Sa paggunita ng ika-53 anibersaryo ng proklamasyon ng Batas Militar, inilalathala ng The Angelite ang ika-anim nitong isyu na pinamagatang “Sa Pamimitak ng Araw,” bilang pag-alala sa isa sa pinakamadilim na kabanata ng kasaysayan ng Pilipinas.
Tampok dito ang mga tula, dibuho, larawan, at lathalain na sumasalamin sa kung paanong ang diktadurya na pinabagsak noong 1986 ay nag-iwan ng mga bakas, mga aninong hanggang ngayo’y bumabalot sa lipunan sa anyo ng katiwalian at karahasan.
Sa panahong laganap ang pagbabaluktot sa katotohanan ng kasaysayan, layunin ng isyung ito na magbigay-liwanag kung bakit mahalagang patuloy na gunitain ang Batas Militar — sapagkat sa bawat pag-alala, muli nating binabawi ang kapangyarihang nararapat sa atin, na kailanma’y hindi kayang agawin ng alinmang diktadurya.
Kasaysayan ang saksi — sa pagtindig ng Pilipino, nagwawakas ang paghahari-harian ng nasa pamahalaan. Minsan mang nilugmok ng dilim ng gabi, sa pamimitak ng araw, matutupok at babagsak ang diktadurya sa kamay ng taumbayan.





