Sabi ni Nanay, isa lang muna.
Para hindi mapigtas.
Para kayanin ng sinulid.
Para buo pa rin ang tahi.
Akala ko dati, gano’n lang kasimple —
na basta isa, kakayanin.
Pero gabi-gabi nakikita ko siya,
nakaupo sa sulok,
may karayom sa isang kamay,
at isang hiblang sinulid
na halos hindi na makita sa nipis.
Dahan-dahan niyang tinatahi ang buhay naming dalawa.
Isang tusok para sa pagkain.
Isang tusok para sa matrikula.
Isang tusok para sa kinabukasang hindi sigurado.
At sa bawat hila parang may kumakalas.
Hindi agad napuputol.
Mas masahol dahil unti-unti.
Habang ang mundo,
tila gunting na walang pahinga,
putol dito, putol doon.
“Isa lang naman,” sabi niya.
Pero bakit parang kahit isang hibla pa lang,
sumisigaw na sa pagod?
Nakikita ko kung paano niya pilitin,
kung paano niya hinahabaan ang sinulid,
kahit alam niyang kapos na.
kung paano niya binubuhol ang dulo
tuwing napipigtas.
Bawat buhol, may katumbas na sakit.
Bawat dugtong, may katumbas na pagod.
At habang dumadami ang buhol,
lalo itong humihina.
Hanggang isang araw, naputol na lang.
Tahimik lang si Nanay.
Pinulot niya ang napigtas na hibla,
sinubukang ipasok ulit sa karayom
pero hindi na kumapit.
At sa gabing iyon,
may mga bagay na hindi na niya naitahi,
ang kalam ng sikmurang kailangang tiisin,
ang bayaring nababaon sa utang,
ang pagod na hindi na niya naitago.
Naisip ko,
kung isa na lang ang tinatahi,
kung “isa lang muna” ang mas madali,
bakit parang hindi pa rin gumagaan?
Bakit kahit isa lang…
Hindi pa rin bumababa ang
bigat na pasan ni Inay?
Mababa pa rin ang sahod,
habang palaki nang palaki ang halaga
ng bawat sinulid at karayom.
Doon ko naintindihan,
hindi pala ako ang mabigat.
Hindi ang “isa” ang sobra.
Kundi ang sistemang patuloy na humihila sa bawat sinulid,
gumugupit, bumubuhol, nagpapahirap.





Leave a Reply