Aking isasalaysay ang bawat bahagi ng baril —
isang imbentong bakal na kapag ginamit,
walang sinisimulang wakas,
kundi wakas na agad ang simula.
Uunahin ko ang bala:
kapag ikaw ay tinamaan, tapos ka na.
Ngunit may higit pang mas masakit
kaysa sa mismong tama —
ang sigaw at iyak ng taong
paulit-ulit nang pinupuntirya,
buhay man o alaala.
Hilahin nawa ang gatilyo,
sapagkat para saan pa ang laban na ito?
Halikan nawa ako ng bibig ng baril
upang tuldukan ang pagdurusang
matagal nang nakabaon sa aking dibdib.
Hiling ko’y mapuno ang aking silindro,
hindi dahil sa galit,
kundi dahil sa pagod
na hindi marinig.
Ngunit ang pampitik ay nanginginig —
tila ba binubulungan ako:
ano ang kaibahan ko sa kanila
kung ako man ay kikitil
ng buhay na kasing-bigat ng akin?
Sa bawat piyesa ng baril
ay may sanaysay ng aking danas.
At tulad ng baril na pumapatay ng tao,
may mas tahimik ngunit mas malawak na pagkitil —
ang pagkitil ng balita sa Sudan.
Naghahari ang pananahimik,
ang hindi paggamit ng kapangyarihan
ng katotohanan laban sa kasamaan.
Nababalot ng usok at dilim
ang mga matang dapat nakakakita,
ang mga taingang dapat nakikinig.
Sana kinuha ko na lamang ang baril at pinutukan ang bawat,
sapagkat katumbas na nito
ang pagkitil hindi lamang ng buhay,
kundi ng hininga ng balita.
Isang hiningang karapatan ng mamamayan —
na malaman,
na makaalam,
na hindi bulagin.
At sa bawat bahagi ng aking baril,
saksi ang aking dalawang mata
sa katotohanang dapat malaman ng taumbayan —
ang digmaang aking nasasaksihan
hindi lamang sa Sudan,
kundi sa aking araw-araw na pamumuhay.





