Walang sapat na salita ang makapaglalarawan sa dilim ngayon, ngunit lahat ng letra ay isa lamang palamuti kung ikukumpara sa kasuklam-suklam na karimlan ng dekada otsenta.
Ang sabi nila, ang impyerno ay nababalot ng apoy, sigawan, at kadiliman.
Mali.
Masakit na lamig ang kumikilabot sa aming mga balat. Ang buwan ay patuloy sa paglubog — nilalamon ng dugong dumanak mula sa mga sumasalungat sa mga naturang aswang ng bayan, ngunit walang narinig ni alingawngaw sa kawalan.
Libo-libo sa amin ang tinanggalan ng karapatan — isang pagkawarak ng pakpak dahil lang sa pagtayo para sa nararapat.
Hindi mabibilang sa daliri ang pinugutan ng pangarap na para sana sa kinabukasan ng aming bayan. Lahat ay dahil lang sa pag-ayaw sa sigaw ng katarungan.
Palaging may matining na bulong sa tainga ko: Kumusta na kaya siya? Sino ang yumayakap sa kaniya sa maginaw na gabi? Nasaan ang kaniyang paboritong sopas kapag bumabagyo?
Walang pagdiriwang ang lumipas na hindi ako nagsindi upang tunawin ang nyebe kahit panandalian lamang.
Ang lagi kong hiling ay kahit makita ko na lang ang bangkay ng aking minamahal, kaysa ang palaging masiraan ng bait kaiisip sa libo-libong tanong ng aking puso. Para kahit papaano ay ako na mismo ang magtakip sa kaniya. Mahamog pa man din pagkagat ng dilim.
Kaya’t isang kahangalan ang sabihing mga mangkukulam ang makasalanan dahil lamang sa pagpiling magtago sa dilim at gawing gabay ang mga espiritu sa paglalakbay.
At isang malaking kasalanan ang sambahin ang mga noo’y tinutok sa sarili ang ilaw. At ngayo’y nagbabalik para kuhanin naman ang araw.
Sa nagdaang mga taon, matagal ko nang ipinagbahala sa buwan kung paano nila pipitikin ang mga kampon papunta sa sarili nilang impyerno.
Isinusulat ko ‘to gamit ang luha at dugo bilang tinta, simbolo kung gaano ko kinamumuhian at isinusumpa ang mga nasa trono.
Ang paglagas sa aming lahi ang siya ring pagbangon ng mga nahihimlay at pagmulat ng panibagong buhay — doble, triple pa sa inyong kinuha dahil kailanma’y hindi kami luluhod sa mga dyablo. Walang anumang gayuma ang makapipigil sa bawat isa upang manalakay.
Darating din ang pagkagat ng dilim. Matutunaw ang mga yelo sa liyab ng aming kaibuturan, kung saan kami ang magsusuot sa inyo ng koronang pinamumugaran ng makamandag na ahas na tutuklaw at sasakal nang walang humpay upang maningil ng inyong buhay.
Ang aming mundo ay matagal nang madilim, hindi dahil pinili namin, kung hindi, ito’y pinilit sa amin.
Lahat ay nakasulat sa libro.
Lahat ay nakaukit sa buwan.





