P163.00 para sa American ham, kalahating kilo
P112.00 pasta at spaghetti sauce, sapat lang sa maliit na pamilya
P31.25 giniling, ⅛ kilo, tanging protina na abot-kaya
P41.75 keso, palamuti sa Filipino spaghetti
P50 fruit cocktail at Kremdensada, kaunting tamis sa mapait na Noche Buena
P23.50 pandesal, sampung piraso sa mangkok, pangpunong kakulangan sa hapag
P488.00 na kabuuang gastos, habang lugmok ang bayan sa panggagahasa ng kabalastugan na sinasabing “ito’y sapat na.” Dapat sapat na.
Liwanag ng Noche Buena, kumikislap lamang sa ibabaw.
Hugutin mo man ang buntong-hininga at pagtitiis sa kaunting mayroon,
kahit kulang,
pagtatrabaho nang halos wala,
binibilang ang bawat sentimo para masilayan ang Pasko
na sa amin ay nakabalot sa gutom at pag-aalala.
Isang hiwa ng ham, subo ng spaghetti,
hindi makabubusog sa amin.
Mula sa inyong malalaking lechon,
higit pa sa buwang sweldo namin ni Agapito,
higit pa sa kayang abutin ng karaniwang mamamayang Pilipino.
Sa mata ng nakaupo, barya lamang sa hapag,
habang ang iba’y nagdiriwang, hindi alintana ang kakulangan.
Araw-araw, hapon at gabi,
kumakayod para sa magandang bukas,
tinatarantado kaming mamamayan.
Masayang Noche Buena, gusto?
Paglingkuran ang tao, ayaw?
Samantalang kayo’y nagmamangha
sa kayamanang kinurakot ninyo,
kaya’t ang kapal ninyo para diktahan
na sa maliit na halagang limang libo
ay kaya ng itaguyod ang masayang alaala.
Maawa kayo sa aming mga anak,
na kahit kapos sa pera,
ang hiling lamang ay munting salo-salo
bilang isang pamilya.
Sa ika-24 ng Disyembre,
magsasalo kami sa lamig ng kawalan,
nakalantad sa hapag,
ang katarungang para sa amin.
Lecheng Buena sa iyo.





