Bata, bata…paano ka lilikha?
Gamit ba ang putol-putol na krayolang kay tagal nang nangungupas?
O mga lumang plumang sira, isama na ang tuyong tinta?
Papaano kaya pag ang kuwadro’y gumigiba na rin,
at mga pintura’y nawawalan ng kulay at hangarin?
Tutal, kaya bang ipagaspas ang harayang mapagpalaya,
kung ang kakayahan ng bawat bata ay pilit nang pinapakadena?
Bata, bata…paano ka lilikha?
Ang mga yumaong tulad mo ay nabiktima ng renda.
Oo, sila’y mabagsik at mabangis sa pagpapalarawan
ng ating hinanagpis,
ngunit mahigpit ang bigti ng kapangyarihang
nagnanais
ng kanilang kapayapaan sa porma ng katahimikang
dala ng pananakot, panunupil, pagkukunwari.
Sa malakihang puwersa ng pagsasawalang-kibo,
ang kanta ng mga makakata’y pinapahinto.
Pero kahit sinasabing payapa ang gabi
kung makikinig ka nang mabuti,
maririnig mo pa rin ang pagaspas ng mga alitaptap
punong-puno ng pagsisikap
para maipagmalaki ang kay munting kislap.
Oo, sila’y mailap kapag ikukumpara
sa naglalakihang imperyong sakit ang dala,
pero sa dilim ng madaling araw ay makikita,
ang kanilang munting liwanag na mamamalagi pa.
Bata, bata…paano ka lilikha?
Sa pamimitak ay mawawala rin sila.
Ngunit mananatili sa isipan ang mga kislap kay munti;
bawat kislap at kinang ay mananatili
sa isipang uhaw sa pagbabagong abot-tanaw,
sa diwang nananalangin ng panibagong araw.
Kaya sa pagbabalangkas ng bukangliwayway,
dalang-dala ang memorya ng nagdaang mga dekada,
papalayain ang masang kay tagal nang nakakadena
gamit ang guhit, lakbay, sulat, at likha.





