Pumatak ang alas sais. Tumayo ang proktor. Napuno ng buntong-hininga ang silid, kasabay ng pagbitiw sa mga lapis na napudpod kakabilog. Para sa karamihan, tapos na ang madidilim na araw. Ngunit para iilan, magsisimula pa lamang ito.
Bago ka tuluyang lumabas, mapapansin mo ang upuan. May gasgas na ito. Nauuga na rin kung ikaw ay malikot. Sa laki ng paaralan, ni wala sa isang porsyento ang kinakaing lugar nito.
Ngunit walang pakialam ang mga santo sa estado. Sira man o bago, kailangan mo pa ring magbayad ng animnapung libo.
Animnapung libo, kapalit ng isang katiting na espasyo.
Animnapung libo, anim na hakbang ng delubyo.
Una, ang pag-uwi sa bahay, kung saan sasalubungin ka ng malamyos na ngiti ni Inay. Kukumustahin niya ang huling pagsusulit, nagpapanggap na siguradong masasagutan mo pa ang susunod. Kukuwentuhan ka niya ng mga nangyari sa kapitbahay, sadyang iwinawaglit na muli siyang nagmakaawa upang makapangutang — para sa wala.
Ikalawa, haharapin mo ang pagod ni papa mula sa trabaho. Hindi na bago na siya ay tahimik. Ngunit ngayon, mapapansin mo ang kanyang numinipis at namumuting buhok, mga kalyo sa daliri, at namumuong kulubot sa mukha. At doon, maaalala mo… hindi lamang ikaw ang tumatanda.
Ikatlo, lalamunin ka ng opisinang pinangako mong hindi mo na babalikan. Sabi nila, puno ng multo ang mga Katolikong paaralan. Ngunit ang iyong kinatatakutan ay ang puting silid, kung saan patuloy kang nanliliit.
Magkano pa po ang balanse ko? Pwede pa rin po ba akong mag-enroll? Wala pa po kasi kaming pambayad — Ito ang nasa polisiya, iha. Bayaran mo muna ang iyong balanse, bago ka nila payagang makatungtong sa susunod na semestre.
Ikaapat, kalilimutan mo ang iyong uniporme. Maghahanap ka ulit ng kahit anong trabaho — hindi para makakain, kundi upang may ipangbayad sa sirang upuan sa klase. Malalaman mong hindi sapat ang bente-kwatro oras sa isang araw habang nauubos ang tatlong linggong palugit ng paaralan. Gigising. Magtatrabaho. Iisipin kung may halaga pa ba ang lahat ng ‘to. Paulit-ulit, hangga’t hindi mo nabubuo ang animnapung libo.
Ikalima, papanoorin mong makapag-enroll ang iyong mga kaibigan nang sabay-sabay, nang naaayon sa oras. Aayain ka nila at ang tangi mo lamang maisasagot ay isang ngiti. Mamumuo ang bigat sa iyong lalamunan at hindi mo malaman kung saan ito ilalagay — masaya ka para sakanila at hindi mo masisi ang iyong mga magulang, ngunit tila kinakain ka na ng mundo. Mag-isa. Kalong-kalong ang iyong pangarap na walang ibang magsasalba kundi ikaw.
At panghuli, panonoorin mong mawala ang pinaghirapan mong matrikula. Lukot. Luma. Galing sa iba’t ibang bulsa. Sa laki ng halaga, napagamot mo na sana ang ina. Nakapagpahinga sana kahit isang araw ang papa. Pinagmasdan mo ang animnapung libo, dahil baka sa susunod na semestre, pitumpu na ang kinakailangan mo.
Sabi ng anghel, wala namang naiiwang estudyante.
Marahil ay tama siya.
Walang naiiwan, pero marami ang nasusugatan.





