Nakasanayang nagsimula noong ako’y bata pa,
Biyaya’t pag-asa ng bagong taon sa aki’y nakaukit na.
Hindi maikubli ang saya,
Sapagkat pati ang mga mata ay nagagalak sa
Bawat handog na regalong nakahain sa mesa.
Hindi nababahala kahit ako ay musmos pa.
Hiling dito, dasal doon, hanggang ang aking gusto ay makamit ko na.
Wala naman akong ibang ninanais pa.
Masama bang humiling na matamasa ang dapat na sa akin?
Tunay ngang may kalayaang makakamit mula sa aking dalangin.
Ngunit sa paglaki,
Hindi maiiwasang ang hiling ay nananatiling daing.
Kalayaan sa pagpili ay itinakwil,
Nakagapos sa tanikalang hindi maikubli.
Kanya raw ang akin?
Tila ang aking karapatan ay kanyang lalapastangin.
Hindi lamang kasi ‘yon basta handog,
Yaman iyon ng Maykapal,
At handa akong ipaglaban kung ano ang dapat na sa akin.
Naguguluhan—
Iba na yata ang nakikinabang?
Gumagamit pa ng dahas ang silang walang karapatan.
Ilang buhay rin ang nalagas,
Hinay-hinay lamang,
Kaluluwa niyo bang nasa taas ay naaapakan?
Nagawa pang baguhin ang nakaukit sa mapa ng kasaysayan,
Nagbibigay lason sa aking kababayan.
Kagustuhan nilang sila ay magbahay-bahayan.
Nababahala—
Mula sa kasiyahang sumalubong,
Lungkot ng bagong taon sa aking dibdib ay bumubugtong.
Hindi pa pala ako malaya—
Inaasam at pinaglalaruan bilang kanilang biyaya.
Tila nagagalak pa ang langit?
Ang aking dalangin ay kanilang hinahangad na kunin.
Baka sa panibagong taon,
Ako na pala ang kanilang hiling.
Katulad ng nagaganap sa kanluran,
Kanila itong pinaghaharian.
Kung saan sumisikat ang pag-asa sa silangan,
Ganoon naman ang karahasan sa kanluran.
Kailan ko matatamasa ang tunay na kalayaan?
Kung ang nakatataas ay natutuwa na ako’y pagharian at paglaruan?





