Para sa isang pelikulang nakapangalan sa isang babae, lalo na’t hango sa nobela ni José Rizal, aakalain mong si Sisa ang paksa ng bagong pelikula ni Jun Robles Lana.
Ngunit kung bubusisiin, tila nililihis ni Lana ang atensiyon ng mga manonood mula sa “bida.” Dahil ang Sisa, hindi umiikot sa buhay ng karakter ni Rizal — at maging sa kaniya.
Hango sa resipi ng nauna na niyang Mga Kuwentong Barbero (2013), muling bitbit ni Lana sa Sisa ang hangaring baliin ang patriyarkal na pananaw na pang-lalaki lang ang mga digmaan.
Sa pangunguna ni Hilda Konorel na nagpakitang-gilas na sa mga classics kagaya ng Maynila sa mga Kuko ng Liwanag (1975) at Insiang (1976), inilalahad ng Sisa ang huling taon ng digmaang Pilipino-Amerikano sa lente ng mga babaeng naninirahan sa loob ng mga reconcentrado (concentration camps).
Sa ganitong lagay papasok ang isang babaeng baliw, nakayapak, at tila wala na sa kaniyang bait. Umihi siya sa kaniyang sarili, dinampot ang inihiang buhangin, at buong lakas na ibinato sa Amerikanong sundalo na nagbabantay sa kampo.
Dito siya bininyagan ng mga babae sa kampo bilang “Sisa,” dahil sa isang lipunang puti at itim lang ang paningin sa mga babae, ano pa nga bang ibang paraan upang pangalanan ang isang babaeng hindi mo kilala maliban sa pagtalaga sakaniya bilang isang baliw?
Sa una pa lang, mapapaisip ka na kung ano ang tunay na pagkatao ng “baliw” na babae. Saan siya nanggaling? Ano ang kaniyang motibo? Tunay nga ba siyang baliw? O ito’y isang huwad lang?
Ngunit sa patuloy na pagrolyo ng pelikula, unti-unti nang inaabandona ang mga tanong na ito. Dahil bukod sa maagang pagbubunyag na isang espiya si Sisa, mahusay na ninakaw ng iba pang mga babaeng may iba’t ibang pansariling istorya at digmaan ang daloy ng kuwento.
Sa marahang paglawak ng mga sakop na karakter, lumalabas ang tunay na hangarin ni Lana — instrumento lamang niya si Sisa upang mas mapalalim ang indibidwal na kuwento ng mga karakter at pagbigkisin sila para sa ipinaplanong rebolusyon.
Matalino ang naging pagbaluktot ni Lana sa pagiging baliw ni Sisa dahil sa halip na ituring ito bilang kahinaan, sinamantala niya kung paanong minaliit ng mga Amerikano si Sisa upang makalusot, mag-espiya, at magbuklod siya ng isang komunidad ng mga babae laban sa kanila.
Kaya naman bagama’t may mga pagkukulang, sa dalawang oras na takbo ng Sisa, sinubukan pa rin nitong ipabatid ang nais na mensahe — na ang mga babae, kapag nagsawa na sa pananahimik o nakawala na sa busal nito, hindi na maaarok pa ang galit.
Higit pa sa isa si Sisa
Higit pa sa isang babae ang kinakatawan ng pamagat ng pelikula.
Bagaman ang mga Amerikanong sundalo at mga rebolusyonaryong grupo ang tila nagpapatakbo ng kasaysayan sa gilid ng ating paningin, ang tunay at mas kapansin-pansing tensyon ng pelikula ay makikita sa mga ugnayan at pighati ng mga babae sa loob ng reconcentrado.
Nagawang bigyang simbolo ng pelikula ni Lana ang iba’t ibang mukha ng kababaihang Pilipino na pilit iginagapos ng digmaan at ng dikta ng lipunan.
Habang si Sisa ay nasa kaniyang sariling mundo, ang ibang mga babae ay abala rin sa kani-kanilang pasanin. Naroon si Delia (Eugene Domingo), na walang tigil sa pag-aalala sa kaniyang 13-anyos na anak na si Nena (Angellie Sanoy) na tila’y nagiging malapit na sa mga Amerikano.
Sa kabilang dako naman ay si Ofelia (Tanya Gomez), na hindi na halos makabangon sa kaniyang higaan mula nang mabihag ang kaniyang asawa na dating pinuno ng kanilang baryo.
Magkakaiba man ang problema ng mga kababaihan sa kampo, hindi maiiwasang mapansin ang pagkakaisa nila sa pangungutya sa maagang biyudang si Leonor (Jennica Garcia) dahil sa alegasyong ibinebenta niya ang sarili sa Amerikanong kumander ng kampo.
Ang mga matatalim na tingin, panunuya, at maliliit na pag-aaway-away sa bawat eksena ng pelikula ay tila nagsisilbing libangan nila upang sandaliang makalimot sa nagbabadyang panganib sa kanilang paligid.
Ito ang mga babaeng karakter na isinasabuhay ng pelikula. Ang bawat isa sa kanila ay nagtataglay ng bahagi ng kaluluwa ni Sisa at ng iisang poot na naghahanap ng katarungan sa gitna ng digmaang hindi naman sila ang nagpasimula.
Gayunpaman, sa kabila ng pagtatangkang bigyang-boses ang galit ng kababaihan, hindi maitatanggi ang bakas ng artipisyalidad na bumabalot sa pelikula. Mula sa anachronistic na kasuotan hanggang sa tila banyagang tunog ng paligid, mararamdaman mo na ang Sisa ay nagmula sa isang limitadong imahinasyon na hindi lubos na nasapol ang tunay na kalagayan ng mga Pilipina noong panahong iyon.
Sa halip na palayain ang mga karakter mula sa tanikala ng kasaysayan, tila kinulong sila ni Lana sa mga gasgas na naratibo ng karahasan at pagsasamantala na lalong nagpahina sa kanilang kolektibong lakas.
Hindi pa sapat ang galit ni Sisa
Kung ang galit ng kababaihang Pilipino ang inaasahang maging puso ng pelikulang ito, nakapanlulumong makita na tila naging mitsa lang ito para sa isang hungkag na paghihiganti.
Gayunpaman, bago tayo tuluyang malunod sa pagkadismaya, mahalagang kilalanin ang ambisyon ni Lana na gawing “all-women affair” ang isang historical thriller at muling silipin ang isang madilim na kabanata ng ating kasaysayan sa lente ng mga kababaihan — isang hakbang na naipamalas na niya sa Mga Kwentong Barbero.
Sa gitna ng mga puna sa teknikal na aspeto nito, hindi maipagkakaila ang ningning ng pagganap ni Hilda Koronel. Sa kaniyang pagbabalik, ipinakita niya na ang tunay na husay ay hindi laging nasusukat sa dami ng linya kundi sa lalim ng emosyon ng isang titig o kumpas ng katawan. Kasama na rito ang presensya ni Eugene Domingo na mahusay na naibalanse ang komedya at drama.
Ngunit sa kabila ng mga ito, hindi pa rin sapat ang galit ng Sisa.
Bilang mga manonood, bitbit pa rin natin ang mataas na ekspektasyon kay Lana at sa pelikula.
Bumisita tayo sa mga sinehan sa pag-asang mapapanood natin ang pagpapamalas ng galit ng isang babae — isang bagay na, sa bansang inaasahang mananatili silang konserbatibo, mahinhin, at sunod-sunuran, nagmimistulang sariwa at kasiya-siya sa mata.
Inabangan natin ang Sisa dahil alam nating may mali sa pagtrato sa mga kababaihan at gusto nating maantig sa kung paano sila aalsa laban dito at kung paano nila dudurugin ang mga pamantayang inilatag natin laban sa kanila.
Subalit sa pagdating ng ikatlong yugto ng pelikula, ang pag-asang ito ay gumuho kasabay ng mga artipisyal na ulap at dayuhang tunog na bumabalot sa pelikula dahil hindi nito lubusang naunawaan ang lawak ng emosyong nais nitong gawing sentro.
Tila nakaligtaan ng Sisa na ang galit ng kababaihan ay hindi lamang basta nakikita sa simpleng pagputok ng kanilang damdamin, hindi sa pagsigaw, hindi sa paghihiganti, hindi sa inilalabas nilang dahas matapos silang masaktan.
Maaari itong manggaling sa mahabang panahon ng pananahimik, sa paulit-ulit na pagtitiis, at sa pagkakait ng kanilang mga boses.
Kaya nakakapanghinayang na, naroon man nga ang poot na matagal na nilang kinimkim, ngunit hindi ito nailabas nang may sapat na lalim. Naroon ang galit, ngunit kulang ang pag-unawa sa kung bakit ito nabuo, kanino ito dapat ituon, at ano nga ba ang saysay ng pagputok nito.
Isa pa sa pinakamalaking pagkukulang ng pelikula ay ang muling paggamit sa kolonyal na naratibong nagpinta sa mga Pilipino bilang mga “bandidong” walang saysay ang karahasan. Sa isang masakit na plot twist, ginamit ni Lana ang pinaka-gasgas na narrative shortcut sa kasaysayan ng sining: ang panggagahasa.
Hindi lamang insulto sa Katipunan na mismong ang rebolusyonaryong si Santiago pala ang nanggahasa kay Leonor, ito rin ay isang pag-amin na walang sapat na lakas ang pelikula na humakbang palayo sa mapanirang imahe ng mga Pilipino.
Anuman ang pagsisikap nito na baliin ang mga karaniwang pananaw, mapagtatantong limitado pa rin ang imahinasyon nito, sapagkat hindi nito nakayang isipin na ang babae ay higit pa sa pagiging isang biktima.
Kataka-takang ganito ang ikinahantong ng kuwento — malayo sa naging pagtatapos ni Lana sa Kwentong Barbero kung saan maayos naman niyang naipamalas ang galit ng mga kababaihan nang hindi dumedepende sa kung ano mang sikot.
Oo, masasabi nating makabago ang pagnanais ni Lana na mailahad na may mga lamat din ang isang rebolusyon — bagay na hindi niya ipinakita sa Kwentong Barbero — ngunit masiyadong sensitibo ang paksa at inililihis nito ang kilusan mula sa dapat na sentral na motibo ng mga kababaihan.
Sa puntong ito, ang galit ng Sisa ay nagmistulang mapanira na lamang, lalo na’t ang biktima ng panggagahasang ito ay siya rin palang papatayin ni Sisa — isang kapwa babaeng rebolusyonaryo.
Natapos ang pelikulang tila inabandona ang galit na inipon nito umpisa palang. Ito na rin marahil ang dahilan kung bakit wala nang payoff ang paghihiganti ni Sisa sa huli — dahil kalat na ang galit ng mga manonood at hindi na ito tungkol sa mga Amerikano lamang.
Galit na rin ang mga manonood kay Santiago, sa mga katipunerong sumuko, sa hindi pagkamit ni Leonor ng katarungang nararapat para sa kaniya.
At galit na rin sila dahil may kaya pa sanang ibuga ang pelikula, ngunit natapos na ito.
Hindi lang tungkol sa nakaraan ang Sisa
“I wanted to flip the story,” ika ni Lana sa isang talkback session sa screening ng Sisa sa Marquee Mall Cinema sa Pampanga.
Ayon sa kanya, nais niyang ibahin ang kuwento ng mga babaeng nakakulong lamang daw sa kani-kanilang mga kusina, abala sa pagluluto at walang kalaban-laban tuwing may digmaan. Ginamit niya ang stereotype na ito at itinuring na armas ng mga kababaihan.
“Kasi sinabi sa kanila na ‘Hanggang kusina lang kayo,’ pero si Sisa, sinabi [niyang], ‘Oh hanggang kusina lang kami, pero itong kusina, ito ang gagawin kong battlefield. Dito ko kayo papatayin,’” dagdag ni Lana.
Sa kabila ng mga kritisismo, makikitang ang Sisa, kabilang na ang Mga Kwentong Barbero, ay nananatiling makabuluhan sa patuloy nilang paghamon sa mga sistemang mapaniil sa mga kababaihan sa kasalukuyan.
Isang daan makalipas ang mga tagpo sa pelikula, nakalulungkot lang na anuman ang subok nilang kumawala sa sistema, tila wala pa ring kahit anong pagbabago.
“Kasi pag binalikan mo [‘yung Mga Kwentong Barbero], and that this was 2013, yung problema ng mga babae nung 70s, problema pa rin hanggang ngayon, actually,” pag-alingawngaw ni Lana.
Nananatiling saksi ang mga kuwento niya sa mga pangmamaliit, pang-aapi, at pang-aabuso na patuloy na dinaranas noon hanggang ngayon, lalo na sa mga anyo nina Rodrigo Duterte, Bong Suntay, Alvin Aragon, Joseph Estrada, at iba pang di-mabilang na mga lalaking patuloy ang pangbabastos sa mga babae.
Ngunit gaano man kababa ang tingin sa kababaihan, patunay si Sisa — ni Lana at ni Rizal — na ang kabaliwan ay hindi isang masamang bagay. Isa itong armas laban sa diskriminasyon.
Sa mundo nga namang kinabibilangan ng mga babaeng patuloy na ninanakawan ng dignidad at pagkatao, sino bang hindi mawawalan ng kapit sa sarili at mababaliw?
Inaanyayahan tayo na mamulat sa katotohanan, kumawala sa mga gapos, umalsa sa pananakop ninuman, patuloy na magalit, at huwag maliitin ang galit na iyon.
Sabi nga ng pelikula sa trailer nito, “Hindi nila alam ang kayang gawin ng isang babae.” Lalo na kung mulat na siya sa pang-aapi. Lalo na kung kaya na niyang tumayo at lumaban.
At mas lalo na kung galit na siya sa puntong hindi na siya bastang babae lang.





