Lumubog na ang araw, umilaw ang parola.
Lumakas ang ihip ng amihan, at tumaas ang alon.
Umalingawngaw ang ugong ng bangkang tinatangay.
Gamit ang largabista, tumambad ang bangka na may mga kabataang nagdarasal, nakatulala, tumatawa, umiiyak, sumasagwan, at tumatalon sa gitna ng galit na alon ng tubig.
Tumaas ang bawat hibla ng kanilang buhok.
Kumidlat — nasilaw ang mga nakatingin sa kalangitan.
Kumulog — sumigaw ang mga nasa loob at nabingi ang mga nakarinig.
Lumakas ang alon at pinasok ang mga isda sa loob, tumawa sila.
Umiyak nang tangayin ito pabalik sa katubigan.
At tuluyang umimpis ang labas at mga nasa loob ng barko. Tinulak ng isa, hinila nito.
Umikot ang ilaw ng parola, na nagsilbing panandaliang araw na sinag sa kanilang mukha.
Sa kanilang labi humugis ang salitang, “Pag-asa!”
Nagsimulang ilabas ang mga sagwan at dali-dali itong tumampisaw nang may buong lakas.
Hanggang sa pa-sikat na muli ang haring araw.
Tagaktak ang pawis at nanginginig na kalamnan.
Pero palapit na, papalapit na!
Papalapit na saan?
Palayo nang palayo ang parola sa paglapit nila.
Hindi na nila magawang matanaw sa isla.
Lumayo? Naglaho!
Nag-ingay muli ang karagatan at bumuo ng dalusong
Na lumamon sa mga nakasakay sa bangka
Nilunod, at pagkatapos ay
Inanod papunta sa pinaniniwalaang parola.
Pero anong parola?
Ah! Pag-aakala ko rin ay naabot ko.
Walang iba rito bukod sa kinakalawang na posteng pinabayaan at maitim na buhangin ng lupa.
Walang buhay, halaman, hayop, ni anino.
At mas lalong walang parola, hindi totoo ang parola.
Nagkamali kami ng tanaw sa ilaw na lumitaw.
May mga tao rin sa islang ‘to.
Guro, doktor, estudyante, ina, at ina.
Sila rin ay nakatingin sa parola sa abot-tanaw.
Ang parola na dapat nandirito.
Huwag mong linlangin ang iba.
Hindi libre ang pag-asa,
hindi uso para sa masa.
Hindi kamatayan ang parola, walang parola kaya’t may kamatayan.
May parola man, pero nakatayo sa kabilang dako.
Mauuna pa ang buhay mo kaysa matapos ang isang taong tuloy-tuloy na pagsagwan papunta sa ilaw.





