Red carpet para sa imperyalistang pangulo, posas at batuta sa mga mamamayang naninindigan sa lansangan — ito ang lantad na larawan ng pagtataksil ng rehimeng Marcos Jr. sa sambayanang Pilipino.
Sa nakatakdang pagdating ni Pangulong Donald Trump para sa ika-49 na pagpupulong ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), mas nagiging tambad ang pagkakanulo ng administrasyong Marcos sa sarili nitong bayan.
Habang ang Malacañang ay nagbubuhos ng bilyun-bilyong pondo at nagpapakilos ng libo-libong pulis at sundalo upang tiyakin ang karangyaan at kaligtasan ng dayuhan, ang mga Pilipinong nananawagan lamang ng nakabubuhay na sahod, tunay na reporma sa lupa, at kasarinlan ay sinasalubong ng mga barikada, sarbeylans, at marahas na dispersal.
Sa halip na gamitin ang kapangyarihan ng estado upang pangalagaan ang mga pambansang soberanya at karapatan ng mga mamamayan, ginagawa itong instrumento upang tiyakin ang kaginhawahan ng mga dayuhan at patahimikin ang mga tumututol sa kanilang mga adyenda.
Mismong ngayong ika-15 ng Nobyembre, muling nasaksihan ang ganitong panunupil. Ikinasa ng iba’t ibang progresibong grupo ang malawakang kilos-protesta upang tutulan ang pagdating ni Trump sa bansa at ang delubyong dala nito sa bansa, gaya ng Pax Silica.
Ngunit gaya ng paulit-ulit na paninikil na ipinamalas ng rehimeng Duterte at Marcos, muling bumaha ang mga ulat ng pag-aresto at panghaharang ng kapulisan sa mga rallyista at mamamahayag na namayani sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa Sucat, Muntinlupa, mahigit 300 delegado ng Lakbayan ng Timog Katagalugan ang hinarang ng mga pulis at hindi pinayagang makalabas mula sa kanilang tinutuluyan. Kabilang sa mga inaresto ang mga estudyanteng mamamahayag mula sa UPLB Perspective, UPLB The Staple, UP Philippine Collegian, at CCC The Sentinel, ayon sa National Union of Journalists of the Philippines (NUJP).
Sa Liwasang Bonifacio naman, siyam na paralegal ang inaresto sa gitna ng kilos-protesta. Sa mga bidyong nakalap mula sa insidente, makikita ang mga tauhan ng militar na naninipa at nambubugbog sa mga inarestong delegado.
Pati sa Gitnang Luzon, sinalubong ng panghaharang at pagsubaybay ng kapulisan ang mga delegadong nagsasagawa ng mapayapang pagkilos. Matapos ang protesta sa Bayanihan Terminal sa Angeles City, binuntutan ang delegasyon ng Sakbayan na nakatakda sanang maglakbay patungong Bulacan bago tumuloy sa kampuhan ng mga magsasaka at katutubong Ayta ng Gitnang Luzon sa UP Diliman.
Ipinapakita ng kabalintunaang ito na ang makinarya ng gobyerno ay hindi umaandar bilang malayang tagapagtanggol ng bansa, kundi bilang tagapagtaguyod ng dayuhang interes, gaya ng geopolitikal na dominansya at monopolyong kapitalismo ng Estados Unidos.
Hindi lamang sa pagsupil sa mga kilos-protesta lantad ang pagpapasailalim ng administrasyon, dahil maging sa mga patakarang panseguridad ng bansa ay titinatali sa interes-militar ng US.
Sa ilalim ng administrasyong Marcos, pinalobo mula lima patungong siyam ang mga base militar ng US sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), bukod pa sa mga sikretong imbakan ng mga kagamitang pandigma.
Ginagamit ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa sunod-sunod na ehersisyong pandigma sa ngalan ng “archipelagic defense” upang ikomoplahe ang pagpapakat ng mga sandata at tropang Amerikano — ginagawang higanteng kuta-militar ang ating bansa upang palibutan ang China.
Kasabay ng militarisasyong ito, ang 1,620-ektaryang lupain ng mga magsasaka at katutubong Ayta sa Central Luzon ay nakatakdang kamkamin para sa Pax Silica, isang dayuhang supply-chain at estratehikong pasilidad na naglalayong hinaan ang kontrol ng Tsina sa produksyon ng mga kagamitan sa teknolohiya.
Ngunit hindi basta bakanteng lupain ang mga ektaryang nakalaan para sa proyekto. Ito ay mga sakahan, tahanan, at bahagi ng lupang ninuno na pinagkukunan ng kabuhayan at pagkakakilanlan ng mga komunidad — hindi kagamitan upang panatilihin ang pahinang kapangyarihan ng US sa pandaigdigang merkado at pulitika.
Sa halip na kilalanin ang kanilang karapatang magpasya sa kinabukasan ng sariling lupain, nanganganib silang maisantabi sa ngalan ng isang proyektong nakatali sa pangangailangan ng dayuhang kapital.
Sa lohika ng administrasyong ito, ang lupang ninuno ay puhunan — hindi tahanan o kabuhayan. Hindi karapat-dapat dapat ipagtanggol ang magsasakang pinalalayas sa kanyang sakahan. Siya ay sagabal sa progreso. Hindi rin boses ng demokrasya ang kabataang estudyanteng nagtataas ng kamao sa kalsada. Siya ay banta sa kaayusan.
Kaya’t kahit igiit ng Malacañang na magdadala ng trabaho, pamumuhunan, modernisasyon, at seguridad ang mga proyektong ito, hindi maipagkakaila na walang karangalan, kaunlaran, at kasarinlan sa pagdepende sa kapangyarihan ng dayuhan.
Hangga’t nakatali ang ating ekonomiya at depensa sa estratehikong adyenda ng US, mananatiling pasan ng sambayanan ang kahirapan sa loob ng bansa at ang panganib na makaladkad sa mga digmaang hindi naman nila pinili.
Walang saysay ang pulang karpet kung tinatapak-tapakan naman ang sariling mga mamamayan. Walang dangal ang watawat kung ang lupang sinasaklaw nito ay ipinagkakanulo. At walang soberanya sa isang administrasyong nakaluhod sa dayuhan.
Hindi kailanman makakamit ang tunay na kalayaan sa pamamagitan ng mga diplomatikong pangako o sa ilalim ng payong militar ng dayuhang kapangyarihan. Ito ay pinaglalaban at ipinagtatagumpay sa lansangan, sa kabukiran, at sa mga komunidad.
Mula sa mga magsasaka at katutubong Ayta sa Gitnang Luzon hanggang sa mga manggagawa, maralita, at kabataang nasa lansangan, kailangang patatagin ang malawak na pagkakaisa laban sa panghihimasok ng imperyalismong US at pagtataksil ng lokal na naghaharing uri.
Hindi sapat na kondenahin ang mga dayuhang naglalayong kontrolin ang ating yaman kung patuloy namang pinahihintulutan ng sariling pamahalaan ang kanilang panghihimasok. Dapat panagutin ang administrasyong Marcos sa mga patakarang nagsasakripisyo sa pambansang soberanya at kapakanan ng sambayanan.
Hindi pag-aari ni Marcos ang Pilipinas upang ipagpalit sa interes ng US. Dahil kapag ang buhay, lupa, at dangal ng mga Pilipino ay ipinagpapalit sa kapakanan ng iba, hindi lamang kasarinlan ang nawawala — kundi ang mismong kaluluwa ng bansa.





Leave a Reply