Ika-21 ng Setyembre, 1984
Mahal kong anak,
Sa bawat rosas na inialay ko sa Birheng Maria, laging sumasagi sa isipan ang iyong kaligtasan at kinabukasan, Felicia. Ngayong nalugmok sa dilim ang sinag ng kalangitan, mahahawi pa kaya ng dasal ko ang madugong belong bumalot sa ating tahanan?
Simula noong umulan ng mga bala, dala ng nagpapakasantong tuta, ako’y hindi na muling nakatulog nang mapayapa. Hindi na nakahinga sa usok ng mga kandilang sinindi para sa bawat bangkay na kinatay. Dulot ng presidenteng iniluklok hindi para umangkin ng kapangyarihan at kayamanan kundi para mamuno nang may puso para sa mga tao.
Nais ko mang sabihin na huwag kang mag-alala, labis kaming natatakot ng iyong papa. Tila hindi na tumahimik dito sa probinsya sapagkat dinig sa bawat sulok ng purok ang hagulgol ng mga kaluluwang pinatahimik na.
Gabi-gabi, mayroong mga sundalong rumoronda sa kalsada. Iisa lamang ang ibig sabihin ng presensya nila. Mayroong makakadena. Isa na namang katawang hindi na makikita pa.
Makakamit ba ang kaligtasan gamit ang pamalo’t kutsilyong nakatutok sa taumbayan? Matatagpuan ba ang pinangakong kapayapaan sa patay na itinapon sa nilangaw na tambakan?
Iilan lamang ito sa mga katanungang bumagabag sa aking isipan nitong mga nakaraang buwan, lalo na’t nakikita ko kung paano paunti-unting pumapasok ang karahasan sa mga siwang ng ating tahanan.
Kahapon lamang, alas siete ng umaga, habang nakikiramay ang mga tao sa anak ni Mareng Linda, nakasagap ako ng balita tungkol sa rally sa plaza. Sumikip ang dibdib ko nang marinig ang kapalaran ng mga dumalo’t nakibaka sa militar. Kung hindi kinulong, tinortyur. Kung hindi pinagbantaan, ginahasa mula gabi hanggang umaga.
Alas dose ng tanghali, kung kailan kadalasan akong bumibili ng asado sa karinderya sa ating kanto, nagtaka ako kung bakit wala si Mang Berto na may-ari nito. Alas otso ng gabi, humiling ako na walang taglay na katotohanan ang bulung-bulungang nagsasabi na ang kanyang pangalan ay kasama sa daan-daang hindi na matatagpuan.
Sa paggalaw ng kamay ng orasan, patuloy na gagalaw ang makina ng pamahalaan para supilin ang mga mamamayan. Hindi para sa kabutihan.
Pasensya na, anak, dahil hindi pa namin maibibigay ang buhay na nararapat sa iyo. Hindi ko ninais na lumaki ka sa isang mundo kung saan kailangan mong lumuhod, magdusa, at sumamba sa harap ng kanilang trono para lamang matrato bilang isang tao.
Sana kapag nasa edad ka na upang basahin ang liham na ito, nakawala na ang bansa mula sa tanikala ng pamilyang diktadurya at ang kanilang mga kautusang walang awa. Sa kabila ng hirap at takot, umaasa ako na sana ay magwawagi pa rin ang masa upang masilayan ng bansa ang bukang-liwayway na dala ng kalayaang tunay.
Ang laban na ito ay para sa iyo, isang kinabukasan kung saan ligtas at hindi na muling mararanasan na bayan ang dahas sa kanilang mga kamay.
Nagmamahal,
Nanay Leng





