Patawarin mo ako, sinta – sapagkat ako ay lilisan muna.
Patawad, mahal. Kailangan ko munang umalis – mahigpit ang kamay ng mga taong gumigipit at nagsisipatigil sa ating pagsayaw sa gitna ng daan, sa ilalim ng araw.
Kagustuhan ni Itay na kami ay mamahanan sa bandang katimugan, malayo sa sambayanan na aking kinagisnan – kung saan aking natutunan ang pagmamahalan sa ngalan ng Kalayaan.
Tila napapalibutan ang kaniyang isipan ng kamuhiang nagmumula sa takot sa mismong konsepto ng pagbabago – Kung kaya’t ako’y pinapalayo sa pangakong ating tinatamo.
Patawad, irog. Kailangan ko munang magtago – nangingilabot ako sa mga pumapalibot. Bihasa na sa pagmamarahas ang may mga nakahandang mga armas, hinihintay ang tamang oras na ako’y dumulas, upang ako ay bihagin, bulagin at ipitin pa ang tinig at pag-ibig sa tinubuang lupa at sa huning kay ganda – ang iyong sining na nagpagising sa diwang kay tagal nang umiidlip pa, ang diwang kay sagasang ipaglalaban ka pa sana ngunit-
Lahat sila ay nakatingin! Sa akin, at sa iyo – masasabi ang turing satin ay mga panibagong Bonifacio.
Ngunit hindi ba pilit nang binubura ang kaniyang pagdagos ng dugo dahil sa takot sa sakrispisyong pula? Kung sa ganiyang kulay pa lamang ay may pag-aalinlangan, paano pa kaya ang iba nating mga bandera lalo na’t nandiyan si Aguinaldo, nakaabang, nagbabanta. Ang dating mapanghimagsik ngayon ay tumutuligsa sa mga taong katulad nating ibang bandila ang dala – at sa ngalan ng Kalayaan, buhay pa ba ang maitataya?
Sa mapandayang laro, baril na ang nakatutok
sa buhay, sa pamilya, sa piyesang ating ibinuo.
At mawawala ang lahat sa tuluyang pagkabigo,
kaya ibuwelta ang musika – dapa, luhod, takbo.
Ngunit.
Paalam, liyag. Kailangan muna nating maglayag – magkaiba man ngayon ang ating ginagalugad. Ang bawat paanan ay magdadala pa rin papunta sa mga pinanggalingan natin.
Masidhi ang takot na nagtagumpay muli – ang siyang naging sagot sa pagbibitaw ng kamao;
Ngunit buo pa ang piyesang ating unang ikinatha sapagkat naipako na sa bato ang itinatamong pangakong bumunsong ng makamasang pagbabago.
At bakit pa natin to ginagawa pa sa gitna ng hidwaang nagnanais na tayo’y magpakadiretso sa pagpapayuko at matutong matakot sa mga nagpapaka-Diyos?
Hindi ba ito dahil sa ating sariling mga hangad – na ang mga batang susunod sa atin ay matutuhang umindak sa sinag ng pamimitak nang walang bahid ng hiya o pangamba?
Nakaririndi man kung sabihing “ang mahalin ka ay pakikibaka”, ngunit hindi maitatanggi na sa pagkilala ng isa’t isa tuluyang natauhan ang silakbo at simbuyo ng pag-asang makakamtan ang ngalan ng Kalayaang kay tagal nang inaasam!
Kung kaya’t hahawakin ang itak kahit ito’y pansamantalang itatago – maghahanda na sa digmaan kahit ang puso ay durog , sapagkat ang tunay na pagsinta ay makapagpapabago – ang mga taong tulad natin ang mga bagong rebolusyonaryo.
Sa ngalan ng dangal, karangalan, at tunay na Kalayaan,
para sa kapakanan ng mga sumisigaw sa daan,
dating isinisinta, nawa’y manatili kang kasama
sa pagpapatuloy ng kantang mapagpalaya, sana.





