Ganito ang pinangarap mong kasal
ang pag-iisang dibdib ng tapyas mong balat
at malamig niyong marmol
ang dalawang tuhod mo ang mag-asawa
ang pari ay semento
si lola ang deboto
ang bangkay ang santo
humayo ka
mula sa pagkakaluhod kasama ni Lola
kunin mo ang bente pesos
sa niluluhuran niyang santo
at sa kanto’y kumaripas ka ng takbo
1
Bumili ka ng bigas
isang supot, siyam na piso
hindi pa sapat ang bente
para sa isang kilo
hindi pa natutupad ng anak
ang lungaw niyang mga pangako
kaya heto’t kakaunting balot:
kalahati para maisaing ngayong gabi
kalahati para maitapon sa sahig
‘pag lumusob ang mga sundalo’t
ikaw ay hinuli
2
Saka ka maghulog ng sampu sa pisonet
sa natitira mo pang mga pera
sapat lang para makapag-scroll
at makabasa ng mga komento
sa internet
taliwas sa sinasabi ni lolang
disiplinado noon, ginintuan, at payapa
payapa, kasi takot ang laman loob ng kalye
disiplinado, dahil nakatutok ang baril sa sentido
ginintuan
ang yaman nila, hindi ang panahon noon
hindi tayo
3
At kapag naubos na ang bente mo’t piso nalang ang natira
dahil ngayong gabi’y pinili mong mabusog sa katotohanan
at kalimutan ang nagsusumamo mong bituka
itabi mo’t iaalay mo pa sa panibagong bangkay
na titira sa masikip niyong eskinita
Silang mga bangkay ng
tinutuligsang mga diyos ng internet
at santo ng katapatan
wagas kung mag-comment
wagas pumuksa ng kasinungalingan
silang kabataang humuhukay
sa alaala ng kahapon
at bumubuhay sa katotohanang
binaon na sa kalingkingang
ilang kamot man ang inabot
hindi na nagawa pang umahon
At ‘pag nakauwi ka’t pasalubong mo lang ay kanin
at tatanungin ka ng lola kung nasaan ang ulam
halikan mo siya sa pisngi’t hagkan
lumuhod ka sa kanyang tabi
sumamba sa peke niyang bayani
magdasal sa huwad niyang diyos-diyosan
at sabihing busog na
ang iyong kalamnan





