“Men used to go to war and now they post Instagram notes after every minor inconvenience.”
“Kababae mong tao, napakamaskulado mo. Ano, mas lalaki ka pa kaysa sa tunay na lalaki?”
Mga pahayag na tila nagiging bahagi na ng araw-araw na usapan — binibitawan sa gitna ng biro, pang-aasar, o simpleng komento. Maaaring narinig na ito sa paligid, o minsan ay ikaw mismo ang naging paksa ng ganitong uri ng panghuhusga na dahan-dahang humuhubog, at minsan ay naglilimita, sa kung paano tinitingnan ang isang tao.
Sa likod ng mga salitang ito na madalas ipasa bilang simpleng biro o walang malisya, nakasiksik ang matagal nang umiiral na mga stereotype at inaasahang papel ng kasarian sa lipunan — mga hulmahang patuloy na humuhubog sa pagkatao, kilos, at pagkakakilanlan.
Na para bang may nakapirming pamantayan kung paano dapat mamuhay ang bawat isa: ang babaeng kailangang maging mahinhin at tila isang modernong Maria Clara, at ang lalaking inaasahang maging matigas, brusko, at hindi nagpapakita ng kahinaan o emosyon.
Sa pagdaan ng mga siglo, patuloy na pinapanday at naipapamana ng lipunan ang konsepto ng “tipikal” na katangian ng bawat kasarian, hanggang sa maging batayan ito ng inaasahang kilos, gawi, at pagkatao ng isang indibidwal.
Subalit sa agos ng makabagong panahon, unti-unti ring nabubuksan ang pag-unawa na hindi maaaring ikahon sa iisang hulma ang tao. Ang identidad at asal ay hindi nakatali sa kasarian, kung hindi nabubuo mula sa mas malawak na salik tulad ng personalidad, karanasan, at kontekstong kinabibilangan ng bawat isa.
Mula sa sinaunang yugto ng lipunang Pilipino bago pa man dumating ang mga Espanyol, hanggang sa kasalukuyang kalayaang tinatamasa ng iba’t ibang mga mamamayan — tulad ng mga miyembro ng LGBTQIA+ na hindi umaayon sa mga stereotype at nananatiling nakararanas ng diskriminasyon — malinaw na hinubog ng kasaysayan ang malawak na transpormasyon ng Pilipinas at ang patuloy na pag-usbong ng mga pamantayan sa pamumuhay ng tao.
Paano nga ba nagiging batayan ng limitasyon ang kasarian? Bakit nakahon ang identidad at mga kilos ng isang tao sa puntong hindi na siya maaaring lumampas sa mga gampaning inaasahan sa kanya?
Urong-sulong
Ang lipunang pre-kolonyal ng mga Pilipino ay hindi maaaring ikahon sa mga kategoryang eksklusibong patriyarkal o matriyarkal, sapagkat mas balanse ang umiiral nitong estruktura ng kapangyarihan.
Bago pa man dumating ang mga Espanyol para sakupin ang Pilipinas, umiiral na ang mahabang tradisyon ng katutubong pamumuhay na nagpapakita ng mas maluwag na pagtingin sa papel ng kasarian — isang anyo ng panlipunang kaayusan na madalas ding ituring bilang maagang anyo ng katutubong feminismo.
Sa panahon naman ng mga babaylan, ang kababaihan ay kinikilala bilang mga mahalagang tagapamagitan sa pagitan ng espirituwal at materyal na mundo.
Ang kanilang tungkulin ay hindi nakapaloob lamang sa loob ng tahanan, kundi lumalawak sa pagiging mandirigma, manggagamot, pari, at tagapayo ng komunidad — na sa kasalukuyang konteksto ay itinuturing na nasa ilalim ng mga larangang dominado ng kalalakihan.
Sa pag-aaral nina Tetiana Podolska at Kateryna Fisun na pinamagatang “To the Problems of Postcolonial Feminism (On the Example of the Philippines),” ipinakita nila na maaaring ilarawan bilang matriyarkal ang sinaunang estruktura ng pamilya sa Pilipinas.
Ayon dito, ang kababaihan noon ay hindi nakapaloob sa mahigpit na restriksyon ng kasarian, sapagkat sila ay malayang nakikilahok sa lipunan tulad ng kalalakihan.
Sila ay nakapag-aaral, may pantay na karapatan sa pag-aasawa at diborsyo, at may kakayahang mamuno sa mga larangang pampolitika at panrelihiyon.
“…і хоча існувала упередженість щодо чоловіків з точки зомості спадкування та військового лідерства, це аж ніяк не було систематичним упередженням щодо жінок,” batay sa kanilang pag-aaral.
(At bagaman may pagkiling sa mga lalaki pagdating sa pagmamana at pamumuno sa militar, hindi ito nangangahulugan na may sistematikong pagkiling laban sa mga kababaihan.)
Sa pagkakaroon ng pantay na karapatan ng parehong kasarian, ang kalalakihan naman ay nagtatamasa rin ng kaparehong mga karapatan at tungkulin gaya ng kababaihan, bagama’t may ilang pagkakaibang panlipunang gampanin.
Ang pre-colonial masculinity ay maluwag sa pagtanggap ng mga katangiang itinuturing na feminine at mga pag-uugaling hindi umaayon sa heteronormatibong pamantayan, nang hindi ito nakaaapekto sa kanilang respeto sa lipunan.
Sila ay gumagawa rin ng gawaing-bahay kapag ang mga babae ay abala sa pagtatanim o pag-aalaga ng anak — na inilarawan ni Adelamar Alcantara, isang Filipino research associate sa University of the Philippines Population Institute (UPPI), bilang isang uri ng paghahating paggawa na “hindi mahigpit at hindi rin hindi pantay.”
Ngunit sa pagdating ng kolonisasyong Espanyol, radikal na nagbago ang posisyon ng kababaihan sa lipunang Pilipino.
Sa ilalim ng mga kongkistador at ng impluwensiya ng Simbahang Romano Katoliko, ang kanilang dating kalayaan at kapangyarihang panlipunan ay unti-unting nabawasan at napalitan ng mas mahigpit na pagsasailalim sa kolonyal na kaayusan.
At dahil sa pagpapakilala ng machismo — ang ideya na ang pagiging lalaki ay nakabatay sa dominasyon at awtoridad — dito nagbunga ang tinatawag sa ngayon na “toxic masculinity” sa mga lalaki.
Kasama rin sa konsepto ng toxic masculinity ang ideyal na imahe ng isang kongkistador — matapang, dominante, agresibo, at kontrolado ang emosyon. Sapagkat ang pagpapakita ng emosyon ay itinuturing na senyales ng kahinaan na iniuugnay lamang sa kababaihan, at ang ganitong pananaw ay naipasa hanggang sa kasalukuyan.
Bilang isa pang bunga nito, nabuo ang imahe ng lalaki bilang “haligi ng tahanan” at “provider.”
Sa ilalim ng Código Civil ng Espanya, ang kababaihan ay pinagkaitan ng karapatang humawak ng pera o ari-arian nang walang pahintulot ng lalaki.
Sa pagsakop ng mga Espanyol sa mga Pilipino, hindi lamang teritoryo ang kanilang nasakop kundi pati ang kanilang pag-iisip. Sa paglipas ng panahon, unti-unti itong nabago at muling hinubog, lalo na sa loob ng lipunan.
Kung sa sinaunang lipunang Pilipino ay malawak ang partisipasyon ng kababaihan sa politika — kabilang ang paghawak ng mataas na tungkulin at aktibong pakikilahok sa pamamahala — sa panahon ng kolonyalismo ay unti-unting nangingibabaw ang kalalakihan sa mga institusyong ito.
Kung dati ay may malawak na pagkakataon ang kababaihan na makapag-aral, sa panahon ng kolonisasyon ay marami sa kanila ang ipinagkait ng pormal na edukasyon.
At kung dati ay matriyarkal ang lipunan, ito ay unti-unting napalitan ng patriyarkal na sistema na nagresulta sa paglalagay sa kababaihan sa mga tungkuling domestiko.
Dito rin nabuo ang ideal na imahe ng kababaihan para sa mga Espanyol — isang babaeng labis na relihiyoso, mapagpasakop, at masunurin, o ang tinutukoy na tipikal na “Maria Clara” at isang “mahinhin na dalaga.”
Sa paglipas ng mga taon, unti-unting napilitan ang kababaihan na mamuhay ayon sa mga tradisyunal na tungkulin na naglimita sa kanilang mga oportunidad at pakikilahok sa lipunan.
Gayunpaman, may mga kababaihan tulad nina Gregoria de Jesus, Trinidad Tecson, at Agueda Kahabagan na sumapi sa pakikibaka laban sa kolonyalismo sa pamamagitan ng lihim na kilusang Katipunan.
Doon, nakipaglaban sila kasama ng kalalakihan at nakapaglinang ng mahahalagang kasanayang pampolitika at kaalaman, na tila pagbabalik sa kanilang mas aktibong pakikilahok sa lipunan.
Sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano at Hapon, muling nagkaroon ng mas malawak na akses ang kababaihan sa edukasyon. Sa unang pagkakataon, nagkaroon sila ng pagkakataong makapag-aral sa mas mataas na antas at makapasok sa mga propesyon tulad ng pagtuturo, nursing, at medisina, na nagbigay sa kanila ng mas kapantay na oportunidad sa kalalakihan.
Gayunpaman, hindi tuluyang nawala ang ideya na ang pangunahing tungkulin ng kababaihan sa lipunan ay maging isang “scientifically clean,” moderno, at responsableng maybahay at ina. Sa kabila ng mas malawak na mobilidad sa lipunan, nanatiling nakasentro ang kurikulum ng mga Amerikano sa Home Economics o Domestic Science.
Sa paglipas ng panahon, lalong naging malinaw ang paglawak ng mga tungkulin ng kababaihan sa lipunan, habang ang kalalakihan naman, bagaman nanatiling nakaposisyon sa tradisyunal na tungkulin, ay nakaranas rin sa ilang domestic roles sa panahon ng pananakop ng mga Hapon.
Pagkakakilanlan sa loob ng kahon
Isang paniniwalang matagal nang umiikot sa lipunan ang ideya na ang mga lalaki ay para sa mga industriyang dominado ng kalalakihan, habang ang mga babae ay dapat manatili sa tahanan at gampanan ang mga tungkuling domestiko.
Ngunit kung susuriin ang kasaysayan ng Pilipinas, makikitang hindi ito likas na kaayusan kundi isang pananaw na unti-unting nabuo at naipasa sa paglipas ng panahon sa Pilipinas.
Ayon sa Social Weather Stations (SWS) survey noong 2025, 83% ng mga Pilipino ang sumasang-ayon sa stereotypical na pananaw na ang trabaho ng lalaki ay kumita ng pera, samantalang ang trabaho ng babae ay mangalaga ng tahanan at pamilya.
Ipinakita rin sa naturang pag-aaral na ang kababaihan ay nakapagtala pa ng mas mataas na net agreement kaysa kalalakihan sa ilang pananaw tungkol sa pagiging maybahay, epekto nito sa mga batang preschool, at buhay-pamilya.
Samantalang iba-iba ang anyo ng karanasang ito sa bawat tao, iisa ang bakas na iniiwan nito sa kanilang buhay.
Para kay Pat — hindi niya tunay na pangalan — nagsimula ang lahat noong siya ay bata pa lamang. Ngayon ay isa siyang third-year student ng kursong Accountancy, malinaw pa rin sa kaniya ang mga pangyayaring unang nagmulat sa kaniya sa realidad na ito.
“May time na nasabihan ako sa school, back when I was in Junior High School, na bakit ang siga-siga ko raw maglakad, kababae kong tao,” kuwento ni Pat.
“Since my elder sister is lesbian, palagi nila akong sinasabihan na umayos ako gumalaw. Dapat daw babaeng-babae kasi baka magaya raw ako sa ate ko na makasalanan,” aniya pa.
Mas lalo itong makikita sa iba’t ibang plataporma sa social media, tulad ng TikTok, kung saan ang mga katagang tulad ng “mas pogi babae na kaklase mo kaysa sa mga lalaki” ay madalas itinuturing na nakakatawa.
Ang sitwasyon na ito ay nakaugat ito sa mga gender and societal norms, na ang mga institusyonalisadong pamantayan sa kasarian ay naglilimita sa mga indibidwal sa mahigpit na binaryo ng inaasahang pag-uugali, at kadalasang nagpapahirap sa mga hindi umaayon sa tradisyunal na panlalaki at pambabae sa kanilang ekspresyon, identidad, o presentasyon ng kasarian.
Ang ganitong pahayag ay hindi lamang nagpapahiwatig na ang pagiging “pogi” o “gwapo” ay ekslusibong para sa kalalakihan, kundi ipinapakita rin nito ang kababaihang tumutugma sa ganitong imahe ay itinuturing spectacle o exceptional.
Sa pamamagitan ng ganitong puna, naipapaloob ang ideya o imahe na ang babae ay dapat kumilos sa kanyang itinakdang gender role. Ang pagtrato sa kanya bilang “hindi pangkaraniwan” ay hindi papuri, kundi isang mapagkunwaring pagpataw ng parusa; ipinapahiwatig nito na ang hindi pag-ayon sa itinakdang gender role ay isang abnormalidad na dapat ituwid.
At kapag binaligtad naman ang sitwasyon, kapag ang lalaki naman ay tinawag na “maganda pa kaysa sa babae” ay agad na hinuhusgahan ng kulturang tumatanggi sa pag-iral ng pagkataong panlalaki sa labas ng tradisyunal na kahulugan ng pagiging lalaki ang kanyang pagkakakilanlan.
Sa kaniyang opinion article na “To be trapped in a box” noong 2024, inilalarawan naman ni Bryce Tamayo sa The GUIDON ng Ateneo de Manila University ang kaniyang karanasan bilang isang indibidwal na lumalampas sa tradisyunal na pamantayan ng kasarian.
“Growing up as a flamboyant and feminine boy, I have always heard various reiterations of this statement: ‘pambabae lang ’yan!’ o ‘hindi dapat ganyan ang mga lalaki,” ayon sa kanya sa kanyang artikulo.
Ang mga salitang ito ang nag-ugat ng kaniyang pag-unawa na ang lipunan ay may mahigpit na kahon ng inaasahan para sa pagkalalaki, na nagreresulta sa kadalasang paglilimita ng malayang pagpapahayag ng identidad.
Sa kabilang banda, sa murang edad pa lamang, tahasang naipapasa ng mga magulang ang mga stereotype hinggil sa kasarian sa kanilang mga anak.
Sa ilang tahanan, kapansin-pansin kung paanong mas nagagawang palampasin ang pagkakamali ng iba, ngunit nagiging mas mahigpit ang pamantayan kapag ang sariling anak ang lumilihis sa itinuturing na “nararapat” na tungkulin at gampanin batay sa kanyang kasarian.
Sa kontekstong ito, ibinahagi ni Pat ang karanasan ng kaniyang batang pinsan. Aniya, pauwi lamang sila noon sa kanilang probinsiya nang makaranas ng hindi kanais-nais na pagtrato ang kaniyang babaeng pinsan, na nakasuot lamang ng jorts at mahabang polo shirt.
“Then nakita ng mom niya, tapos sinabihan siya na bakit ganoon yung suot niya. Tomboy raw ba siya, and kapag yes daw, baka masampal siya,” salaysay niya.
Ayon sa kanya, suportado ng kanilang pamilya ang mga miyembro ng LGBTQIA+, inamin din niya na may mga pagkakataong nananatili pa rin ang hindi ganap na pag-unawa o pagtanggap — lalo na kapag ang usapin ay lumalapit na sa kanilang sariling pamilya.
“Pero kapag kami na mismo yung gano’n, medyo hindi nila tinatanggap,” wika ni Pat.
Sa puntong iyon ay lumilitaw ang pait ng double standards: bukas ang isip ng kanyang pamilya sa iba pero sarado at mapanghusga kapag nakatapat na sa sariling pamilya na dapat sandigan nila sa bawat unos.
Bukod dito, sa isang pag-aaral na inilathala nitong Pebrero nina Yapit at mga kasamahan, na may pamagat na “Inclusive Practices to Counter Gender Stereotypes in Early Childhood Education,” natuklasan na ang mahigpit na pagdidikta sa mga bata hinggil sa kung paano “nararapat” kumilos, manamit, o umasal ang babae at lalaki ay maaaring maging hadlang sa pag-unlad ng kanilang mga likas na hilig at kakayahan.
Dagdag pa rito, ipinapakita ng nasabing pagsusuri na ang ganitong uri ng pagpapalaki ay kadalasang nagbubunga ng pakiramdam ng pagkokondena sa mga bata kapag hindi nila naaabot o nasusunod ang mga inaasahang pamantayan ng pag-uugali na hindi naman nakabatay sa unibersal na katotohanan.
Higit pa sa babae, lalaki
Sa kabila ng lumalawak na kalayaan upang kumilos ayon sa sariling nais at hindi na ganap na sumunod sa mga pamantayan ng kasarian o lipunan, marami pa rin, tulad nina Pat at Bryce, ang nakakulong sa mga huwad na tuntunin ng kasarian, at kapag sinubukan nilang pumalag upang makalaya, diskriminasyon ang isinusukli sa kanila.
At kahit maluwag na ang pagtingin sa kasarian at pagpapahayag ng sarili sa kasalukuyan kumpara sa nakaraan, ay mayroon pa ring bias laban sa mga indibidwal na hindi sumusunod sa dikta ng mayorya, o sa mga taong lumilihis sa nakasanayan.
Nararanasan ito lalo na ng mga kababaihang tumatangging maging sunod-sunuran, kung saan ang mga katangiang hinahangaan sa mga lalaki— tulad ng ambisyon at tapang — ay itinuturing na kapintasan kapag sila na ang nagpakita.
O sa mga kalalakihang hayagang umiiyak o nagpapakita ng emosyonal na kahinaan, na madalas hinuhusgahan bilang kakulangan sa tapang at katatagan, o sa mga pinipiling maging house husband o pumasok sa mga larangang itinuturing na pambabae.
Makikita na, kahit may unti-unting pagbabago sa kaisipan ng bagong henerasyon, nananatiling nakapako pa rin ang pananaw ng marami sa mga gawaing itinuturing na panlalaki at pambabae.
Ang tanging paraan upang makalaya ang lipunan mula sa matagal nang generational trauma — na naipapasa hindi lamang sa antas ng lipunan kundi maging sa loob ng mga pamilya — ay ang pagkawala at pagwaksi sa siklong patuloy na nagpapatibay sa mga ito.
Ang bawat maliit na akyson at pag-aaral sa sarili ay unang hakbang upang pawiin ang ganitong mga negatibong pananaw. Dahil sa huli, ang pagbabago ay nagsisimula sa isang tao — ito ay parang isang mabuting epidemya na mabilis na hihawa at lalaganap sa buong komunidad.
Ipinapakita nito na anumang aksyon o katangian na pinapakita ng isang tao ay hindi dapat magsilbing batayan ng kaniyang halaga o pagkatao, at hindi rin dapat ituring na nakababawas ng dignidad.
Sa kasalukuyan, marapat na matapos na ang pagdidikta ng kanya-kanyang kuwento batay sa kasarian, na tila ba ito ay nakaukit sa Bibliya o sa batas.
Sa pag-iral ng Sexual Orientation, Gender Identity and Expression, at Sex Characteristics (SOGIESC) bill, inaasahang magkakaroon ng legal na pangil ang batas upang panagutin ang diskriminasyon sa sektor ng paggandang-asal, edukasyon, at trabaho — mga larangang madalas magkait ng oportunidad sa komunidad ng LGBTQIA+ dahil sa kanilang kasarian o pananamit.
Ang bill na ito ay patunay na may mga tao pa ring lumalaban para sa karapatang pantao. Ipinaglalaban nila na ang pagiging totoo sa sarili ay hindi isang krimen, kahit pa hindi ito sumunod sa idinidiktang papel ng lipunan.
Hangga’t walang gumagalaw, walang mangyayaring pagbabago — at ang pananahimik sa harap ng ganitong panunupil ay pagpanig sa tradisyonal na sistema.
Ang hamon ngayon ay ang paggising sa kolektibong lakas; ang gawing rebolusyon ang bawat indibidwal na pagpalag, upang tuluyang gumuho ang mga pader ng mapanghusgang tradisyon at maitayo ang isang lipunang malaya para sa lahat.
Sapagkat ang tumahimik ay pagkunsinti sa sistema; ang lumaban ay pagbuwag sa imperyalismong sumasakal sa ating pagkatao.




