at paghihimala, may mga pagpuna sa nasabing debosyon na “malapanatiko”, o animo’y malabnaw na manipestasyon ng pananampalataya.
Gayon pa man, hindi dapat sisihin ang mga deboto kung bakit “ipinagpapasa-Diyos” na lamang nila ang kanilang mga problemang tila wala nang iba pang makapagbibigay-solusyon.
Taunan ang paggunita sa ‘traslacion’ ng imahen ng Nuestro Padre Jesus Nazareno na ginaganap tuwing ika-siyam ng Enero upang alalahanin ang paglipat ng poon mula sa orihinal nitong bantayog sa Bagumbayan (kasalukuyang Luneta) patungo sa Quiapo Church.
Bitbit ang iba’t ibang mga kahilingan, gaya ng paggaling sa mga karamdaman at pag-alpas mula sa mga personal na mga suliranin, marami sa mga kababayan nating Pilipino ang sa ‘milagro’ ng Poong Hesus Nazareno umaakay sa muling paglabas ng andas ng larawan sa kahabaan ng mga lansangan sa Maynila.
Gaya na lamang ni Gina Catabay, 54, na lumahok sa traslacion noong nakaraang taon upang humiling ng lunas para sa kaniyang inang nakikipaglaban sa sakit na cancer.
“Lumalahok ako sa traslacion mula bata pa ako… para sa akin ay isang pakikipag-usap ang debosyon na ito sa Diyos para sa paggaling ng nanay ko (I’ve walked this path since childhood… It feels like a conversation with the Divine for my mother’s recovery),” saad ni Cabay sa isang panayam ng Philippine Daily Inquirer.
“Pinagdasal ko na sana bumuti na ang mga hanapbuhay (I prayed that hopefully this year our livelihoods will get better),” ika naman ni Jonathan Rancho, 52, sa isang panayam ng Rappler.
Kung titingnan, karamihan sa mga deboto ng Poong Hesus Nazareno ay bahagi ng “urban poor”—mga kababayan nating maralita na sa Diyos na lamang sumasangguni para sa kasagutan sa mabibigat na problemang dinaranas nila sa buhay.
Marahil, gaya ng Nazarenong sugatan at mabigat na krus ang pinapasan, tanan din ng maraming deboto ang parehas na paghihirap—pinilatan ng pagsubok ng buhay, at pasan ang mabigat na “krus” ng kahirapan sa araw-araw na pagkayod.
Sa pag-aaral ng sosyologong si Dr. Tom Rees nong 2010, kaniyang isinaad na mas mataas ang antas ng pagkarelihiyoso ng mga tao sa mga bansang may mas mababang kalidad ng pamumuhay, mas mataas na antas ng korapsyon, pati na rin ang hindi epektibong kondisyon ng sistema ng kalusugan at edukasyon, gaya ng Pilipinas.
“Ang mga mas relihiyosong bansa ay mayroong mas maraming indikasyon ng kawalan ng kaayusan sa lipunan, at mas mataas na bilang ng mga pumapanaw na sanggol, krimen, at korapsyon (More religious nations have more indicators of social disharmony, with higher infant mortality, higher murder rates, more corruption),” ani Rees.
Nasa atin ang milagro
Para naman sa isang Kristiyanong bansa tulad ng Pilipinas, tila nagagamit pa ng pamahalaan ang masidhing relihiyosong damdamin ng mga mamamayan upang bingi’t pikit na tugunan ang mga problemang dinaranas ng naghihirap na bayan.
Ngunit sa kanilang dako, ang pamahalaan dapat ang nagsisilbing kasagutan sa mga dalanging tanan ng mga Pilipino.
Tulad ng kay Rancho, pasanin ng gobyerno ang magbigay ng umento sa pasahod, at repormang pang-ekonomiya para sa mga taong ang hiling ay mas maayos na kabuhayan.
Taglay rin ng gobyerno ang responsibilidad na magsilbing “himala” sa mga gaya ni Cabay na lunas sa karamdaman ang hinahanap, sa pamamagitan ng pagpapabuti ng kondisyon mga ospital, at pagpapalawig sa libreng akseso ng mga kagamutan.
Ilan lamang ang mga ito sa mga bagay na maaaring gawin ng pamahalaan upang gawing materyal ang mga milagrong hinihintay ng mga deboto, at hindi iasa ang lahat sa kapangyarihan ng Maykapal.
May mga magsasabing tila isang bulag na paniniwala na o “idolatroso” kung tingnan ang isa sa mga pinakaprominenteng debosyon ng mga Pilipino. Ngunit, hindi natin masisisi ang mga deboto sa kanilang pagsampa sa andas ng Poong Hesus Nazareno, at ang pagtitiis nila sa karagatan ng milyon-milyong mga tao upang humingi ng pagpapala at paghihimala sa Diyos.
Sa mga tulad nilang debosyon na lamang ang nakikitang kasagutan sa mga hamong tila wala nang solusyon—mga suliraning sa gobyerno sana mahahanap ang tugon—hindi paghuhusga ang dapat ipataw sa kanila.
Bagkus, ang dapat ibigay sa kanila ay pag-unawa mula sa kalakhang masa.
Hindi paghuhusga, kundi pakikiisa ang ihandog sa mga deboto sa kanilang mga paghihirap.
Bilang isang bayang pare-parehong batid ang kalbaryong dinaranas ng mga Pilipino, hingin din natin ang “pagpapala” hindi lamang sa Diyos, kundi pati sa mga may katungkulang mas materyal na makapaghahandog ng “himala” para sa mga taong wala nang nakikitang makapagpapatahan sa kanilang mga paghihinagpis, at sa bayang sa milagro na lamang umaasa ng pagbabago.
Dahil gaya ng mga deboto ng Nazareno, pare-pareho lamang tayong mga Pilipinong humahanap ng susi sa ating mga araw-araw na pakikibaka sa mga hamon ng buhay—kaya tayo mismo ang magsilbing milagrong tutugon sa mga paghihirap na dinaranas ng bayan, at himalang aakay sa bawat isa sa matarik na kalbaryong tinatahak ng bawat Pilipino.
Godwin Pring is the editor-in-chief of The Angelite for the Publication Year 2024-2025, and writes opinions under the column “God ‘in the Masses.”
The views and opinion of the editor does not necessarily reflect those of the publication.




