Bumubuhos na naman ang ulan — bumabaha muli nang literal, at ng mga panawagan mula sa mga mag-aaral na kanselahin ang klase, bitbit ang pangamba na mapigta ang uniporme’t mga kagamitan, at lumusong sa lusak ng mga daan para lamang makaabot sa paaralan.
Ngunit kaalinsabay ng pag-uumapaw ng mga panawagan, ay ang paglutang din ng mga komentaryo ng mga nakatatandang layong palitawing tila nawawalan ng tibay ang kasalukuyang henerasyong pinalilinaw umano ng kanilang mga karanasan sa nakaraan.
“WALANG PASOK ang mga bata dahil sa inaasahang pagdating ng BAGYO. Di katulad noong panahon namin, sa Eskuwelahan na kami inaabot ng SIGNAL NO.3 Saka palang idedeklarang walang pasok,” post ng isang netizen sa Facebook.
“During my days, I did not stay home, I risked getting sick; I risked even my life. I waded through lahar and lahar-filled floods, literally, and I found something that only few men in history found. Life is either getting nothing or getting all; and I chose the latter. If you know what I mean,” komento ng isa pang user sa isang post ng The Angelite.
Hindi naman masisisi ang ganitong komento ng mga nakatatanda. Baka nga naman patunay ang kanilang mga karanasan na mas maswerte ang henerasyon ngayon na kahit papabadya pa lamang ang bagyo o maging kaunting buhos lamang ng ulan, ay nauuna na ang preventive measures, at naglilipana na ang mga panawagang kanselahin ang klase, upang hindi na harapin ng mga kabataan ang minsan nang dinanas ng mga matatanda noon.
Ngunit sa mukha ng kasalukuyang mga dagok, pumapasok ang katanungang angkop pa ba ang ganitong mga paghahambing?
Kung titingnan, pilit na ikinukumpara ng maraming mga nakatatanda ang kanilang panahon sa kasalukuyan, at kadalasa’y nakalilimutang kilalaning iba ang kinahaharap ng mga estudyante ngayon — mas malalang mga delubyo, at higit na ramdam na mga epekto, na nagsisilbing matibay na dahilan upang kanselahin ang mga klase.
Sa pag-aaral ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), mas dumami ang mga bagyong mayroong lakas na higit sa 150 kilometers per hour (kph), kung ikukumpara ito mula 1980s. Nagkaroon din ng 30% na pagtaas sa bilang ng mga malalakas na bagyo mula taong 1900, ayon sa ulat ng The Guardian.
Gaya na lamang noong Nobyembre 2024 kung saan anim na mga malalakas na bagyo ang sunod-sunod na nanalasa sa bansa sa loob lamang ng isang buwan, na nag-iwan ng pinsalang pumapalo sa halos P28 bilyon. Ayon sa World Weather Attribution (WWA), ang nasabing pangyayari ay bunsod ng lumalalang climate change, kung saan mas mataas nang 25% ang tsansa na muling maranasan ng bansa ang sunod-sunod na pananalasa ng mga malalakas na bagyo.
“The hard truth is we will see more devastating storms like Typhoon Gaemi (Super Typhoon Carina) as the climate warms [and] Asia will become an increasingly dangerous place to live until fossil fuels are replaced with renewable energy,” ika ni Dr. Ben Clarke ng WWA sa isang panayam sa The Guardian.
Gayon din, kinahaharap din ng kasalukuyang henerasyon ang mas malalang mga epekto gaya ng mabilisang pagbaha dahil sa malalaang urban development at pagkalagas ng mga green areas sa bahagi ng mga ilog at daluyan ng tubig na sila sanang sasangga sa pag-apaw ng baha. Halimbawa rito ay ang mga pagbaha sa Metro Manila, na ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ay dulot ng land conversion at pagkakalbo ng mga kagubatan sa lugar.
“Increased rain intensity and frequency due to climate change, depleted forest cover, land conversion, and modification of our waterways are among the reasons why Metro Manila and Rizal get easily inundated with floodwaters much too often,” wika ni DENR Undersecretary for Integrated Environmental Science Dr. Carlos Primo David.
Danas din ang epekto ng malalang mga pag-ulan sa mga water-bound at low-lying na munisipalidad dito sa Pampanga kung saan maraming mga Angelites ang nakatira, gaya ng Apalit, Bacolor, Lubao, Macabebe, Masantol, Mexico, Minalin, Sasmuan, Sto. Tomas, at San Fernando, na bagyo-bagyo na lamang sinusuong ang mga pagbaha.
Kaya naman hindi dapat sisihin ang mga kabataan kung bakit agaran at walang patid ang kanilang panawagan sa pagkansela ng mga klase. Hindi dahil marupok o mas mahina sila kumpara sa nagdaang henerasyon, bagkus dahil mas mabigat ang mga panganib na kanilang pinapasan.
Hindi rin angkop na patuloy na inihahambing ng nagdaang henerasyon ang kanilang mga karanasan sa dinaranas ng mga kabataan ngayon. Bukod sa mas malala ang hinaharap ng mga mag-aaral sa kasalukuyan, ang henerasyong patuloy na bumabatikos sa mga panawagan at desisyon para sa maagang suspensyon ng klase ang sila rin naman mismong may pinakamalaking responsibilidad sa kung ano ang hinaharap ng mga kabataan ngayon.
“Today’s elders, more than any other age group, bear responsibility for the threat of global warming and climate change. They are a critical force, with voting power and other resources, who could be agents for acting to prevent the damage that has come about, with that damage to afflict future generations beyond the generation of elders alive today,” ani Rick Moody sa kaniyang pag-aaral noong 2017.
“Boomers and the Silent Generation — are people who enjoyed lives of economic abundance, supported by fossil fuel consumption,” dagdag ni Moody.
May mga magsasabing mayroon namang opsiyon ang mga mag-aaral na huwag na lamang pumasok. Maaari naman itong maging solusyon, ngunit hindi lahat ay may pribiliheyong isaalang-alang ang mga makaliligtaang aralin at gawain, lalo na’t hindi lahat ng mga propesor ay mayroong konsiderasyon sa kalagayan ng kanilang mga mag-aaral.
Sa kasalukuyang panahong pinalala ng mga desisyon ng nakaraang henerasyon — kung saan tila pinong ambon lamang ay nagdudulot na ng mga pagbaha — pag-unawa at konsiderasyon ang kailangan ng mga kabataan. Hindi paghahambing sa naging karanasan ng mga nakatatanda, at kawalan ng aksyong tila pumipilit na ipagsapalaran ang kanilang kaligtasan sa basang mga lansangan para lamang makapasok sa mga paaralan.
Kaya naman sa patuloy na paglala ng kalagayan ng panahon, ang higit na kailangan ng kasalukuyang henerasyon ay pagiging sensitibo at makatao sa dinaranas ng mga mag-aaral. Hindi na dapat pang hintaying lumikha ng malawakang sakuna ang mga pag-ulan bago pa suspendihin ang mga klase.
Kung ang alalahanin din ng mga nasa posisyon ay learning continuity, ipinakilala ng post-pandemic na panahon ang pagsasagawa ng mga asynchronous na klase. Gamit ang mga online learning systems, ay maaaring maipagpatuloy ang pagkatuto nang sabay na pinaprayoridad ang edukasyon at kalagayan ng mga mag-aaral.
At para sa mga nakatatanda — kabilang na silang mga namumuno sa bayan — hindi paghahambing o kawalan ng simpatya sa karanasan ng kasalukuyang henerasyon ang kanilang dapat na ipinararating. Bagkus ay pananagutan sa kanilang mga naging papel sa paglala ng mga delubyo, at ang pagkilala sa kanilang papel na gumuhit ng pagbabago sa pamamagitan ng pagpili ng mga mamumunong may pagkalinga sa kalikasan at sa henerasyon ng kinabukasan.
Hindi naman sukatan ng kung sino ang mas matatag na henerasyon ang usapin sa kasalukuyang problema natin sa klima. Hindi rin naman sukatan ng katatagan ang pagpili na suungin ang bumubugsong hangin at rumaragasang ulan.
Ang tunay na katatagan ay nagmumula sa pagkilala na kailangan nang umaksyon — ng parehong nagdaan at kasalukuyang henerasyon — na ayusin ang kasalanan ng bawat isa sa kalikasan, at kilalanin na ang edukasyon ay balewala kung ang nakasaalang naman ay ang buhay ng bawat isa mula sa panganib na dala ng delubyong pamana.
Si Godwin Pring ang senior editor ng The Angelite para sa taon-limbagang 2025-2026, at nagsusulat ng kaniyang mga opinyon sa ilalim ng kolum na “God ‘in the Masses.”
Ang mga pananaw at opinyon ng patnugot ay hindi sumasalamin sa pananaw at opinyon ng buong pahayagan.





