Salamat sa pagdalo sa huling araw ng
libing. Nabasa ba kayo?
- Sa elehiyang ito,
inaaalay ko
ang katawan ng kapatid kong nalunod sa baha. - Ang tita kong
hindi nalunod sa tubig,
kundi sa sakit na iniwan nito. - Ang batang
nilagnat nang nilagnat
hanggang ang dengue
ang naging huling bisita sa kanyang silid. - Ang manggagawang
pumasok pa rin sa trabaho
sa kabila ng hanggang baywang na tubig,
hanggang leptospirosis at kawalan ng akses sa kagamutan ang tuluyang kumitil sa kanya. - Ang kapitbahay kong
tinabunan ng lupa
habang hinahanap ang bahay
na dati niyang inuuwian. - Ang magsasakang
namatay sa gutom
nang tangayin ng baha
ang kanyang ani. - At ang aso kong…
hindi na nakauwi.
Narito silang lahat.
Wala sa lupa,
wala na sa ibabaw ng tubig,
nasa langit na.
Sa sandaling ito, kandila na lang
ang masisindihan ko’t sumalangit na
rin ang lahat ng bulaklak
kasabay ng buhay rito.
Isang kandila para sa mga nabanggit ko.
Isa para sa mga hindi ko na kayang pangalanan.
Na habang nauupos ang kandila,
bumabalik sa aking gunita
ang mga mukha
at ang mga pangyayaring
humantong sa gabing ito.
Sa maliit na apoy,
nakikita ko ang ugat
ng aming pagluluksa.
Ang suspek sa lahat ng ito:
ang mga pagmumukha ninyo, mga minamahal kong imbitado —
na ngayon lamang dumalo kung kailan patapos na ang lamay.
Mga nakapolo.
Mga nakabarong.
Mga nakasuot ng Balmain at Prada.
Mga may dalang pakikiramay
na ibabandera lamang sa kamera.
Mabuti at dumating pa kayo.
Hindi na ninyo kailangang magtanong pa
kung ano ang nangyari.
Dahil sa kaloob-looban ninyo’y,
alam ninyo na.
Kaya pagmasdan ninyo na lamang ang bunga ng mga bagay na pinili ninyong unahin.
Oo, hindi ninyo mapipigilan ang ulan.
Ngunit may mga bagay
na maaari sanang ginawa
bago pa tumaas ang tubig — bago pa naging huli ang lahat.
Salamat sa pakikiramay ninyo.
Pero sana, huwag ko nang marinig pa
ang mga pangako at linyahang,
“Okay lang ’yan. Tapos na ang baha.
Wala ka nang magagawa.”
Sapagkat hindi ito natatapos
kapag wala nang tubig sa kalsada.
Inililbing ko, dito sa basang lupa, hindi lamang ang mga katawan,
Kung hindi pati ang mga pangarap na hindi natuloy at mga kinabukasang hindi na dumating.
Kaya bago ninyo kami sabihan
na bumangon sa sarili naming mga paa,
tingnan ninyo ang mga labi
ng mga hindi na kailanman makababangon pa.
At kung mayroon mang
dapat pang mamatay ngayong gabi,
hindi na sana kami — mga mamamayang Pilipino.
Kundi ang kapabayaan ninyo.




