sabihin na nating
sementeryo ang dating palayan
lulan ng mga nagtatayuan nitong pader ang
kaluluwa ng mga pangarap
na itinanim, sumibol, at nagpakain
sa bibig na siya rin palang lalamon sa
amin
ititirik ko ang kandila kung san unang
nagkadapuang palad ang pilapil at
pagmamahal ko sa lumang bukirin
dito, didiligan ko ang natitira pang simoy ng pataba at putik sa lupa
kahit pa sinasabi na nilang
bawal nang umihi ngayon
dito sa sementadong lote
marahil tatayuan na ito ng simbahan
at sana’y alalahanin ako nito bilang deboto
santo ko ang kalabaw na araw araw umaararo
diyos ang asarol at ang pangarap kong manatili
at magpatuloy na umani
kung hindi katedral, tatayuan na siguro ito ng plaza
dito, palalakihin ang turismo pagkatapos palayasin ang mga dayami at
pilayan ang mayamang lupa
mag-ingat lang sila dahil nangingilala ito
batid ng buhangin ang mga nagmamahal
at ang mga nais lamang siyang ikalakal
o kaya naman, sa bagong tayong muwebles ng pabahay ako titingala
kung saan panginoon ang mga ahensiyang may hawak na papel
bitbit ang selyo, pandurugas, at pirma
bumubusina sila, animo’y sinusundo na ang aming lupa
ipapanalangin kaya nila kami kung patay na ang palayan
at kumakalam na ang sikmura nila?
pagpalain nawa ang
kamay naming nagsusubo ng kanin at ulam
bago pa makiliti ng ginintuang kutsara ang
lalamunan ng sinuman
kaya kung kakagatin ang daliri naming
walang sawang nagbungkal ng lupa
sa maghapong sakahan
hindi kaya nararapat nalang din
silang magutom sa katawan?
sa Kapampangan, ang pagsaka ay nangangahulugan
ding pag-ahon
kaya tuwing sinasabi kong sasaka na ko
napapaisip ako: gugustuhin ko pa kayang bumalik
sa putik pagkatapos umahon?
anupaman,
hindi kayang ipaliwanag ng mga palay sa
lupa ang milagrong kaya kong gawin
kung pagbabawalan niyo kaming umihi dito





