Nakahanda na ang lahat noong araw na dapat sana’y matanggap ako. Nakasulat na ang pangalan. Kumpleto ang mga detalye. Hinihintay na lamang ang kamay na hahawak sa akin.
Sumapit ang graduation.
“Hilao, Liliosa Rapi. Communication Arts. Cum laude,” wika ng punong-abala.
Walang umakyat sa entablado.
Kalaunan ko na lamang nalaman na ang pangalang nakasulat sa akin ay siyang Associate Editor pala ng Ang Hasik, ang publikasyong pangmag-aaral ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila.
Dalawang linggo bago sana ako dumapo sa kaniyang mga palad, siya ay dinakip. Sa pagputok ng Martial Law sa panahon ni Marcos Sr., agaw-pansin ang suot niyang itim na damit.
Sapat nang dahilan siguro iyon upang hindi na siya makabalik.
Kaya nang matapos ang seremonya, ako ang naiwan.
Hindi ko alam kung saan ako dapat mapunta. Sa isang kabinet? Sa isang kahon? Sa isang opisina? Ang alam ko lang, hindi ako umabot sa kamay na para sana sa akin.
Sa paglipas ng panahon, marami akong nakitang iba ko pang kapwa diploma.
Masaya silang lahat kapag bagong labas sa envelope. Kumikintab ang mga mata ng mga nagmamay-ari sa kanila tuwing nasisilayan sila. May nanginginig pa ang kamay. Mayroon namang ipinapa-frame, at tiyak na kukuhanan muna ng litrato bago itago.
Nakakatawa rin palang panoorin ang mga tao kapag may hawak na diploma. Para bang biglang nagiging mas mahalaga ang isang piraso ng papel dahil may pangalan nila rito.
Nasanay na ako.
Hanggang sa may dumating na ibang uri ng diploma.
Masangsang ang amoy ng papel nito — halatang hindi galing sa dugo at pawis ng apat na taon na pagtitiis sa kolehiyo. Hindi galing sa gabi-gabing puyat mula sa thesis at alaala ng paghihirap ang ink.
Masangsang ito sa paraang iba man ang nakalagay sa papel — Doctor of Laws, Honoris Causa — pero naaamoy mo pa rin ang baho.
Noong una, wala naman akong pakialam. Hindi ko trabaho ang manghusga ng mga papel. Pareho lamang kaming may pangalan, pirma, at tatak.
Pero nang makita ko kung kaninong apelyido ang ilalagay, napatingin ako. Hindi ko maiwasang maalala ang pangalang nakalagay sa akin.
Magkaibang tao. Magkaibang panahon. Magkaibang dahilan kung bakit may diploma.
Pero may isang bagay na hindi nagbago — ang pamantasang nakasulat sa ibabaw ng parehong papel.
Posible pala na magkatabi sa kasaysayan ang isang estudyanteng lumaban, pinatay, at pinahirapan, at ang anak ng diktador na dumating makalipas ang ilang dekada upang tumanggap ng pinakamataas na parangal sa parehong pamantasan?
Ngunit nakalimutan yata nilang hindi papel ang binabasa ng mga tao kapag tinitingnan nila ang isang pangalan.
Kasama roon ang lahat ng bagay na nangyari bago ito naisulat.
Kagaya ng mga bayani, dapat nga namang inaalala ang lahat. May mga seremonyang inilaan dapat para sa kanila. Mga pangalan, parangal, at larawan nila’y dapat nakaukit sa pader.
Pero huwad na ang alaala kung ang parehong institusyong nag-ingat sa pangalan ng isang pinatay na bayaning estudyante ay siya ring magsasabit ng medalya at diploma sa anak ng lalaking kumitil sa kaniyang buhay.
Marami man ang pangalang dumaan, mailathala man ang libo-libo pang ibang diploma sa susunod na mga taon, mananatiling nakaukit sa’kin ang pangalan niya, ipagkait man ng panahon na maramdaman niya ako.
Kumunat man ang papel ko at sumama man sa hangin ang tintang nakaukit sa bawat letrang bumubuo, mananatiling buhay ang pangalan niya — at kasabay nito, ang alaala na minsang may bayaning lumaban sa diktador gamit ang pluma.




