Panibagong sikat ng araw para sa lahat ng nangangarap,
Na may samu’t saring tunog ng busina at pihit,
Padyak at gapang pataas,
Para sa karera ng hinaharap.
Peep! Ang tunog ng kotse ng mga mayayaman,
Kring! Sano ng bisikleta para sa mga may kaya,
Beep! Dyip para sa mga kapos; at
Tsap-tsa… Kiskis ng tsinelas para sa mga naagawan at nawalan.
Tik… Tok… Tik… Tok…
Katumbas ng galaw ng daliri ng orasan sa isang segundo ang bawat hakbang ko patungong terminal ng dyip.
Mga makukulay na dyip na inalay bilang simbolo ng pag-asa,
Asul na dyip para sa mga talentado, puno na.
Berde para sa mga atleta, kaaalis lang.
At dilaw para sa mga matiyaga, pero may pila.
Tatlong hakbang mula rito, dalawa, is–
“Puno na, iha. Lakad ka na lang.”
Baka may isa pa. Kahit isa na lang.
May isa, pero hindi para sa akin, sa kaniya.
Para sa kaniya.
Siya na bumaba mula sa isang kotseng magara,
At may malakas na busina.
Ngumiti — ngumiwi na lang ako.
Umarangkada ang dyip, lagpas sa akin,
Habang tinatanaw ko ang layo ng takbo nito —
Paakyat sa inaasam na lupa,
Para sa susi ng bukas, lagpas ngayon at kahapon.
Anong magagawa, bukod sa bumuntong-hininga?
Magsumbong? Eh, paano?
May magagawa ba sila?
May gagawin ba talaga sila?
Hindi tatanggapin ang paghinto sa karera ng laro,
Kahit na mahirap, kahit na malayo.
Kung walang ibang imamaneho,
Walang ibang magagawa kung hindi tumakbo.
Kaya’t nilabas ko ang itim na tsinelas bigay ng aking Ma at Pa.
Sa bawat tapak ay may kapalit na daing ng mga paa.
Hakbang pa-hilaga ang tanging daan, bawal pababa, bawal paatras,
Masasabi bang patas?
Lahat na lang, limitado.
Palagi na lang dapat makipaglaro, dapat maglaro.
Madalas, kalaban pa pati ang mga matagal nang panalo.
Suntok sa buwan ang mangyaring pagbabago.
Magkikita pa rin naman sa finish line,
Na kayang takbuhin ng kotse mo nang sampung minuto,
Pero lumipat ka sa dyip dahil lang gusto mo ng
Kayang humarurot nang pitong minuto.
Habang ako’y kinakabit pabalik ang swelas sa paglalakad nang isang oras.
Sa bawat hakbang ay katumbas ang inda ng katawan,
kirot ng puso, maging ang pagpintig ng isipan.
Lahat ay inaalala, dapat piliting laging kaya,
Pagkat bawat araw ay may laban na walang kasiguraduhan.
Minsan, sukatin niyo ang tsinelas ko,
Pakiramdaman ang bawat buhangin at bubog
Na tumatarak sa aking duguan na paa,
At sabihin mo kung hanggang kailan mo kayang tiisin, kung posible nga ba.
Mas masahol pa ang mga nagmamay-ari na ng de-pidal at oto
Na pinilit pa rin makipag-agawan ng upuan sa dyip,
Kaysa sa itim na usok ng tambutso,
At sukling puro baryang bentsingko.





