Parang isinisiksik ang aking ulo sa isang bulang nakakapang-insulto, na tila’y isinusugo ang pagiging ignorante at ang pagkawalang-kwenta ng onlayn.
“Nakita mo na ba ’to?”
“Narinig mo na ba?”
— ang midya ay aking palaruan, na kahit ang mga nananawagan para sa Palestina ay sinasadya kong laktawan.
Ako ang reyna ng bulwagang pagsasawalang-bahala.
Ako ang reyna ng gulo at ng dedmahan
At higit sa lahat, ako ang reyna ng pinagkaitang katarungan; naglalayong pagtakpan ang algoritmong ang laman ay ang sigaw ng masa.
Sa bawat iskrol ko, may mundong nalulunod habang ako’y nanonood lamang. Walang konsensya sa bawat pag-iswayp ng hinlalaki.
Iiwan ko na lang sa internet ang trahedya’t kamalasan na ang puno’t dulo ay tayo.
Haha react dito, “wow” react doon.
Ngunit walang kibo sa tunay na buhay.
Lagyan mo na lang ng filter ang problema ng bansa, baka sakaling ang dungis natin ay matapalan.
Pilit na inaaliw ang sarili sa ingay na gawa ng makinarya; tayo ay nakakalimot, nagwawala, at dumedepende sa rinesiklong mga ideya. Pasakit nito’y unti-unting sumisira ng kinabukasan, pero ako? Dedma lang.
Isipin mo.
Kung buong katauha’y kong iyong ipapako kapag ninais kong magsalita, hindi ba parang nakakawalang-gana?
‘Performative’ kung tatawagin, ganoon na pala kung may libangan.
Ang turing ninyo sa lahat ay makasalanan, labag sa batas ng buhay.
Kung ganoon,
Parusa pala talaga ang maging kabataan kung ipinapanalo ang mga opinyon ng mga hindi marunong magseryoso.
Self-care, OOTDs, at GRWMs.
Mga platapormang bukod-tangi, isinasantabi para sa mga mabababaw na uso na tulad ng mga ito.
Ang anumang uri ng aktibismo ay tinatanikala ng bumoboses-kongreso. Sobrang OA! Nakaka-warshock ang mga Pinoy!
Kaya pinipili kong manatili rito kung saan tahimik, dito sa kabalbalan ng karamihan na hindi kailanman malalaman o masusumbong. Nagmamasid.
Dito ka sa ’min, na sarili lamang ang inaalala. Walang inaabala, nakadukdok lang sa may sala. Hindi dahil nakikita ko ay may katumbas itong aksyon.
Nonchalant na kung nonchalant; tao lang din ako.
Kaya inaamin ko na,
mga kaibigan kong tunay at sa mga ‘di ko pa nakikita,
Gusto kong makibagay sa inyo at manghikayat para sa bagong pagkatuto.
Hanggang sa maipuksa natin ang trolls na naninibugho.
Mula sa henerasyong mulat na, kaalaman nati’y may kaakibat na responsibilidad.
Pakinggan mo, huwag kang duwag.
At kung ayaw mo, dedma sa ’yo.





