”Sa pamimitak ng buwan,
tinitiklop ang mga bandera
pero lantad sa kilusan
ang rumaragasang ligaya.
Pagod sa katawan at boses, oo, dinadama –
pero nangunguna pa rin
ang pinabago ng tagumpay:
ang minimithing tamis
ng pag-asang binuhay.”
Sumasakit ang aking kanang kamay sa pagsusulat ng isa nanamang panibagong berso – mas masakit pa sa pasa na naipon ng aking katawan. Pula – papunta sa asul – papunta sa ‘di kaaya-ayang dilaw. Mga bugbog at gasgas – sinasabing mga simbolo ng isang tunay na mandirigma. Ito raw ang mga marka ng panibagong pakikibaka.
Oo, may pagmamalaki sa kagustuhang makiisa sa panunumbalik ng kapangyarihan ng masa.
Pero, sa ngayon, nangunguna ang hapding pumapalibot sa balikat, sa kamay, at sa mga mata.
“Sa pamimitak ng buwan,
habang tayo’y umuuwi
lalabas ang mga demonyong
naninilbihan sa hari.
Sa kanilang paningin,
tayo ay mga taksil –
kaya sa sayaw ng mga bituin,
katuwang ang mga bala’t baril
sa himnong hipokritong
‘di raw pasisiil.”
Sumasakit ang aking mga mata sa patuloy na pagdaloy ng mga ulat mula sa aking mga kasama – lumabas na nga ang mga multo, nagsimula ang giyera sa Mendiola. Punong puno ng duguang mga sigaw na sinasabayan pa ng hiyaw ng mga halimaw.
Kahit sa pagpikit, nasa isip ko pa rin ang lalaking nakahandusay, natamaan ng bala sa gitna ng mga mata. Walang takip. Walang bura. Walang bahid ng awa.
Sinasabihan ko ang aking mga bata na magdahan-dahan, mag-ingat-ingat, sa ating pag-uulat – pero hindi ba ito ang katotohanang hindi dapat tinatakpan?
Hindi ba ito, kung itatahak pa namin ang misyon ng liberasyon, ang ating magiging kinabukasan?
“Sa pamimitak ng buwan,
ang mga kasama nating sugatan
ay ating ipagagamot,
babantayan nang maigi.
Hindi makatutulog
sa malamig na gabi
ang hanay nating napupuno
sa poot, pait, dalumhati –
sa pagpapatakas ng mga kasamang
hinahanap ng mga nangangaso,
sa patuloy na panalangin
na kami ay maturing na mga tao.”
Sino na nga ba dapat ang ating mga kahanay? Sapat ba sila, sapat ba ang misyong ito, na buong puso’t buhay aming iaalay? Paano ang pamilya? Paano ang pangarap? Paano ang aming puwesto sa lipunang aming kinabibilangan?
Lahat ng mga tanong at marami pang iba ang pumipigil sa akin sa pagtatapos ng aking munting kanta.
Pangil sa pangil. Kanang kamao sa kaliwa. Ang tunggalian ng mga tao ay labanan ng pribilehiyo at takot. Isang debate sa kung paano pababaliktarin ang tatsulok at kung dapat itong itaboy nang tuluyan. Isang hindi nagtatapos na alitan sa kung sino dapat ang mangunguna – at ano dapat ang ilaan sa tayaan.
Kahit na, kung tutuusin, sa mata ng mga nangangaso, lahat ay pantay sa patayang mapangahas,
sa ngalan ng katahimikang inaasam ng mga nakatataas.
“Sa pamimitak ng buwan,
sa galit na naimbak,
pangako ay ipapako
gamit ang apoy at bakal;
Buong puso tatanggapin
ang bagong tungkuling
magpatuloy, magpalinang,
mangarap at mangarap
patungo sa lipunang
tunay na makatao –
makamit man to sa demokrasya
o sa rebolusyon.”
Minsan – o madalas – naiisip ko na masyado na akong matanda para sa idealismo ng rebolusyon.
Tutal, iyan din ang sinasabi ng mga matatanda na ngayon ay nagiging mga mentor ko papunta sa propesyonalismo. Ayon sa kanila, maraming mga kompromiso ang kailangang gawin para makaangkop sa sistemang nakapako
sa bato at yelo.
Alipin ng sining. Kasapi ng midya. Lingkod ng bayan. Alagad ng masa. Iba’t ibang mga papeles ang pumapalibot sa akin sa punto ng paggunaw ng dating maalab at marikit. Mismong kahulugan ng mga titulo hindi ko na naisasapuso – tutal, nasanay na sa isang sistemang mapangahas; tinuruan pa akong mangarap para sa isang malamig sa bukas, masabi lang na ako ay ligtas, sa wakas.
Pero minsan – o madalas – ay maitatanong nalang sa sarili – kung ako ay umalis, kung tinigilan ko ang pagsunod sa kanilang mga utos na ako ay magpakalulong sa trabaho, mararanasan ko ba ulit ang init na nagpadaloy sa isip, puso’t pluma, noong una akong nagsimula?
“Sa pamimitak ng buwan,
ang mga imahen ay ihahanda.
Gasolina’y ibuhuhos,
apoy palalakasin,
hanggang sa patuloy na sumiklab
para lahat ng hinanakit
ipadadama nang tuluyan
sa kastilyo ng mga haring
nagtutulog-tulugan,
hanggang sa matutunan nilang
matakot
sa init ng sambayanan.”
At pinagpatuloy pa rin ang pagsusulat ng kanta sa gitna ng ‘di kasiguraduhan. At pinagana pa rin ang pluma kahit ito’y sira-sira pa.
Kung sasabihin ang totoo, pagkatapos ng apat na taon, natatakot akong humiwalay sa kinagisnan at kinasanayan. Mas lalo akong natatakot na bumalik ang loob sa dating mga gawi’t paniniwala.
Propesyonalismo’t praktikalismo ang kasalukuyang pumapalibot sa isang makatang dating nangakong bigyang daan ang lahat ng mga mapagpalayang sana. Pluma laban sa itak laban sa kamay at humpas ng mga nakatataas. Ano ang itataya para maabot ang lunas? Ano ang ilalaan para tuluyang makatakas?
Ano ang dapat gagawin para mabigyang kahulugan ang bukas?
Hindi ko pa alam ang sagot – pero siguro, makakapagsimula ako rito.
“Sa pamimitak ng araw,
gising pa ang madla
sumasayaw sa ritmo
ng nakasanayang kantang
binigyang tunay na kahulugan,
ginawang katotohanan
sa bawat galaw, sa bawat indak.
Sapagkat matatapos na
ang pag-aalipusta
ng parasitikong sistemang
hindi nakaugat sa pulso ng kanayunan.
Malayo na at malayo pa
ang ating maaabutan
sa isang malayang lipunan
sa pamimitak ng buwan.”





