Pitong tarak ng kasalanan na ang ginawa ng tao sa mata ng kanilang kapwa, at lalo na sa mata ng Panginoon:
Kapalaluan, inggit, galit, katamaran, kasakiman, katakawan, at pagnanasa na patuloy na binibigyang pakpak ang mga taong lumapastangan palayo sa buhay, patungo sa wala.
Ang mga tao ay mahilig magsimula ng isang bagay, na sila ring tatapos doble pa mula sa umpisa — siyang hindi nila matutubos kailanman.
Ngayon, kita mo ba? Na kahit anong pagsusumikap, kahit ilang galong pawis, ilang baldeng luha, at kahit gaano kalakas ang dugong dumadaloy ay hindi nagpapasiil ang pag-apaw ng karagatang lumalamon bilang parusa?
Dahil mas mabigat ang kasalanan ng sangkatauhan kaysa sa barko ng mga nagsusumikap sumagwan para sa mundo.
Ngunit sa gitna ng malaking daluyong, nagpakita ang mga santo’t rebultong palaging nakikita sa kapilya at simbahan.
Na nagmistulang parola at angkla ng isang barkong wala nang direksyon at palubog na.
Na siya ring nagsilbing ilaw sa mga buhay na patapon na.
Palutangin muli ang barko at languyin ang karagatan!
Paano itataas ang panalangin na magsasalba sa sansinukob bukod sa novena?
Una, kuhanin mo ang rosaryo na binasbasan mula sa Quiapo at paikutin mo sa iyong mga kamay na mapang-abuso.
Kasabay nito ay ang bimpong ipinunas sa itim na Nazareno, piringan mo ang iyong mata upang hindi ka masilaw sa mga salapi sa mesa.
Sundan mo ng pagbukas ng banal na tubig at inumin mo para sa bibig na nakapangsasaksak sa talas.
Matapos mong hubarin at isuko ang kadena ng kasalanan, magsimula kang magdasal hindi mula sa sauladong dasal, pero sa sa pakikinig sa tibok ng pusong bukal.
Ngayon din at ipagpasalamat mo ang bawat biyaya at pagsubok na iyong itinamo at kahaharapin pa.
At hingin mo ang habag ng Panginoon sa milyon-milyong pagkakasala mo at ng sanlibutan.
Tsaka mo sabihin ang iyong hiling na makabubuti, at patnubayan ka nawa ng Diyos na magkaroon ng busilak na puso upang alagaan ang biyayang pinakahihintay ninyo.
Wakasan mo nang may apoy pa rin sa puso at sa pangalan ng Pinakadakila.
Siya ay pagmamahal ngunit makatwiran, kaya’t kaawaan nawa ang sansinukob.






Leave a Reply