May orasa, sa kailaliman ng bayang nalason ng katiwalian,
nakalibing sa pagitan ng lupa’t pulso ng kasaysayan.
Nakabitin sa hangin ang buhanging pinulbos na buto ng alipin,
sa huling patak ng pawis ng mga magbubukid,
na ginawang pataba ang dugo para sa ginhawa ng panginoon.
Mula Espanyol hanggang Batas Militar, Duterte, Marcos,
huminto ‘di dahil sa pagod, kun’di sa pag-agnas ng kalayaan.
Bawat butil—isang bangkay.
Ibinartolina, inaagnas sa loob ng siksikan na selda,
kasama ang mga biktima ng oplan tokhang,
mga pinipi sa parlamentaryo ng lansangan,
mga walang mukhang sumisigaw ng hustisya.
Sa aspalto ng Maynila, sa anino ng bawat tiraniko,
naglalakad ang sugatang espiritu ni Lapu-Lapu.
Hindi estatwa, kun’di multong walang kapahingahan—
ang unang batik ng buhangin sa orasa,
nagningas ng himagsikan bago sakalin ng pasistang tanikala.
Isang mandirigmang sinumpa ng tuta, buwaya, at diyus-diyosan,
na habang humuhupa ang hiyaw sa EDSA,
ay naglalakbay, dala ang mga galos mula sa Mactan,
mata’y pulang apoy sa dilim ng pangungupit ng alaala,
iyak ay pumapailanlang sa uwak ng estadong mapaniil.
Sa bawat polisiyang binaluktot ang demokrasya—
ang orasa ni Lapu-Lapu’y nanatiling patay,
hawak ng diktador na nagsusumamo sa ICC,
ng imperyalistang balatkayo bilang kakampi,
ng tagapaghasik ng pekeng balita sa social media.
Sa orasang ito, hindi tayo nauubusan ng panahon—
inuubos tayo ng panahong walang konkretong aksyon.
Dumadagundong ang tilaok ng gahaman,
ang palakpak ng mga balimbing na patriyota,
ang sipol ng sundalong baldado ang katuwiran.
Saan ka lulugar sa orasa?
Sa ibabaw, kung saan sumasabay ka lang sa agos?
Sa ilalim, kung saan dinidikdik ang dangal ng maralita?
O sa gitna, gaya ng buhanging nakabimbin,
kating-kati nang bumagsak pero hawak ng takot?
Ang buhangin ay kailangang bumagsak—
bubuksan ang mata ng himagsikan.
Sa bawat pag-agos nito sa pusod ng orasa,
puputok ang alab ng panibagong pag-aalsa,
sisibol ang paniningil, hindi lang pag-asa.
Lalabas si Lapu-lapu sa huling patak,
muling magwawagi, inaangat ang kaniyang itak.





