Ang totoo niyan, Aileen ang pangalan ko
matagal lang nakabigkis ang mga labi at dila kong sasalubong sana sa’yo
isang daan, dalawampu’t walong taon man nang maging malaya ang bansang ito
Kilala mo ako sa ibang panahon
maaaring dito sa kung saan kalahating
bahaghari tayong naghahalikan sa banyo
ulan ang alikabok at ulap ang mga pawis natin
lalatayin tayo ng mga paruparo sa pamantasang Katoliko
at sisigawang hindi tayo nararapat dito
maaaring hindi ka makapaniwala,
mauuhaw ka’t
lalagok ka ng isang basong tubig at
gigising sa isang umaga na
mga pesante tayong nagwewelga para sa lupa
sugatan mula sa mga tagpi-tagping yero sa paligid
tatakbo tayong tinutugis ng mga nais tayong
gisain sa sarili nating lupa
maaaring mapapagod ka,
o magsasawa, o kaya nama’y
makaririnig ka ng sirenang pinalalayas tayo sa
lupain sa isang panahong
mga katutubo tayong
walang sapat na edukasyon upang
matutong lumaban at umalsa laban sa
paniniil
o maaaring kilala mo naman talaga ako
at kinalilimutan mo lang dahil sa isang talambuhay
mga taong grasa tayong pakalat-kalat sa
bangketa — paboritong gahasain ng
korapsyon at politika; kinakatay ng
sistema at sa huli, maaaring mapuno ka
maaaring tanungin mo ako:
sino ka? sino ka?
Ako ang Avenida
Ako ang lansangan, ang masa,
ako ang Angeles at ako rin ang
Pampanga
ako ang kalayaan mong
manlaban at makibaka
ako ang irog mong pesante,
magsasaka, mangingisda,
ang minamahal mong “NPA,” babae,
mahirap, at baklang ulikba; ako ang
lahat ng ito — ng
pag-ibig nating
hindi pa pinapalaya
mahal, saan mang panahon,
kilalanin mo akong muli;
ako ito, ang aktibistang walang mukha
minahal mo na ako sa’n mang laylayan tayo
nakatira at
nakapiit
alalahanin mong saan mang lupalop
at sansinukob —
dito kita hahalikan sa gitna
ng kalsada at mga raliyista
ito ang pinakaligtas na lugar
sa’ting dalawa
dito, pareho tayong nakakulong at
malaya
mauubos ang bakal at busal nila sa
pagtatangkang igapos ang pag-ibig ko
susuyurin ka nito saan mang altar,
pamantasan, kalye, lansangan,
saan mang buhay, digmaan at panahon —
kikilalanin at palalayain
ka ng sandata kong puso
anumang paniniil at sigalot
ang magpabago sa anyo mo
pangako ko ‘yan sa’yo





