Isusulat ko ang pinakamahabang tula
Tutubuan ako ng damo sa bawat bantas at ponema
Sisiguraduhin kong malulunod ang sino mang maglalakas loob
na hanapin ang dulo nito
Magsusulat ako ng tulang magbibigay-daan sa akin
sa magaspang na dila ng Angeles tuwing umaga
Maghihintay ang trapiko sa pagdating ko
Luluhod ang kalsada at ituturing ako nitong santo ng
mapinong aspalto
Hindi ko kakailanganing maglakad nang mabilis dahil may panahon pa ako para huminto
Dahil magsusulat ako, ngingitian ako ng guard sa bawat yapak ko
Hindi siya magtatanong kung bakit mahaba at makulay ang buhok ko
o kung naniniwala ako sa diyos o sa demonyo
Papasok akong walang alam sa lahat ng bagay dahil pagod ako
At sa panahong yon, sapat na rason na ang maging pagod upang tumigil ako
Pagkatapos ng klase, hindi ako magtatrabaho dahil magpapahinga ako
Magsusulat ako ng mga kwentong kasing kapal ng araw-araw na init
Kasing-lamig ng aircon na ilang kilo ng kaluluwa ko ang kapalit
Kasing-tangkad ng bahang sinusuong ko
Ilang tikbalang na ang kinasal
Ilang bagyo na ang dinaan sa dasal
Tuloy pa rin ang pagtuturo
Magsisilang ako ng mga salitang susubuan ako ng pagkain at
lalagyan ako ng bubong mula ulo hanggang paa
Bubuhayin ako ng tulang gawa ko sa gitna ng kapitalistang espasyo
sa pusod ng naghihirap na bansa
Pikit-mata akong maglalabas ng mga titik at gitling na hahawak sa pala
upang mailibing ko lahat ng
pagod ko at nila
Sasamahan ako ng mga kwento at hinaing ko at papaniwalain nila akong
may kapalit ang lahat ng ito
Na sa pagdating ng bagong delubyo
May sukli ang lahat ng binayad ko
Maging panibagong animnapung libo man o
nagmamadaling ikot ng relo na walang anino
Isusulat ko ito lahat lahat, Anghelo
Sa lilim ng pakpak ng rebulto mo
Sa bulwagan ng panibagong bagyo
Sa tubig mong banal
pawis ko ang bumuo
Sa ningas ng bagong lutong Soy’s burger
Sa dulo ng sigarilyo
Magsusulat ako nang walang humpay bago mo patigilin
Bago mo simulan ang sa’yo
Magsusulat ako, oo, ng pagkahaba-habang tulang ‘di mo maririnig ang dulo
Pero lulusong muna ako
At sa ngayon, hindi ko pa kaya
Pa’no ko matatapos ang tula kung lumulubog pa ako
at ayaw mo munang bigyan ng pahinga?





