Ganito na marahil ang pakiramdam sa buhay na hindi na dama ang kapaskuhan,
Ngunit kapalit ng pagiging manhid ay ang sakripisyo nang may maihanda sa Noche Buena.
Walong oras o mahigit ang bibilangin kapalit ng mga regalong bibilhin.
Sa bawat pilit na imulat ang namamagang mata dahil sa puyat — naghihintay ang pamilyang umaasa.
Malamig ang simoy ng hangin ngunit hindi ito dala ng Disyembre na ating inaabangan,
Kung hindi ito ay mula sa apat na sulok ng de-aircon na kwarto.
Hindi rin makukulay na parol ang siyang makikita ng mata,
Kung hindi ang walang katapusang emails mula sa iba’t ibang kumpanya.
Dumating ang oras ng pag-uwi, bitbit ang pagod na katawan ngunit puno ng pag-asa na pananaw.
Pasado alas dose na at sumapit na ang pasko,
Kasabay ng marahan na pagpikit ay isang hiling.
Nawa’y may maabutan akong pamilya na nasa hapag at kumakain na may ngiti sa kanilang labi.
Sa pag-apak sa eskinitang masikip ngunit puno ng pangarap.
Isang buntong hininga ang napakawalan nang makita ng mga mata ang unti-unting pagdilim ng mga kabahayan.
Naiwan ang mga nagkalat na palamuti, at ang pagkislap ng mga parol na nakasabit sa dingding ng kapitbahay.
Nahuli na naman ako ng dating, tapos na ang selebrasyon na aking pinagninilayan.
Ito na ang nakagisnan na Noche Buena — tulog na ang buong pamilya.
Habang naghihintay ang hamon sa lamesa at ilang handa na tira para sa akin.
Hindi na nila ako nagawang mahintay para salubungin ang kapanganakan Niya.
Sapagkat, inuna ko ang tumipa ng sagot para sa iba kapalit ng overtime fee na pagdagdag sa gastos ng pamilya.
Mula sa butil ng pawis na nailaan ay nauwi sa butil ng luha na hindi namalayang pumatak.
Kung saan kapalit ng mga papel na pera ay ang kawalan ng memorya.
Alaala ng yakap, ngiti, at pananabik sa oras na sumapit ang Pasko.
Sapagkat kapalit ng bawat sakripisyo ay ang memorya na kasama ang pamilya.
Ilang pasko pa kaya ang darating para lang masilayan muli ang ngiti ng pamilya?
Kung saan, ang pamilya ay naghihintay sa aking pag-uwi.
Kung saan, nakikita ng mga mata ang galak ng kaanak sa oras na nabuksan ang mga regalo.
Kung saan, puno ang aking puso sapagkat bagong memorya ang tumatak sa aking isipan.
Marahil, ito ay mananatiling hiling hanggang tayo’y nabubuhay sa buhay na hindi pantay.





