Setyembre pa lang, pinaghahandaan na ang kapaskuhan.
Ang mga parol ay unti-unti nang lumiliwanag,
Ang mga kalawang sa tansang pinukpok ay naaaninag,
Para sa karoling na hindi para sa mga duwag.
Si Aling Nenang, mataas siya magbigay – minsan sampu, minsan bente.
Depende kung ka-video call niya ang asawa niya.
Puro imahe sa screen na lamang ang katuwang tuwing Pasko.
Parang si Tatay, na ilang taon na magmula nang aming makasama.
Hindi bale, baka ‘yung tig-benteng barya sa pangangaroling ko,
Ay umabot na para maka-uwi si Tatay sa Pinas.
Baka naman sakto na ang ingay ng mga tansan ko,
Para marinig ang tanging hiling ko.
Buti pa nga si Aling Nenang, mataas na magbigay.
Si Aling Tess sa kabilang bahay, kuripot kung mag-abot.
‘Kala mo’y ninanakawan ng malaking halaga kung magtaboy sa amin,
Halos ‘di na nga kami marinig sa malakas niyang sigaw sa TV.
“PATAWAD — AY NAKO PO, PAUWIIN NIYO NA SI TATAY DIGS!”
Nasa ibang bansa din ba tatay niya? Eh ang tanda-tanda na ni Aling Tess?
“PLEASE LANG, PAUWIIN NIYO NA SIYA SA PINAS. KAWAWA NAMAN SIYA.”
Ano kaya ang trabaho ng tatay niya sa ibang bansa? Kasing hirap ba ng sa iba?
“PATAWAD TALAGA, WALA KAYONG MAKUKUHA SA ‘KIN, SAKTO LANG ‘TO SA AMIN.”
Bakit kaya ‘pag hindi napagbibigyan, humihingi na lang ng tawad?
Ganoon din kaya nararamdaman ni Tatay,
Sa tuwing hindi niya kami mapagbigyan tuwing Pasko?
“Aling Tess, nag-iipon din po ba kayo para sa pag-uwi ng Tatay Digs niyo?”
Kawawa naman si Aling Tess, baka kailangan niya rin ng pera,
“HINDI, MAKAKA-UWI ‘YUN. TAMO SA PASKO, PAGBIBIGYAN NA SIYA!”
“Ah, pwede po kaya isama si Tatay sa pag-uwi niya?”
“TSE, BUTI NGA TATAY MO MAY TRABAHO PA, PINILI NAMAN NIYA ‘YAN!”
Hindi ko talaga maintindihan si Aling Tess, ang sungit pa.
Pareho lang naman nasa ibang bansa ang tatay namin?
Nagtatrabaho rin naman siguro nang marangal tatay niya don, diba?
AH! Parang narinig ko na ang pangalan ng tatay niya minsan,
Nakakulong daw ‘yon eh? Buti gusto nilang palayain?
Marami siguro siyang nagawa para makulong pa sa ibang bansa.
May nagawang maganda? Para ganon kasabik pa-uwiin ni Aling Tess?
Eh ang tatay ko nga, buong araw nagtatrabaho, ‘di pa rin pinapauwi.
Paano pa kaya ‘yung Tatay Digs niya, na tila wala namang ginawang tama?
Sampu, bente, tatlumpu… isang daan, dalawang daan.
Kasya na kaya ‘to para kay Tatay?
O ipagkakasya na naman ni Inay para sa limang daan na noche buena?
Bakit kaya kahit sa Pasko man lang, hindi pa rin kami pinagbibigyan?
Saan ba kami hihingi ng tawad,
Sino ba ang kailangan humingi sa amin ng tawad?
Dahil isang Pasko na naman ang hindi kami pagbibigyan.






Leave a Reply