Noong Mayo 14, naglabas ng unity statement ang lipon ng mga mag-aaral, lider-estudyante, at mamamahayag ng Holy Angel University (HAU) bilang pagtawag sa agarang pag-aresto kay Senator Ronald “Bato” dela Rosa at paglilitis kay Vice President Sara Duterte.
Sa lawak ng naabot nito, hindi lamang suporta ang nakuha ng pahayag. Ibinunyag din nito ang nakababahalang lalim ng pagkakawatak-watak ng mga Pilipino — hinubog at pinalala ng sistemang sadyang pinalabong upang magsilbi sa pulitika.
Kasama sa mga lumagda sa pahayag ay ang 18 kinatawan ng HAU – University Student Government kabilang ang mga political parties, siyam na publikasyon ng HAU Press Club, at 28 learner groups mula sa iba’t ibang departamento — 55 organisasyong nagkaisa para sa iisang sigaw: ang panagutin ang mga naghahariharian.
“Tigilan ang pagharang sa hustisya at pananagutan! Tigilan ang pampulitikang teatro at mga kudeta na naglalayong ilihis ang usapin at takasan ang pananagutan ng mga nasa kapangyarihan!” saad ng dokumento.
Bilang nagkakaisang boses mula sa isa sa pinakamalaking unibersidad ng Central Luzon, natural lamang na umani ito ng atensyon. Sa kasalukuyan, nagtamo na ito ng halos 4,600 reactions sa Facebook, isa sa pinakamataas na engagement na nakuha ng HAU – University Student Council (HAU-USC) kung ikukumpara sa nagdaang taon.
Ngunit kung gaano karami ang natamo nitong heart reactions, ganoon din ang baha ng mga komentong iisa lamang ang hinaing: selektibo raw ang galit ng mga Angelites.
“Huwag lang yung grupo ni d3 ang inyong ipananawagan, parang me kasama kayong mga aktibista na nagpapangap na sila raw ay para sa bayan. Dapat patas ang ginagawa nyo,” saad ng isang komento.
“Pinaka main issue dyan yung mga kurakot na mga pulitiko, bakit nung issue ng flood control nagbigay ba ng statements Holy Angel wala Diba, selective lang kasi sila,” dagdag ng isa.
Hindi rin nakaligtas sa redtagging ang mga mag-aaral, kasabay ng mga konklusyong binayaran o kasama sa mga napadalhan ng “maleta” ang institusyon.
“Haha ano tuturuan ba mamundok mga kabataan at humawak ng baril?”
“marami sa kanila mga kumunista..yon,yon. yon ang gusto nila na maging kumunista ang pinas..kaya nga yong ibang kabataan ay salut ng bayan.”
“magkano byad syo?”
“Wala nag ingay sa Inyo na kita niio Naman maleta maleta…but we’ll how can u make sounds kung natabunan kayo ng maleta.”
Sa iisang post, tumambad ang bulok na mukha ng kasalukuyang lipunan.
Maling sabihing selektibo ang kinagagalitan ng mga Angelites kung dati pa ‘man ay nangunguna na ang sangkaestudyantehan sa pagkokondema ng korapsyon, kabilang na ang anomalya sa flood control projects.
Kasamang nagmartsa sa kalsada ang mga Angelites nang kasagsagan ng mga rally na nagdedemanda ng pananagutan sa mga korap, na siya namang binantayan ng mga publikasyon sa HAU. Matatandaang naglabas din ng solidarity statement patungkol dito ang siyam na college student councils sa pamumuno ng HAU-USC noong Setyembre 18, 2025.
Nakaukit sa kasaysayan ng mga Angelites ang pagtindig, mula sa paglaban sa dilim ng Martial Law sa Pilipinas hanggang sa mga yugto ng paniningil na nauna at sumunod dito. Kaya hungkag ang pagbansag na “selective” sa sangkaestudyantehan kung noon pa man, nasa unahan na ito sa paghabol sa katiwalian — maging sinuman ang nasa likod nito.
Sapagkat ito ang tungkulin ng tunay na paglilingkod-bayan: ang kondenahin ang tiwali, anumang apelyido ang dala, anumang kulay ang iwagayway. Ang pananahimik sa harap ng kabulukan ay pakikipagsabwatan; ang paniningil dito ay tahasang pagpanig sa sambayanang Pilipinong matagal nang ninanakawan ng dangal at kinabukasan.
At sa mas malawak na perspektibo, ang mga diyalogo katulad ng mga komento sa pahayag ay nagsisilbing sustansya ng sistemang mapaniil; isang propagandang naglalayong pag-away-awayin ang mga nasa ibaba habang tahimik na nakikinabang ang mga nasa itaas, at tinuturuang ibunton ng api ang kanyang galit hindi sa mapang-api, kundi sa kapwa niya biktima.
Sa ilalim ng political fanaticism, nawawalan ng kakayahan ang mga botante na maging kritikal sa kanilang sinusuportahan dahil sa “strong emotions and unwavering convictions,” ayon sa depinisyon ni Barbu noong 2021.
Pinalalim pa ni Reynaldo Lugtu Jr. ang diskusyon sa panatisismo sa kaniyang artikulong pinamagatang “Untangling the grip of fanaticism,” kung saan sinaad niyang nagiging bahagi na ng identidad ng mga botante ang kanilang mga sinusuportahan, kung kaya naman kapamilya o “royalty” nila ito kung ituring.
Ito ay makikita sa bulag na pangpoprotekta sa mga tiwaling gaya ng mga Marcos at Duterte, kung saan ang kasalanan ng isa ay isinusumbat sa kabila, hindi upang panagutin ang magkabilang panig, kundi upang pagtakpan ang sariling kampo.
Sa ganitong bulag-bulagang katapatan, ang hustisya ay nagiging kasangkapan lamang ng pagpapanatili sa kapangyarihan, hindi paninindigan para sa bayan.
Ang kinabukasan ng Pilipinas ay hindi lamang nakasabit sa paparating na 2028 national elections. Ito ay nakasalalay sa nangyayari sa kasalukuyan. Bukod sa paglilitis kay Duterte, pag-aresto kay dela Rosa, at pagpapanagot kay Marcos, mahalaga rin ang pagsisimula sa sarili — sa pag-usisa kung ang iyong pinaglalaban ay para pa rin sa bayan, o para na lamang sa isang naghaharing-uri.
Dito masasagot ang tanong: Ang mga estudyante ba ang may selektibong galit, o ikaw na ang may makitid na pananaw?
Unti-unti nang nagigising ang bayan, at madalas, nagsisimula ang magmulat na ito sa mga mag-aaral na hindi natitinag sa paglalantad at pagtutol sa katiwalian. Nawa’y hindi mamatay ang apoy ng kanilang galit — ngunit higit sa lahat, nawa’y matutuhan nila itong gawing liwanag, hindi panunog.
Sapagkat hindi napapawi ang pagkalito sa panibagong poot, kundi sa matiyagang pagpapaliwanag at tapat na pakikipagdiyalogo sa mga patuloy pang naliligaw ng propaganda.
Kailangang kausapin, hindi itulak palayo. Kailangang mulatin, hindi durugin. Sapagkat ang pagbabagong hinahangad ay hindi maipapataw ng iilang mulat, kundi maisasakatuparan lamang ng bayang sama-samang nagising at nagkaisa.
Sa huli, ang tanging makapagpapatalsik sa bulok na sistemang ito ay ang sambayanang kolektibong tatangging magpalinlang pa lalo.
Denice is the Associate Editor – Internal of The Angelite for the Publication Year 2025-2026, and writes opinions under the column “Only Den”
The views and opinion of the editor does not necessarily reflect those of the publication.





